Tadhana ㅡ a short entry

0 4

"At dahan dahan.. Mas marahan pa sa pag-ihip ng hanging sariwa. Sa huling sandali, muling binigkas ang tatlong letra. Tatlong letrang nagpaniwala sa akin ng salitang walang hanggan. Tatlong letrang kinapitan na para bang ayaw maagawan. Tatlong letrang may katapusan pala.."

Marahan kong isinara ang librong nasa aking kandungan at pinatay ang musikang tumutugtog sa aking cellphone. Tumingala ako at hinanap ang mga mumunting bituin. Dinama ko ang hanging dumadampi sa aking balat. At sa muling pagpikit ay siyang pagbalik ng mga alaalang kailanman ay hindi ko malimutan.

Saan nga ba nagsimula ang lahat? Ang alam ko'y madalas tayong magtuksuhan at magkapikunan. Sinusungitan pa nga kita samantalang ikaw heto't sige ngisi pa. Dumating ang panahon na nagsimula na tayong asarin ng mga kaibigan mo. Nilayuan kita dahil masyado pa tayong bata o baka hindi naman talaga totoo ang sinasabi nila. Mas nilayuan kita, marahil hindi ko pa lubusang madama ang bawat linyang iyong binitawan. Pero nagsimulang makipaglaro ang tadhana.

Ang gaan sa pakiramdam na sa tuwing umaga, ikaw ang masisilayan. Ang saya ko sa tuwing hawak mo ang mga kamay ko na ayaw ng bitawan. Napakasimple lang nating dalawa na sa pagsasama lang ay kuntento na tayo. Sobrang saya na para bang ayaw mo ng matapos ng lahat. At gabi gabi kong hinihiling na sana ikaw na talaga ang para sa akin.

Dumaan ang madaming buwan, hindi ko masasabing perpekto ang lahat pero heto tayo at hawak kamay na sinasalubong ang lahat ng lungkot at saya. Nagsimula na akong umasa sa lahat, nangarap sa ating dalawa, nagplano ng kinabukasan nating dalawa. Pero sobrang lupit naman ng tadhana. Kahit pilit kitang hilahin palapit sa akin, siya namang paghatak ni tadhana sayo palayo sa akin.

Lumipas ang dalawang taon, bumalik ka at nasa aking harapan. Naguunahan ang aking mga luhang sinasapo ng iyong mga kamay. Walang nagsasalita, pilit lamang dinadama. Marahil ay nagkaintindihan na.

"Mahal!"

Napamulat ako bigla sa aking narinig pagkat alam kong hindi ako nagkakamali. Alam ko kung sinong nagmamay-ari ng tinig. Dahan dahan akong nag-angat ng tingin. Mula sa kinauupuan ko, nakita kitang nakangiti at naglalakad palapit.

'Namiss kita' ㅡ salitang matagal ng ninanais sabihin sayo.

"Mahal!"

At kasabay ng paglingon ko sayo muli, ang siyang pagtayo ng babaeng katabi ko. Nawala ang ngiti sa aking mga labi. Kitang kita ko kung gaano mo siya niyakap nang mahigpit, kung gaano kasabik ang mga mata mong makita siya.

'Marahil huli na nga para sa akin. Marahil huli na nga para sa atin'.

Muli kong binuklat ang librong nasa kandungan ko. Kasabay ng pagtulo ng mga luha sa aking mga mata, ang siyang pagbigkas ng mga salitang kinatatakutan ko ng sobra ㅡ paalam marahil ito na ang ating hangganan.

"At sa bawat paghikbi, ang siyang paghigpit ng kapit. At sa bawat higpit, ang siyang lalong pagbitaw mo sa akin. Marahil napagod na nga, napagod na ang tadhana".

1
$ 0.00
Sponsors of annyeongkleopatra
empty
empty
empty

Comments