Ctto joy

0 0

Good day USF! Ako po si Joy at ang mga katagang yan po ay mula sa lola ko na 84 years old na po ngayon. Ang kwentong ito po ay hindi akin kundi sa aking lola. Mula pagkabata po ay lumaki na ako na malapit sa lola ko sa mother side, let's call her Lola Tet. Taga Nueva Ecija po kami pero tubong Ilocos ang aking lola. Aminado po akong lola's girl ako at madalas akong natutulog sa tabi ng lola ko lalo na nung elementary at highschool pa lang ako. Sa mga gabing magkatabi po kami ng lola ko ay memoryado ko na ang kwento nila ng first love niya.

Si lola po ay ipinanganak ng taong 1936, kaya naman late na siyang nakapasok sa eskwela dahil kasagsagan ng gyera nong panahon ng hapon kaya naman kinse anyos na siya e Grade 6 pa lamang siya. Kung tutuusin ay siya pa daw ang pinakabata sa kanilang magkakaklase dahil halos may mga kaklase siyang dalaga at binata na talaga. I-shishare ko po love story ni lola at ni Lolo Pandong (my lola's first love) in my lola's POV na po para mas madali niyong maintindihan.

Nakilala ko si Pandong dahil magkaibigan ang aming mga ama. Mayroon kaming bukid sa barangay kung saan nakatira sila Pandong pero ang bahay namin ay nasa kasunod pang barangay. Noong bata pa ako sa tuwing panahon nga ng pagsasaka ay isinasama ako ng aking tatang at nanang dahil wala akong makakasamang maiiwan sa bahay lalo at noong panahong iyon ay manu-mano pa ang pagsasaka, dalawa lang kaming magkapatid at malaki ang agwat ng edad namin ng kuya ko na meron ng asawa. Kadalasan inaabot sila ng dalawa hanggang tatlong araw kaya naman nakikituloy kami pansamantala sa bahay nila Pandong. Mas matanda sa akin si Pandong ng dalawang taon. Natatandaan ko pa ang una naming pagkikita, naglalaro kami noon ng kapatid niyang babae ng lutu-lutuan nang sipain niya ang mga laruan namin, sa galit ko ay dumakot ako ng buhangin at isinaboy ito sa mata niya. Napuno ang mata niya ng buhangin. Galit na galit siya at pinagmumura ako habang umiiyak."Ukinn@m ah, nu mabulag ak laeng, han ka map-mapan toy balay men" (In tagalog, PI ka, 'pag ako nabulag wag na wag ka na pupunta dito sa bahay namin) (Nakikita ko talaga na natatawa talaga si lola sa part na to sa tuwing nagkwekwento siya). Pinagalitan ako ng mga magulang ko nang dahil doon. Kalaunan ay naging kaklase ko din si Pandong ng Grade 5 at 6 dahil walang pang-grade 5 at grade 6 sa elementary school ng baranggay nila kaya lumipat siya sa elementary school ng mismong bayan namin kung saan ako nag-aaral. Naglalakad lang din kami sa tuwing papasok dahil wala pang mga sasakyan noon kundi kalesa at wala namang namamasadang kalesa pauwi ng baryo namin dahil bundok bundok na. Sa pagpasok at pag-uwi ay halos sabay sabay kaming lahat na magkakabaryo sa paglalakad nakakasabay din namin si Pandong dahil dadaanan nga namin ang baranggay nila. Noong panahon namin dahil uso ang harana ay madalas dalhin ni Pandong ang gitara niya sa eskwela. Mahusay kumanta at maggitara si Pandong, palagi niya akong kinakantahan. Minsan ay naiwan ako ng mga kabaryo sa pagpasok kaya naman mag isa akong naglalakad papasok nang bigla akong harangin ni Pandong. Nakatungo lang siya habang inaabot sa akin ng isang sulat. Pinapaalis ko siya sa harap ko dahil mahuhuli na ako ng pasok pero ayaw niya umalis hanggang di ko daw sasagutin ang sulat niya. Sinabi niyang gusto niya ako. Sa totoo lang ay gusto ko din siya mula pagkabata dahil talaga namang gwapo, matalino, mestiso at mahusay umawit si Pandong. Pero bata pa kami at nag-aaral pa lang. Parang nabasa naman niya ang iniisip ko dahil sinabi niyang "Hihintayin kita, liligawan kita pero tayo na kapag nakapagtapos ka na." Mula noon ay tila may ugnayan na kami ni Pandong, humihiram siya sa akin ng libro at pag sinasauli niya ay may nakaipit ng sulat. Palagi kong nahuhuli ang sarili kong nakangiti kapag binabasa ko ang mga sulat niya sa gabi. Palagi kaming nagpapalitan ng sulat sa pamamagitan ng libro. Sa tuwing may mga kasalan ay mayroong pasayaw sa gabi, bago ang kasal madalas akong maanyayahan na dumalo at kumanta dahil mahusay din akong umawit at sa tuwina ay palagi kong gitarista si Pandong. Minsan nang ikasal ang ate niya ay naimbitahan ako, hindi ako