Naaalala mo pa ba noong mga panahong nagliligawan pa lang tayo? Noong mga panahong nasa akin pa ang buong atensyon mo? Noong panahong ako pa ang hinahanap hanap mo? Noong panahong madalas ako ang inuuna mo? Noong panahong palaging ako ang nasa isipan mo?
Naaalala mo pa ba noong mga panahong kinikilig ka pa sa mga sinasabi ko? Noong mga panahong todo alaga ka sa akin? Noong mga panahong kapag may sakit ako, kulang nalang palipadin mo ang jeep na sinasakyan mo makarating lang sakin at bantayan ako?
Naaalala mo pa ba noong mga panahong halos hindi na tayo matulog dahil mula umaga hanggang gabi, tayong dalawa ay magkausap? Noong mga panahong nagtampo ka at kinantahan kita sa harap ng maraming tao? Noong mga panahong dinala kita sa bahay namin para ipakilala sa mga magulang ko? Kabado ka pa noon na halos minu-minuto mong inaayos ang buhok mo, na halos ilang tanong na ang nasambit mo kung papasa ka ba sa kanila.
Naaalala mo pa ba noong nagtatampo ako? Hindi mo hinahayaang matulog tayo ng hindi nagkakaayos? Noong kahit wala namang espesyal na okasyon binibigyan mo ako ng samu't saring sorpresa? Noong mga panahong pinagsasabihan mo ako kapag maiksi o manipis ang suot ko at hindi kita kasama sa pupuntahan ko? Noong mga panahong ipinakilala mo na din ako sa pamilya mo? Noong mga panahong halos araw araw kang tumatawag dahil namimiss na kamo ako ng mama mo? Noong mga panahong nagcelebrate tayo ng isang taon natin?
Nakakamiss na din pala. Ang tagal na. Pero ang sakit pa ding alalahanin. Ang sakit malaman na dati rati ako pa..
Na dati rati nasa akin ka pa.. Na dati rati yung atensyon mo nasa akin pa.. Na dati rati ako lang yung inaalala mo.. Na dati rati sa akin mo lang ginagawa ang lahat ng ito..
Akala ko kasi kuntento ka na. Akala ko okay na ang lahat sa atin. Akala ko nabigay ko na lahat sayo. Akala ko sobrang saya na natin na parang wala ng katapusan pa. Akala ko ako lang talaga. Akala ko nasa akin ka pa kaya patuloy akong kumakapit sa iyo. Akala ko wala ka talagang iba. Pero sino siya?
Ang sakit naman. Pwede bang hinay hinay lang naman? Second na nga lang ako sayo, ginawa mo pa akong option mo.
Saan na ba talaga ako lulugar? Sino na ba talaga? Ako pa ba talaga? Ano na ba talaga?
Ang hirap kasi na nagaabang na lang ako parati sa mga texts, chats, tawag o sa bisita mo na nakasanayan ko na. Sa mga bati mo tuwing umaga, sa mga pangungumusta sa tanghali, sa pagpapaalala mo na wag magpapagutom sa hapon at sa mga matatamis mong salita bago ako matulog.
Nakakamiss maramdaman na ako yung una. Na ako lang ang iniisip mo sa tuwina.. Na ako lang talaga.. Nakakamiss yung dating tayo pa. Yung kahit na hindi ako perpekto, ako pa din kamo ang mo. Na hindi mo ko iiwanan o ipagpapalit kahit kanino. Na hindi ka titingin sa iba para lang mapunan ang pagkukulang ko.
Pero anong nangyari? Anong nangyari sayo? Sa atin? Bakit biglang naglaho lahat at nagbago na ng tuluyan?
Pwede bang ako na lang ulit? Pwede bang tayo na lang ulit? Pwede bang ibalik natin ang lahat sa simula? Sa dating mayroon tayo?
Nakakapagod din pala kasi. Yung ginagawa mo ang lahat para lumaban pero yung ipinaglalaban mo unti unti ng bumibitaw sa mga yakap mo. Hindi ko na alam kung may karapatan pa ba ako sa iyo. Babalik ka pa ba? Pwede bang sabihin mo kung babalik ka pa ba sa akin? Para naman malaman ko kung maghihintay pa ba ako. Ang hirap na kasi. Ang hirap na pala. Na parating ako na lang ang pangalawa.
End.