Parang nais ko ngayong magdrama. Masubukan nga. Medyo maikli nga lamang itong aking akda. Alay ko ito sa mga ina. Huwag mag alala, di ka naman mauubusan ng luha.
Anak tahan na andito lang si Ina,
laging binabantayan ka.
Sa aking bisig ika'y yayakapin,
'di ka nais mawalay sa aking paningin.
Ni dapo ng lamok ito'y aking pansin,
kaya kong magpuyat 'wag ka lang kagatin.
Laking bagabag ko' t lahat
kung may pantal ang iyong balat.
Kaunting karamdaman mo,
laking dalahin sa aking puso.
Sa'kin ay kamatayan,
kung ikaw ay nasasaktan.
Sa iyong unang hakbang,
laking tuwa aking nararamdaman.
Iyong maliit na tinig,
musika sa aking pandinig.
Paborito mo'y puto seko,
laging pinabibili mo.
Minsan aking nakalimutan,
naging bagyo buong kabahayan.
Hatid kita sa iyong eskwela,
sa akin ay nakakapit ka pa,
Kahit ayaw kong ika' y mawalay,
ito'y nararapat para sa ikagaganda ng iyong buhay.
Lahat ng hirap aking susuungin,
lahat ng pasakit handa kong tiisin.
Kahit buhay ko iaalay sa iyo
para sa ikaliligaya mo anak ko.
Magandang asal at ugali
ipinunla sayo nang ika'y batang munti.
Iminulat sa iyo ang takot sa Maykapal,
hanggang sa ika'y nasa wastong gulang.
Ngayong ika'y malaki na,
nagkaroon ng sariling pamilya.
Buhay mo ay sarili mo na,
ako'y maligaya kung saan ka masaya.
Ngunit tila ako'y iyong nakalimutan,
'di ka man lang nagparamdam.
Nalulungkot iyong ina,
sapagkat ika'y lumalayo na.
Minsan ang isang inang tumatanda na,
hinahanap ang yakap ng anak n'ya.
Kung kaya't minsan ika'y pinasyalan,
upang mukha'y masilayan man lang.
Dala ang puto seko,
simpleng handog ko para sa'yo.
Tiyak iyong magustuhan,
gaya ng iyong kabataan.
Tahanan mong magara
Inyong guwardiya ako'y sinalubong niya
Sa akin ang sabi
"Bawal po dito ang pulubi".
Sa aking kaibuturan ako'y nasaktan,
ngunit kinimkim ko na lamang.
Nagpakilala ako,
kako "Ako'y ina ng amo mo."
Sa tarangkahan ako'y nag antay
sabik sa aking anak na nawalay,
Nais na ika'y muling masilayan
kahit saglit man lamang.
Ngunit labis aking lungkot,
nang isang sobre sa akin iniabot,
Katulong sa akin ay nagsabi,
sapat na raw po iyan ayun kay Sir, Ale.
Mundo ko'y bumagsak,
anong nangyari sa aking mahal na anak.
Kagandahang loob na aking itinuro,
naitapon at sa yaman ito'y tinalo.
Iyong salapi kailanma'y 'di ko hinangad,
ang nais ko ay iyong paglingap.
Katulad ng aking pagkalinga,
sa iyo noong ika' y bata pa.
Naghihinagpis akong lumisan,
dala ang pusong luhaan.
Napunit ang aking kasiyahan,
anak ko bakit ako'y iyong kinalimutan? .
Ingay sa paligid,
'di ko na naririnig.
Patuloy aking paghakbang,
'di tiyak ang patutunguhan.
Nakangingilong tunog,
ang maririnig na kasunod.
Puto seko sa kalasada'y nagkalat,
aking mga mata'y di ko na maimulat.
Hagulgol aking naulinigan,
kaygaan ng aking katawan.
Nang mga mata ko'y iminulat,
nasa akin mga mata ng lahat.
Bakit anak ako'y iyong iniiyakan?
hindi ba't ako'y iyong kinalimutan?
Ang nais ko lamang ay mayakap ka,
bakit sa'kin ay ipinagkait mo pa?
"Patawad inay" kanyang sambit,
habang ako'y yakap ng mahigpit.
Ako'y napangiti sa'king narinig,
huli man ang lahat, anak ko ay bumalik.
Paalam anak, mahal ka ni Ina,
ang mayakap ka'y sapat na.
Papanaw akong maligaya,
'pagkat dalangin ko ay nasagot na.
Paligid ay puno ng bulaklak,
bango nito ay humahalimuyak.
Tunog ng organo aking sasakyan,
tungo sa aking patutunguhan.
Lead image: Lutongbahayrecipe.com
08-30-21
-Xzeon-
Ang lungkot naman nyan :( Nasa huli talaga ang pagsisisi. Mahalin ang tratuhin natin ng mas maganda ang ating mga mahal sa buhay.