nakikipagsayaw kahit na anong pilit ng mga kaibigan ko. Pagkatapos kumanta ay buong giliw akong inasikaso ni Pandong, hinainan ng pagkain at kwinentuhan habang kumakain, doon napansin ng ibang tao ang ugnayan namin ni Pandong. Hanggang umabot ito kay Peter, isa sa mga masugid kong manliligaw na kailanman ay hindi ko nagustuhan ang ugali, ilang beses ko na itong tinanggihan ngunit sadyang napakakulit nito. Kaklase di namin si Peter, sa di ko malamang dahilan ay nalaman niya ang pagsusulatan namin ni Pandong gamit ng libro. Minsan ay nagulat na lamang ako nang pagpasok ko sa klasrum namin ay may bumagsak na libro sa harap ko. Nahimatay ako sa gulat hindi lang dahil sa pagbagsak ng libro kundi dahil nakita kong si Pandong ang naghagis nito. Paggising ko ay nakita ko si Pandong at ang guro namin. Pinaamin nila si Pandong bakit niya ako binato at inilabas niya ang isang sulat na naglalaman ng mga masasakit na salita at nakapirma ang pangalan ko. Umiyak ako, nasaktan sapagkat bakit hindi niya nakilalang hindi ko iyon sulat at hindi yun mula sa akin kahit na pangalan ko pa ang nakasulat sa baba. Ito ang unang pagsubok sa damdamin namin sa isa't-isa. Nalaman din namin na si Peter ang may kagagawan nito. Umiyak si Pandong. Humingi siya ng tawad. At maka ilang beses na binanggit na napakag*go niya dahil nadaig siya ng emosyon niya. Nalaman iyon ng mga magulang ko, at naging issue sa buong eskwelahan. Mula noon ay nilayuan ako ni Pandong, wala ng sulat, wala ng harana. Madalas ko siyang mahuling nakatingin sa akin pagkatapos ay mag-iiwas ng tingin. Napapadalas na din ang pagliban niya ng pasok sa eskwela. Isang pasko bago kami magtapos ng elementarya ay nagkasama kami sa pangangaroling. Nag-usap kami at nagkapatawaran. Bumalik sa dati si Pandong maging ang relasyon namin, iyon ay kung relasyon nga bang maitatawag iyon dahil hindi pa naman kami pormal na magnobyo at magnobya. Bago kami magtapos ng elementarya ay ipinaalala sa akin ni Pandong ang usapan namin noong hinarang niya ako papasok, ang magiging kami kapag nakapagtapos na kami. Pero mag-aaral pa ako ng highschool kaya naman sinabi ko sa kaniyang maghintay pa ng konti. Hindi nakapagpatuloy ng pag-aaral si Pandong dahil sa kakapusan sa pera at pumasok na lamang sa 2 year agricultural course. Umuupa ako ng kwarto sa Narvacan at lingguhan lamang kung umuwi sa baryo namin, sa tuwing Biyernes ay susunduin ako ni Pandong ng kalesa at ihahatid pauwi. Patuloy din ang sulatan namin dahil wala namang cellphone nung panahong iyon. Buong first year highschool ko ay sinusundo ako ni Pandong, nalaman na din ng mga magulang ko. Hindi namn sila nagalit dahil dalaga naman na ako, pinaalala lang nila sa akin na magtapos muna dahil kilala naman nilang mabuting tao si Pandong. Napakasaya ko. Mahal na mahal ko si Pandong. Talagang napakasarap umibig. Ngunit napakasakit din. Second year high school ako nang biglang manlamig si Pandong. Hindi na niya ko madalas masundo, sabi niya ay dahil matatapos na ang dalawang taon niyang kurso at sa dami ng trabaho sa bukid, naintindihan ko naman dahil busy din naman ako sa pag-aaral ko. Hanggang sa isang byernes ay nagulat ako dahil naroon siya sa harap ng inuupahan kong bahay at may dalang kalesa. Sobrang lakas ng ulan noon kaya sinabi ko sa kaniyang hindi muna ako uuwi. Basang-basa na siya ng ulan hindi ko alam pero parang luha ang nakikita kong tumutulo sa mata niya kahit na umuulan non at pwedeng patak lang iyon ng ulan. Ngunit hindi. Umiiyak talaga si Pandong. Yumugyog ang balikat niya habang magkatapat kami. Pinayungan ko siya at tinanong anong nangyari. Ang lakas ng tibok ng puso ko. Lalo na nang sabihin niyang "Sumama ka sa akin Tet. Magtanan tayo."Pinipigilan ko ang sarili kong luha ng panahong iyon. Alam kong may mali. Bakit bigla biglang gusto niyang magtanan kami? "Anong nangyari? " ulit kong tanong. Gumagaralgal na ng boses ko. May mali. May hindi ako nalalaman. Hinawakan niya ang kamay ko at sinabing "Patawad Tet" hindi ko maitindihan, ramdam na ramdam kong may mali pero parang ayaw ko ding marinig kung ano ba talaga ang nangyayari "Sasama ka ba sa akin?" tanong niyang muli na sinagot ko ng pagpapaalalang nag-aaral pa ako.

