Madalas napapaisip ako, kung may patutungohan ba ang pag sintang hindi mo naman nakikita nong una? Yun bang parang nag simula lamang sa mga pagpapadala ng larawan at telegrama. Akala ko noon ay masasabing ang pag-ibig ay tunay kapag ang isang tao’y madalas mo lamang makasama at mahawakan. Pero hindi pala.
Ganito pala ang umibig ng malayo.
Totoo at sigurado. Tapat at sapat. Mayroon mang kakaunting lungkot, ngunit iyon ay sa kadahilanang ako ay nangungulila sa kabiyak ng aking puso. May mga pagkakataon mang nakakainip sapagkat ako ay nasasabik ng masilip ang iyong mga ngiting waring nagsasabing, masaya kang nagbabalik sa aking mga yakap at halik. Bawat yugto ng aking pananabik dahil sa sandaling pagkawala mo sa aking piling, ay mapapaltan ng pagkalugod sapagkat sa haba man ng panahon ng paghihintay at pagtitiis ay ika’y akin ng mahahawakang muli.
Mas masarap sa pakiramdam na darating yung araw na sa wakas, wala ng pagkahaba-habang daan na sa ating dalawa ay namamagitan. Wala ng mga bundok, ilog, dagat at matataas na gusaling nakagitna sa atin na palagiang balakid para tayo’y muling magkapiling. Bawat segundo, oras, araw, at mga buwan ng paghinhintay ay parang saglit na lilipas lamang sapagka’t ika’y muling darating na dito sa aking harapan.
Ganito pala ang umibig ng malayo.
Kapalit ng matagal na paghihintay ay sobrang sarap na pakiramdam sa tuwing dumarating yung araw na hawak ko na ulit ang iyong mga kamay. Na sa kabila ng bawat pangungulila sa gabi sa kadahilanang hindi kita katabi, ay napapalitan ng saya kapag ika’y nakakasama ko na. Lahat ng mga sandaling ikaw at ako ay magkalayo, nasusulit naman kapag tayong dalawa ay muli ng nagtagpo. At bawat pamamaalam sa telepono sa tuwing gabi’y napapalitan din ng tamis ng pagsalubong kapag dumarating yung mga araw na tayong dalawa’y nasa bawat bisig na ng isa’t-isa at magkatabi.
Ganito pala ang umibig ng malayo.
Hindi madali, ngunit sigurado ka naman na sya’y mananatili. Kung ihahalintulad mo sa relasyong palagiang nagkikita at nagkakasama’y mas pipiliin ko yung ganito. Sapagkat masarap yung pakiramdam ng pananabik. Na sa bawat patlang ng oras na wala tayo sa tabi ng isa’t-isa’y, bawat pagmamahal natin ay nadadagdagan at yumayabong pa. At sa bawat paglipas ng panahon, pakiwari ko ba’y mas lalong gusto ng aking puso na ika’y ibigin na lamang ng walang katumbas at katapusan.
Yung mga daan-daang kilometrong namamagitan sating dalawa sa araw-araw sa tuwing tayo’y magkalayo ay para lamang panukat kung gaano tayo handang baybayin at lakbayin ang lahat ng iyon para masilayan lamang ang ngiti ng bawat isa nag nagsisilbing ilaw sa bawat dilim ng mga panahong hindi tayo magkasama.
Ganito pala ang umibig ng malayo.
Palaging may kasiguradohan. Palaging may saya na kahit na mas madalas ay dahil sa telepono lamang tayo nagkakausap at nagkikita. Subalit nagtitiwala naman ako na darating din ang isang araw, na kahit kailan, hindi na tayo muling mamaalam. Na bawat pag gising mo sa umaga’y ako na agad ang iyong matatanaw. Na bawat oras sa tuwing ang gabi ay madilim at malamig, yakap mo lamang ang sagot sa lahat ng lungkot at bigat sa aking dibdib. Na sa tuwing nagtatangis ang langit at ang kulog at kidlat ay hindi magpatawad, yakap kita sa mga bisig ko para ipaalala sayong hindi na ko muling malalayo sa piling mo.
Ganito pala talaga ang pakiramdam ng umibig ng malayo.
Dahil kung ang paghihintay ang sukatan at kahulugan kung gaano kita kamahal, kaya kung maghintay kahit gaano pa ito katagal.
Nagmamahal, Alonzo
__________________________
Kumusta? Dumugo ang ilong ko sa pagsubok na maging makata.
Hindi naman talaga ito isang talata para kumita. Isa itong liham para sa nag iisang babaeng aking sinisinta. Nag-abala ka ba sa pagbabasa? Kung oo ay pinasasalamatan kita. Hanggang sa muli nating pagkikita.
Ganito pala ang umibig ng malayo. Kung tunay ang pag-ibig, malayo man, distansya ay di alintana. Kay palad na nilalang naman ng iyong iniirog, ginoo. 🥰💛