NBSB Even After Marriage

6 27
Avatar for Soledad
3 years ago
Sponsors of Soledad
empty
empty
empty

August 31, 2021 @ 5:45 PM (Philippine Time)

Ito ang pinakahuling araw ng Agosto kaya para gunitain ang buwan ng wika heto at nagsusulat ako ng article sa wikang Filipino. Pasensya na kayo sa Tagalog ko, hindi kasi ako matatas mag-Tagalog eh..hehehe...

Hindi madalas mangyari na sa buhay ng tao na hindi man lang naranasan ang pagkakaroon ng kasintahan. Lalo na noong tinedyer pa lang tayo kalakip na ito ng ating kabataan. Minsan ang ating unang naging kasintahan ay siyang ating nagiging partner sa habang buhay. Minsan din ang hiniwalayan nating kasintahan ay babalik sa atin at maging asawa natin kalaunan. Pero mayroon ring pagkakataon na ang pakikipagnobyo ay nagiging mitsa para magkaroon ng lamat ang puso sa sakit na nararamdaman at nararanasan.

Pero paano na lamang kung hindi mo naranasan ang pagkakaroon ng kasintahan simulat-sapol?

Paano kung nakapag-asawa ka nalang pero hindi ka nagkaroon ng kasintahan? Pwede bang mangyari iyon?

Ang Kwento ko pong ito ay tungkol sa hipag ng asawa ko.

Ang kapatid ni Lin na si Jessa ay nagtatrabaho noon sa kompanya na medyo malayo-layo rin sa kanila lugar. At isang araw ang sabi ni Jessa, dadalo daw siya sa kaarawan ng katrabaho niya medyo malayo-layo rin yung lugar kasi sasakay pa raw sila ng de-pasaherong motor. Doon sa pagdiriwang may nakilala siyang binata si Eli, lasinggero daw at hindi seryosong kausap. Laging tumatawa at parang wala sa sarili. At ang nakakatawa pa ay hiningi raw nito ang cellphone number niya at isinulat lang ito sa dahon ng saging gamit ang patpat ng niyog at pinasok agad sa bulsa.

Pagkatapos ng mahigit isang taon, may tumawag kay Jessa at nagpakilala na siya daw yung taong humingi sa kanya ng number, si Eli. Dagdag pa ng lalaki sinulat lang daw niya iyon sa dahon ng saging ang number ni Jessa. At doon na naalala ni Jessa ang lalaki sa kaarawan ng katrabaho niya noon at natawa siya sa pangyayaring iyon. Nasa isip talaga niya na lasinggero at hindi matino si Eli kasi sa pananalita pa lang nito kapag lasing, hindi ito seryoso at puro pakwela lamang ang nalalaman. Palaging tumatawag si Eli at ang sabi nasa abroad pala ito at ang sabi pa niya matagal-tagal pa siya bago makauwi. Walang araw na hindi tatawag si Eli kay Jessa hangggang sa naging nobyo na niya ito.

Pero sa puso at isip ni Jessa hindi siya seryoso ang nagustuhan lang niya kay Eli ay lagi itong nagbibigay sa kanya ng load kaya pinagtiyagaan niya lang itong kausapin halos araw-araw. Kahit nobyo na niya si Eli hindi parin naniwala si Jessa na seryoso ito kasi ang nakikita niya daw sa lalaki na"first impression" niya ay lasinggero at hindi maayos ang sarili. In short, ginu-good time lang talaga niya si Eli. Hanggang sa nagkaroon siya ng boyfriend, pinagsabay ni Jessa si Eli at ang boyfriend niya.

Laging nagkikita si Jessa at ang boyfriend niya kaya minsan uutusan ni Jessa ang kanyang nakakabatang kapatid na si Lin na 16 taong gulang pa lang ng mga panahong iyon na kung tatawag si Eli siya na muna ang sasagot sa binata. At bilin narin ng ate niya na dapat hindi siya magpahalata na ibang tao siya. Alam naman ni Lin ang lahat ng mga pag-uusap ng ate niya at ni Eli kaya hindi alintana ng lalaki na si Lin ang kausap niya. Laging pinagsabihan ni Lin ang ate niya na dapat ihinto niya na ang panloloko kay Eli dahil may boyfriend na siya. At dapat hiwalayan na niya ito kasi baka makarma siya. Pero sabi lang ng ate niya, "Ako makakarma eh hindi nga natin alam na totoo din yang lalaki na yan. Baka parehas lang kami nang ginagawa good time lang pampalipas oras. Yung mga lalaki ngang nakilala mo talaga ng personal, niloloko ka, eh siya pa kayang hindi mo nakikita? Total wala namang mawawala sa akin kasi lagi niya akong binibigyan ng load. Mas okay na yung ako ang manloloko kaysa ako ang niloloko." saad ng ate niya.

