Naratibo

3 42

Hindi ko alam kung paborito bang ako’y paglaruan ng tadhana ‘pagkat nagkita tayong muli makalipas ang mahigit tatlong taon. Tila isang sarkasmo dahil pinsan ka ng bagong nobyo ng ate ko. Nagkayayaan sa isang outing at doon nagtagpong muli ang ating mga mata. Kapwa tayo nagulat makita ang isa’t-isa ngunit aaminin kong masaya ako. Nakikita ko pa rin ang kalawakan sa pares ng mga mata mo. Akala ko noon, nakikita ko iyon dahil ‘yon ang gusto kong makita o dahil sa ganoong paraan kita kung tingnan noon. Ngunit mali ako; napagtanto kong sadyang may taglay silang kinang, palaging nangungusap, palaging naglalambing. Ipinakilala ka ni kuya John pero agad kang nakilala ng ate ko.

“Oh? Diba kaklase ka ni Faye noon? Ikaw si Mark diba?” Sabay tingin niya sa akin nang makahulugan. Alam kong alam ni ate kung sino ka sa buhay ko. Naikuwento kita sa kanya at nasubaybayan niya kung paanong halos gabi-gabi tayong magkausap sa telepono noon. Tila bumabalik sa ala-ala ko ang lahat.

“Kumusta?”, ang una mong banggit sa akin. Sa pagkakataong iyon wala na ang gulat na kanina’y nakita ko sa iyo. Nakangiti ka sa akin habang hawak ang plastik mong baso na may lamang juice dahil katatapos lang ng ating pananghalian.

“Ayos lang”, tipid kong sagot. Nag-usap pa tayo ng matagal-tagal tungkol sa mga buhay natin, karamihan tungkol sa kursong kinuha at sa mga karanasan natin habang nasa kolehiyo. Ikinuwento mo ang mga kalokohan mo at iba pang nakakatawang pangyayari sa buhay mo. Hindi ka pa rin talaga nagbabago. Masaya tayong nagkuwentuhan; hindi ko man maamin sayo pero na-miss kita. Ang tawa mo, ang boses mo, ang tipikal mong mga biro; sa madaling salita, ikaw mismo. Naalala kong minsan sa buhay ko may isang ikaw, na minsa’y naging best friend kita, at minahal nang higit pa sa isa.

Madilim na ang kalangitan at tanging ilaw na lang sa resort ang nagbibigay liwanag sa paligid. Nakaupo ako sa gilid ng swimming pool at tahimik na pinagmamasdan ang paghampas ng tubig sa paa ko. Para akong may sariling mundo kahit naririnig ko sa ‘di kalayuan ang kantahan at tawanan ng mga kaibigan ng ate ko at ni kuya John. Naputol ako sa malalim na pag-iisip nang bigla mo akong tabihan kasama ang dala mong dalawang lata ng beer, at iniabot ang isa sa akin.

“Lalim yata ng iniisip mo ah, ako ba yan?” tanong mo kasabay ng isang halakhak. Wala akong nagawa kundi ang matawa na lang din sa mga biro mo. Nagpatuloy tayo sa biruan hanggang sa nabalot tayo ng katahimikan at tanging ang mga hawak nating beer ang tila nag-uusap.  Magsasalita na sana ako, itatanong ko na sana sa’yo ang matagal ko nang gustong malaman. Ngunit nauna ka, tinanong mo sa akin ang hindi ko inaasahang tanong. Sa pagkakataong iyon ay kumirot ang puso ko.

“Yung naramdaman mo ba sa akin noon, totoo ba ‘yon?” Masakit pala, masakit pala marinig ‘yan mula sa’yo. Hindi ko alam na sa kabila ng lahat ay may pagdududa ka sa naramdaman ko noon. Napatitig ako sa’yo; tila gusto kong mabingi.

“Alam mo, gusto kong ma-offend.” Nagulat ka sa sinabi ko kaya napabaling ka ng tingin sa akin. Hindi na ako nagsalita pa pero alam kong sa apat na katagang iyon ay nakuha mo ang sagot na gusto mo. Nakabibingi ang katahimikan sa pagitan nating dalawa.

