Nagbago ang lahat. Nagbago ang kapaligiran. At nagbago ang mundo. Pansin ang tila pagkawatak-watak ng mga tao. Tila hindi na makapag-usap ng normal kagaya noon. Nabago na ngang talaga ng pandemya ang kultura t ang bawat isa. Ang dati na yakap, napalitan ng palitan ng kaway. Ang dating kamustahan malapitan ay nauwi sa kamustahan na lamang sa telepono. Ang dating pagkakadikit-dikit ay napalitan ng pagkawatak-watak.
Isang metro ang utos ng gobyerno. Isang metrong layo sa mga taong minsa’y nahahagkan mo. Isang metrong layo sa mga taong minsan ay nakatabi mo. Isang metrong layo sa mga taong minsan ay nakasiksikan mo. Bago na nga. Nagbago na nga ang lahat at hindi yata napaghandaan. Napakabilis ng mga pangyayari. Ang bilang ng positibo ay patuloy na nadodoble. Ang noong isang daan, ngayon ay isang libo.
Nang dahil sa pandemya, napakaraming buhay na naapektuhan. Napakaraming apektado saan mang sulok ng mundo. Dahil sa pandemya, maraming trabaho ang nahinto. Maraming pangarap ang naantala at mga planong kailangang isantabi muna. Maraming apektado sa lahat ng aspeto. Mula sa mga gobyernon, ordinaryong tao, at pati mga kilalang idolo. Walang pinalagpas itong epidemya. Lahat sinalanta at lahat inabala. Ang dapat na pangarap na makakamit na ng iba, ay tila unti-unting nailayo nanaman sa kanila. Ano nga ba ang sagot ng gobyerno? Ang makabagong normal.
Inilatag ang makabagong normal. Patakarang naglipana, at mga paalalang may kalaban pa. Isang metrong layo sa isa’t-isa. Pagsusuot ng maskara sa mukha. Ilan lamang sa mga bagay na kailangang makagawian ng mga madla, ika nila. Ang makabagong normal ay magiging normal ba? Makakayanan ba ng mga tao ang pagsabay sa agos nitong pagbabago? Makakasabay ba tayo sa mga patakarang dapat sundin, imbes na trabaho ang unahin? Marami ang kumakalam ang sikmura, idagdag pa ang epidemyang nagpapalala sa sitwasyon nila. Ang mga mag-aaral ay nahihirapan na. Hindi makasabay sa araling nasa telepono at social media. Hindi makasabay ang iba dahil sa walang kakayahang makabili ng mga gadgets na kailangan sa pag-aaral nila.
Ang ilang hanapbuhay ay nahinto. Paano na ang pamilya ng mga empleyado? Paano na ang mga anak nilang umaasa sa pagkaing maiuuwi nito? Solusyon na solido ang kailangan. Solusyon na makakabuti sa karamihan. Solusyon na matatamasa ng lahat at walang pilian kung sino lamang. Solusyon ang kailangan ng bansa at mamamayan. Madali ang makabagong normal kung mapapadali ang sagot sa mga hinaing ng sambayanan. Mapapadali ang makabagong normal kung patuloy na susuriin at paghahandaan. Sakit ang kalaban, at hindi pamahalaan o kung sino man. Pagkakaisa ang kailangan at hindi lamangan. Hilahan pataas at hindi pagtatapakan. Kailangan ng pagbabago sa makabagong normal, na sa ating sarili mismo sisimulan. Maging mabuting indibidwal na makakatulong sa kapwa at hindi pansarili lamang. Iyan ang malakas na armas sa digmaang lahat tayo ay nakikipaglaban.
================
Thank you so much for taking time to finish reading my article. I'll try to publish an English version of this one for those who cannot understand it.