Isang Pagpupugay sa Wikang Kinagisnan — Ang Wikang Tagalog
I don’t have a lot of subscribers in here but this is a little disclaimer that this post will be (or I’ll try to keep it) in full Tagalog (Filipino) language in celebration of Buwan ng Wika (August).
———————————————————-
Hango sa inspirasyon mula kina @ARTicLEE at @LucyStephanie , aking susubukan na bumuo ng isang sanaysay gamit ang wikang Tagalog.
Kung tutuusin, marahil ay inyong sasabihin na madali lamang ito dahil Tagalog lang din naman ang ating unang lenggwahe subalit ang wikang Tagalog ay mayroon ding mga bahaging komplikado at minsa’y mas mahirap pa ngang baybayin at ipaliwanag kaya tayo ay gumagamit na lamang ng Ingles at iba pang wika.
Sa Gitnang Katagalugan ako nagkamalay at dahil nga doon, kahit na maraming dayalekto ang Pilipinas sa kabuuan, Tagalog lamang ang aking alam. Subalit wala namang masama, ito pa rin naman ang pinakagamit sa bansa sa kabuuan.
Ngunit ano nga ba ang Tagalog at saan ito nagmula? Ating himaying isa-isa ang mga impormasyon na aking nakalap din sa pagbabasa-basa.
Tagalog at ang Pinagmulan
Ang salitang Tagalog ay hango sa “taga-ilog” at may direktang kahulugan na “sa tabing ilog”. Ito ay marahil sa kadahilanang ang Pilipinas ay napapaligiran ng mga anyong tubig kaya ito ang kanilang itinuring dito noon. Dahil sa pananakop ng mga dayuhan noong unang panahon, ang Tagalog na ating kinagisnan ngayon ay mula na sa pinagsama-samang lenggwahe ng Tsina, Malay, Espanyol at Ingles at patuloy na pinapaghusay sa pamamagitan ng madaming pag-aaral ngayon.
Ang wika ay patuloy na lumalawak kaya wala namang masama na magbase sa dayuhang wika. Sa katunayan, maraming bagong salita ang ngayon pa lamang natutuklas at naitatala dahil sa mga pagbabagong dala ng panahon.
Base sa ilang pananaliksik, sa kasalukuyan ay may limampung milyong Pilipino ang gumagamit ng naturang wika at dalawampu’t apat na milyon naman ang gumagamit nito sa buong mundo.
Sa aking palagay, ang Tagalog ay isa sa pinakamalambing na salita at may mga bagay na mas nabibigyang diin kapag sa wikang kinagisnan ito tinuran. Isang halimbawa rito ang salitang “Mahal kita” o “Iniibig kita” na wari ba’y mas nakakakilig kumpara sa katumbas na dayuhang wika.
May mga salita ring mahirap iparating o baybayin kaya nagiging talamak na rin ang paggamit ng mga pinagsasamang wika gaya ng “Taglish” lalo na sa mga kabataan.
Sa paaralan itinuturo ang tamang pagbigkas at gamit ng wika subalit sa ating sari-sariling kabahayan unang nagmumula ang kaalaman na naipapasa sa atin ng ating mga magulang at iba pang kaanak. Nakakatuwa ring isip na kahit na mayroong iba na matagal nang nawalay at hindi na sa Pilipinas naninirahan ay patuloy nilang prinepreserba ang mga turo at wika maging ang ating mayamang kultura sa kanilang mga anak.
Original Pilipino Music (OPM)
Hindi maikakaila ang pagkahilig ng mga Pilipino sa musika maging noong sinaunang panahon kaya naman nandiyan ang harana at mga kundiman na naging popular noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Nariyan ding napagyaman ang mga tradisyunal na tunog ng gong at iba pang makalumang instrumento. Magpahanggang ngayon, mahilig pa rin sa musika ang mga Pilipino maging sa makabagong panahon. Nariyang nauso ang musikang klasikal. Mayroon ding mga mababagal, mga himno at mga awiting nakakaindak lalo na noong 70’s at 80’s. At ngayon naman nga’y pinaghalu-halong inspirasyon na mula sa iba’t ibang bansa.
Sining at Kultura
Matagal-tagal na rin akong hindi nakakapaglibot dahil sa pandemya subalit kinalugod ko nang mas madalas ang mga panahon na nagagawa ko pang mamasyal sa mga museo at liwasang bayan. Marapatin niyo sanang aking maibahagi dito ang ilan sa mga litratong aking kinunan.
Isa sa magandang pasyalan na tunay na makakapagpasaya sa atin at makakapag-alab ng ating pusong makabansa ang hilera ng mga museo at liwasang bayan sa Maynila. Dito rin matatagpuan ang eksaktong lugar kung saan binaril ang ating pambansang bayani ngayon na si Gat Jose Rizal na ngayon ay pinagtayuan na ng kanyang rebulto sa Luneta na tinatawag ring Bagumbayan noon.
Pinakanasiyahan akong maglibot sa mga museo dahil tunay na nakakatuwang makita ang mga makaluma at antigong bagay at sining mula ng mga panahong hindi pa ako naisisilang. Malaki na rin ang ikinaganda ng istruktura nito gawa ng mga proyekto ng pagpapaunlad na isinasagawa ng mga lupon ng pamahalaan.
————
Ang inyong mga nakita ay ilan lamang sa mga larawan na aking kinuhanan noong ako ay dumayo sa ating pambansang Museo.
Napakayaman ng ating kultura. Nawa’y ito ay mapreserba pa para sa mga darating na panahon.
Maligayang Buwan ng wika sa inyong lahat!
— ——
That was really challenging! It has been a really long while since I tried writing in our very own language. It is probably way back when I was still in the university and we were asked to write an informal themed writing…. It was that long! Oh, and I used to be the editor-in-chief of our Tagalog school publication back in high school so I am used to writing in full Tagalog but it’s really been ages since the last one.
If you are reading this now, I hope you get to appreciate your language too. We can learn more but we should never forget our own roots.
Til then!
A
————
I am back to regular programming after this (English content) but I really enjoyed this one too so if time and schedule would allow I’d probably write in my native language again. ;)
All the photos that I included in this article are all taken by me.
Also, taking this opportunity to thank and scream a huge shoutout to my first ever sponsor, @FarmGirl . May you be blessed with more!
Ang galing! Yan ang mahusay. Andaming salita na pinagisipan ko pa talaga kung ano yun hehe baybayin - spelling? liwasang bayan - market? Ano ang tinuran?
Yang Pambansang Museo ang isa sa gusto kong puntahan. Di ko pa napasyalan yan ni minsan.