Mahal maghiwalay na muna tayo, kailangan natin ng espasyo" ang mga salita na dahan-dahang nagpagunaw ng mundo ko. Marahan mo itong binigkas nang walang pag-aatubili. Hindi ko mawari noon kung sinadya mo ba talagang sabihin 'yon o may bumabagabag lamang sa iyong isipan. Andami kong gustong itanong sayo ngunit nagmistula akong estatuwa na hindi makagalaw dala ng pagkabigla, nagmistula akong pipi— napaso sa iyong mga salita, nanginginig at nababahala. Hindi ako umalis sa inyong tarangkahan— umaasa na nagbibiro ka lamang.
Hindi ka na ba nagagalak sa paksa ng mga tula na inilalathala ko sa'yo? Kasi mahal, iibahin ko. Hindi ka na ba natatawa sa mga biro ko? Kasi mahal, magsasaliksik ako ng bago. Hindi na ba ako ang iyong mainit na kape na kailangan mo sa t'wing umuulan? Ilan lang 'yan sa samut-saring tanong na gusto kong itanong sa'yo. "At kung sakaling mahanap mo na yung espasyo na hinahanap mo, tandaan mo lang na nandito pa rin ako— handang maghintay." Sa dinami-rami ng nais kong sabihin sa'yo, 'yan lamang ang naisambit ko.
Buong akala ko oras lang para makapag-isip ang kailangan mo ngunit mahal, magtatatlong taon na ngayon, gaano pa ba kalawak na espasyo ang kailangan mo upang ako'y balikan mo?