Iyon ang palaging nagaganap sa kanila kapag wala si Jessa, si Lin naman ang kakausap kay Eli na walang kamuwang-muwang na ibang tao na pala ang kausap niya, magkakaboses din kasi si Lin at Jessa kaya hindi talaga naghinala si Eli.

Lumipas ang dalawang taon, nakapasok na rin si Lin sa pinagtatrabahuan ng ate niya 18 taong gulang na kasi siya noon. Ang daming mga lalaki na ipinakakilala ng mga kaibigan at katrabaho sa kanya pero wala siyang interes kasi naman palagi niyang nakikita yung dalawang kapatid niya na binuntis lang ng mga lalaki at iniwanan na lang sa ere. At nakita rin niya ang ibang pinsan niyang babae na parehas ang sinapit na kapalaran sa dalawang kapatid niya. Kaya isinumpa niya sa sarili niya na hindi siya magiging babaeng iwanan nalang basta-basta ng mga lalaki. Kaya minsan nga napag-isipan din niya na tama ang ate niya. Hindi naman talaga niya ito masisi dahil sa nakakikita nito sa paligid. Nakikita kasi nila ang paghihirap ng dalawang kapatid araw-araw na walang katuwang sa buhay itinataguyod ang mga anak na walang ama.

Hanggang sa isang buwan ang nakalipas tumawag si Eli kay Jessa na uuwi siya ng Pinas at dadalaw daw siya sa bahay nila. Hindi naman natatakot si Jessa kasi nasa isipan niya na hindi naman totohanin ni Eli ang kanyang mga sinasabi kasi alam niya na daw na niloloko lang siya nito.Lumipas ang araw at hindi na nagpaparamdam si Eli kay Jessa kaya ayon nangingibabaw na talaga sa isipan nila na hindi naman totohanin ni Eli ang kanyang mga sinasabi. Hanggang sa "Sabado de Gloria" iyon, may dalawang taong dumating sa bahay nila at nagpakilala na siya daw si Eli kasama ang kapatid niyang si Bene. Tinawag agad ng mga magulang, Tito, Tita, at mga pinsan ni Lin ang ate niya. Pero si Jessa ay nag-aatubiling humarap kay Eli. Dahil narin siguro hindi siya makapaniwalang totohanin ni Eli ang kanyang sinabing dadalaw ito. May takot rin sa mga mata ni Jessa na kitang-kita rin sa ekpresyon ng kanyang mukha. Dahil pinilit si Jessa na pakiharapan si Eli, ay hinarap niya ito doon sa sala kasama yung mga magulang, tito at pinsan niya. At si Lin naman ay nandoon lang sa sulok at nakikinig. Tingin niya kay Eli ay nasa mahigit trenta na ang edad pero medyo gwapo naman at neat itong manamit. At mukha naman itong seryoso taliwas sa sinabi ng kapatid niya. Siguro dala lang noon ng kalasingan kaya nasabi ng kapatid niya ang mga masasamang ugali ni Eli. Medyo hindi naman ito katangkaran at sakto lang ang pangangatawan.

Ito yung pinag-uusapan nila sa sala:

Eli: Magandang umaga po, nandito po ako para dalawin si Jessa, kasintahan ko po siya.

Tatay: Oo nariyan lang naman siya. Jessa bakit nag-aatubili ka pang lumapit dito kausapin mo na ang bisita mo.

At lumapit na si Jessa at umupo sa harap ni Eli.

Tatay: Sige diyan mo na kayo ng makapag-usap kayo ng maigi.

Habang ang ibang mga pinsan nila ay tumungo narin sa labas ng bahay nila masaya ring nagkwentuhan. Nakiusyoso din siguro ang iba kasi may taong bumisita sa bahay na hindi nila kakilala.

Eli: Kumusta ka na Jessa?

Jessa: Mabuti naman. (Hindi niya matingnan si Eli sa mata at medyo nakaduko lang ito. Taliwas sa pag-uusap nila sa telepono na lagi itong masigla). Akala ko hindi ka pupunta. Hindi ko kasi alam na seryoso ka pala sa relasyon natin.

Eli: Bakit? Ikaw pala hindi ka pala seryoso? Yung mga pag-uusap at paglalambingan natin sa telepono wala lang pala yun sayo? Hindi pala yun totoo?

Jessa: Sino ba namang mag-aakala na totohanin mo ang mga ito kasi noong nagkakilala tayo lasing ka noon at isinulat mo lang sa dahon ng saging ang numero ng telepono ko. Malay ko ba na seryoso ka pala. Bakit pagtiyagaan mo naman ako na hindi mo naman ako nakikita at hindi mo alam ang mga ginagawa ko. At hindi mo rin alam kung totoo ang mga sinasabi ko.

