Mga Tula Para sa Lipunan
Hindi ako makata ngunit sinikap kong gumawa ng tula tungkol sa mga kinakaharap nating mga pagsubok bilang babae. Araw araw tayong nakakaranas ng mga hindi kanais-nais na bagay dahil lang sa babae tayo. Karapatan nating marespeto. Ngunit, tila ipinagkakait nila ito sa atin dahil babae lang tayo. Mahihina lang daw ang mga bababe. Marurupok at wala daw dignidad ang mga kababaihan. Kaya naman ang baba ng tingin nila sa atin. Subalit, hindi dapat ganon.
Kung Lalaki Lang Sana Ako
Kung lalaki lang sana ako
Hindi ako matatakot na maglakad sa kanto
Hindi ako masisipulan ng mga lumalagpas na tao
Hindi ako masasabihan ng “Miss, ang sexy mo”
Kung lalaki lang sana ako
Hindi ako matatakot na lumabas ng bahay ko
Hindi ko kailangan kabahan na ako ay madakip ng estranghero
Hindi kailangang magpakaalerto ako sa paligid ko
Kung lalaki lang sana ako
Malaya akong isuot ang gusto
Makakasuot ako ng maiikling bestida
Hindi ko kailangang balutin ang sarili kahit mainit na
Kung lalaki lang sana ako
Hindi ako mababastos dahil lang sa suot ko
Hindi ako sasamantalahin dahil mahina ako
Hindi nababalot ng pangamba ang buhay ko
Ang hirap maging babae sa lipunan
Walang lugar at walang kapayapaan
Huhusgahan ka sa iyong suot at itsura
Sisisihin ka kahit ikaw ang biktima
Pipilitin kang manahimik na lamang kahit inaabuso ka
Kapag nagreklamo, sasabihing sinungaling ka
Lahat daw tayo ay may karapatan
Ngunit, tila lalaki lang ang pinapahalagahan
Kung lalaki lang sana ako
Hindi ko ipaglalaban ang aking karapatan
Dahil hindi naman kailangan
Subalit, babae ako
Kailangan kong ilaban ang lahat sa lipunang ito
Wala akong kasalanan ngunit tinuturing akong kriminal dito
Walang kalayaan at walang karapatan
Kung lalaki lang sana ako, hindi ganito ang buhay ko
Lipunan, kailan ka ba tuluyang magbabago?
Hanggang kailan mo ipagkakait ang karapatan ko?
Hanggang kailan ako mangangamba dahil lang babae ako?
Hanggang kailan ko papangaraping naging lalaki na lang sana ako?
Gumawa rin ako ng tula para sa ating mga katutubo. Lagi silang nakararanas ng diskriminasyon. Sila ay pinabayaan at pinagsasamantalahan. Kahit pa pinagkakakitaan sila ng mga may kapangyarihan, hindi sila nabibigyan ng masaganang buhay. Sila ay naghihirap.
Gaya ng mga Bulaklak
Anong gagawin mo kung kahit anong iyong laban
Aagawin pa rin sa huli ang iyong tahanan
Anong gagawin mo kung kahit anong dasal mo
‘Di makaturungang kamatayan pa rin ang iyong tungo
Tila mga bulaklak na kahit anong halimuyak at ganda
Walang makakapigil sa kanilang paglanta
Ang mga katutubong hangad lang ay buhay na payapa
Walang takas sa pananamantala
Gaya ng mga bulaklak na nagbibigay kulay sa hardin
Ang ating mga katutubo ang nagdala ng kulay sa kultura natin
Subalit, gaya ng mga bulaklak, madali lang silang apakan at sirain
Ng mga makapangyarihang walang awa at sakim
Tunay ngang kapag maganda ang bulaklak, mas lalo itong mapipitas
Hindi man lang naawa ang mga may kapangyarihang nakatataas Walang takas ang mga katutubo sa dahas Wala bang lakas ang ating batas?
Mas mahalaga ba ang pera kaysa buhay ng ating mga katutubo?
Wala ba tayong utang na loob sa ating mga kapwa Pilipino?
Pinagkakakitaan ngunit pinapabayaan
Pinapatay maagaw lang ang lupang kanilang tirahan
Subalit, hanggat may araw na laging nasa langit
Hindi mawawala ang pag-asa kahit buhay ay sobrang pait
Patuloy na lumalaban ang mga katutubo
Gaya ng mga bulaklak na patuloy na tumutubo
Utang natin sa kanila ang pagsama sa kanilang pag-alsa
Sapagkat utang din natin sa kanila ang ating identidad at kultura
Higit sa lahat, paano ka mabubuhay nang matiwasay
Kung bawat, araw may katutubong nawawalan ng buhay
Ang pakikipaglaban para sa kanila
Ay pagprotekta sa ating bansa
Labanan natin ang mga sakim na pulitko at kapitalista
Alagaan natin ang mga bulaklak at kanilang ganda
Sana ay nagustuhan niyo ang aking mga akda.
Lead image edited in Canva
Ang galing mo gumawa ng tula sis. Ang tagal ko ng hindi na nakagawa ng tula sis. Oo nga sis nuh panu kaya kung naging lalaki nalang tayo. Minsan naisip ko din yan.