Aking Ama

0 23
Avatar for bbghitte
3 years ago

Aking ama

Isa kang dakila

Dami mong hirap para buhay nami'y guminhawa

Ang bisyo mo ay nakaya mong isantabi

Maibigay lamang aming mithi

Mga damit mo'y laging patahi

Mas tipid kasi yun ang iyong sabi

Sapatos mo ay alagang kiwi

Dahil halos di ka na makabili

Salamat sa kapatid na nasa tate dati

Nabibilhan ka nya ng matibay-tibay at pangmatagalan

Pero dahil nag-iisa lang

Kahit matibay, syempre napupudpod din naman.

Di ka pa nakakapagpagupit sa barberya

Dahil sa nagtitipid ka

Bili ka na lang ng blade at si Nanay na ang bahala

Hay aking ama

Sadya nga namang hirap ay di mo inalintana

Kahit wala ka ng kapera-pera

Pag-uwi mo ng bus may ngiti ka pa ding nakahanda

At di lang yun, may bitbit ka pa para sa aming mga bata

Namimiss tuloy kita ng sobra

Wait lang, baka ako'y mapaluha

Pause muna at tumingala!

Ilang taon na din ang lumipas

Pero ang sakit pa din talaga

Parang kahapon lang ng iniwan mo kaming iyong mag-iina

Di kami handa, hindi kami nakapaghanda

Naalala ko pa Pasko bago ng iyong paglisan

Ako ang iyong napili na samahan

Anak, dalawang sapatos lang ang iyong tinuran

Sabi ko pa sige ba, pili ka na

Nahiya ka pa nga pumili nung una kasi sa presyo ikaw ay nag-alangan pa

Pero sabi ko, wag ka mag-alala

Ang saya mo noon na umuwi at ipinakita sa kanila ang ating napamili

Sakto sa pupuntahan na graduation ni air force

Ama ko, di mo pinaramdam na ikaw ay may malubhang nararamdaman

Lagi mo kami pinagluluto ng iyong masarap na adobo at sinigang

Lagi kang may joke na minsan ay corny din naman

Pero sadyang magiliw at masiyahin ka talaga

Na tila ba ayaw mo kaming nag-aalala

Noong nagkasakit ka sabi mo pahinga ka lang sa ospital

Isang gabi lang daw ika mo pa

Pero isang araw, isang linggo, hanggang isang buwan

Hanggang ang lakas mo ay nawala ng tuluyan

Di na namin narinig ang boses mong maganda

Ang 'hello my dear' mong sobrang lambing pa

Aking Ama, mahal ka namin sobra

Mga pangaral mo aming lagi isinasabuhay at inaalala

Kailanman ay di ka namin makakalimutan

Alam ko na masaya ka ng kapiling ng totoong Ama

Na Siyang nagbibigay ng buhay na masagana.

...^•°...

Hello ulit mga kaibigan

Sana ay iyong nagustuhan

Ang aking tulang kwento na mula sa kaibuturan.

...^•°...

Lead image is mine.
#originalcontent #readcash #noisecash

3
$ 2.57
$ 2.00 from @Dolores1
$ 0.37 from @TheRandomRewarder
$ 0.20 from @bmjc98
Sponsors of bbghitte
empty
empty
empty
Avatar for bbghitte
3 years ago

Comments