“Ikaw, bakit ka umalis nang parang walang nangyari? Bakit mo ko iniwan at umakto na animo’y kailanman hindi ako naging parte ng mundo mo, kahit na  bilang kaibigan man lang? Tila ibinaon mo sa limot ang lahat. Sa totoo lang, naghihintay lang ako noon na kausapin mo ako, alang-alang man lang sa pagkakaibigan natin. Kailanman hindi ko hinangad na masuklian mo ang pagmamahal ko sa’yo kasi sa una pa lang naman alam kong talo na. Natatandaan mo pa ba nung hinarana mo siya at isinigaw sa harap ko, sa harap ng maraming tao na siya ang best friend mo? Na nahulog ka sa kanya dahil andiyan siya para sa’yo. Mas nasaktan pa ako sa katotohanang itinapon mo ang pagkakaibigan natin, kahit na alam mong sa’yo ako kumakapit sa mga panahong pakiramdam ko wala akong makapitan. Dahil sa’yo nagkaroon ako ng trust issues at abandonment issues. Natakot akong mapag-iwanan ng lahat ng malapit sa akin, ng mga kaibigan ko. Pakiramdam ko ang dali-dali ko lang palitan. Iniisip ko noon kung ano ang mali sa akin para gawin mo sa akin ‘yon. Wala akong ibang hinangad kundi ang kaligayahan mo, lahat ng mapapabuti sa’yo. Pero hindi mo ‘yon nakita.”

Sa dami nang sinabi ko, wala kang naging imik. Nakayuko ka lamang at tahimik na nakinig sa mga sinabi ko. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip mo, hindi ko alam kung may makukuha ba akong sagot mula sa’yo.

“’Wag kang mag-alala, wala na akong nararamdaman para sa’yo. Gusto ko lang talagang itanong ‘yan sa’yo dahil minsan pa rin akong minumulto ng mga ala-ala mo kasabay ng lahat ng sakit na idinulot mo. Kahit sabihin kong nakalimutan na kita, nag-iwan ka pa rin ng marka sa puso ko, bumuo ka ng espasyo na hanggang ngayon tila hindi ko magamot-gamot. Nagmahal na rin ako ng iba pero pakiramdam ko laging may kulang, laging may mali, may hindi buo. Pakiramdam ko hindi pa man nagsisimula ay malapit na ang katapusan. Pakiramdam ko lahat ay iiwanan din ako gaya ng ginawa mo. Nagawa mong itapon at burahin lahat, sana isinama mo na rin pati trauma at ala-ala ko sayo.”

Nabalot tayong muli ng nakabibinging katahimikan. Naghintay ako na magsalita ka pero kahit sulyap sa akin ay hindi mo ginawa. Napagtanto kong wala kang sasabihin kaya nagpasya akong tumayo na at magpahinga. Sapat na siguro, na nasabi ko sa’yo lahat.

 

Sana nga sapat na, kahit sa kuwento lamang. Isinara ko ang laptop at tinuyo ang basa kong pisngi.


Hi, I wrote this last night. As you can see, it's written in Filipino. I don't know, I just felt like writing one. I felt like I will be able to express it more if it's written in Filipino so yeah, that's it.

2
$ 5.58
$ 5.58 from @TheRandomRewarder
Sponsors of glossyberrycraze
empty
empty
empty

Comments

Hellooooo!! What happened? Hindi naghabol si boy kay girl? I feel the pain of the girl huhu. Wala po ba karugtong to? Haha sorry po. Anyways, I like the story!

$ 0.00
3 years ago

hello po, thank you for liking the story :) uhm, to be honest po wala sa plano ko na bigyan siya ng karugtong haha. pero thank you po sa pagbabasa! :)

$ 0.00
3 years ago

Aww. Haha. Sige pooo. Abangan ko nalang iba. Walang anuman! 😁

$ 0.00
3 years ago