Binitawana niya ang kamay ko at nagpaalam na uuwi na at pumasok na din daw ako dahil palakas na ng palakas ng ulan. Hindi ako nakatulog ng maayos ng gabing iyon kaya naman kinaumagahan ay umuwi ako agad, hindi ako pinatulog ng inakto ni Pandong, alam kong may mali. Pag-uwi ko ay nasa bahay ang mga magulang ni Pandong, kausap ang tatang ko. Kinabahan ako, nalilito. Pero nabigyang linaw lahat ng iyon ng mapansin ako ng tatang ko, lumapit siya at niyakap niya ako. Umiiyak ang nanay ni Pandong, ano ba talaga ang nangyayari? Naguguluhan ako. Natauhan na lamang ako nang magpaalam ang tatang kong ihahatid muna palabas ang mga magulang ni Pandong na mamanhikan sa bahay ng mapapangasawa ni Pandong. Oo. Hindi ako. Ibang babae. Nakabuntis si Pandong.

Puputulin ko muna po dito. Dahil sobrang haba na. Sa ngayon po ay makakalimutin na si lola, dulot na din po siguro ng edad niya pero ang kwento niya tungkol kay Pandong, kailanman ay hindi nagbago kahit na paulit-ulit ko na itong narinig mula pagkabata ko. Siguro nga, maraming taon man ang lumipas ay hindi nakakalimot ang puso.

1
$ 0.00

Comments