Eli: Seryoso nga ako eh...mahal kita at may tiwala ako sayo kaya nandito ako dahil gusto na kitang pakasalan. Medyo may edad narin ako, 34 na ako kaya gusto ko na talagang mag-asawa at magkaroon ng pamilya. Sinabi ko pa nga sayo na magpakasal na tayo kung makauwi na ako.

Natameme si Jessa sa sinabi ni Eli. Doon niya talaga napagtanto na seryoso nga ito sa kanya. Para siyang nanghihinayang at umiiyak na lang siya bigla. Habang si Lin naman ay nandoon lang sa isang sulok at nagtataka kung bakit umiyak yung ate niya.

Eli: Bakit ka umiiyak? Narito nga ako para magpaalam sa mga magulang mo na magpakasal na tayo. Gusto na kitang pakasalan.

Jessa: (Humihikbi parin) Huli na ang lahat Eli kung nalaman ko lang na seryoso ka pala talaga, sana naging seryoso rin ako sayo. Hindi ko talaga alam na minahal mo pala ako. Nahuli kana kasi may boyfrien na ako at.......buntis ako ng dalawang buwan na kaya hindi na tayo pwede. Patawarin mo ako Eli....huhuhu...

Natutulala na lang ang lahat sa narinig lalo na si Lin na nadoon lang sa sulok nakikinig. Hindi nila alam na buntis pala ang ate niya at dalawang buwan na itong nagdadalang tao.

Tatay: Ano Jessa buntis ka! Bakit ka naman nagpabuntis eh mayroon ka nang kasintahan! Walang hiya ka niloko mo lang yang kasintahan mo. Pumunta-punta pa naman yan dito eh. ang layo-layo dito sa atin.

Jessa: Hindi ko naman alam na seryoso yan si Eli, Tay eh... Sino ba naman ang mag-aakala na totohanin niya ang sinabi niya halos manloloko na kaya ang mga lalaki ngayon. Tingnan mo nga mga kapatid ko diba niloko sila ng mga lalaki? Patawarin ninyo ako, hindi ninyo naman ako masisi dahil sa mga kapatid kong niloloko lang ng mga lalaki. Si Eli pa kaya na hindi ko nakikita? Huwag kayong mag-alala pananagutan naman ako ng nobyo ko. At nagplano na kaming magsama. Iba ang nobyo ko mabait siya at mapagmahal.

Parang nawala sa sarili si Eli, yung mukha niya ay bakas ang pagkadismaya, may halong galit at pagkabalisa. Ang layo panaman ng biyahe niya mahigit dalawang oras at ganito lang ang mapapala niya. Makikita mo talaga ang kanyang mukha na napakalungkot at medyo nakangiti ng sobrang pait. Parang hindi niya mapaniwalaan ang sinapit at pagkasawi niya sa pag-ibig.

Eli: Okay lang yan nandiyan na yan eh...wala na akong magagawa. Alangan naman pakasalan pa kita na buntis ka naman at pananagutan ka pala ng kasintahan mo. Sige mag-papainom at magpapakain nalang ako dito sa lahat ng naririto.

Dumating sila ni Eli ng bandang 10 ng umaga at doon nagsimula ang walang humpay na inoman siguro lampas anim na kahon ng beer ang naubos nila at pinaluto din niya ang kanyang dinalang limang karne. Parang napakasaya nilang nag-iinoman pero alam ni Lin na napakalungkot ni Eli. Ang dami nilang kwentuhan habang nag-iinoman parang kilalang kilala na ni Eli ang mga magulang, tito at mga pinsan ni Lin. Ang kapatid ni Eli ay hindi nagpakasasa sa alak kasi siya pa ang magmamaneho ng motor nilang sasakyan pauwi. Hanggang lasing na lasing na si Eli at naging kwela na ito at naging palabiro masyado. Siguro dahil sa alak at sa kasawiang sinapit sa pag-ibig.

Eli: Naku! Kahit buntis pa si Jessa ay aakuin ko nalang sana ang bata, pero may ama naman ito eh at pananagutan siya...hekhekhek.. Kung hindi sana siya pananagutan eh...ako nalang ang maging ama...(sabay tawa ng mapakla)

Tito/Uncle: (Lasing na lasing narin) Huwag kang mag-alala Eli may nakakabatang kapatid yan si Jessa na pwede mong gawing asawa. Maganda rin yun matangkad at walang boyfriend.hehehe...tika muna tatawagin natin...

Si Lin na nandoon sa isang sulok ng bahay ay medyo kinabahan at pinagpapawisan.

Tito/Uncle: Lin...halika nga dito...punta ka dito saglit.

Pumunta naman si Lin doon na hiyang-hiya.

Tito/Uncle: Iyan ang nakakabatang kapatid ni Jessa, di ba maganda rin at matangkad pa. Siya nalang ang pakasalan mo Eli...walang tutol kasi wala yang boyfriend hekhekhek...

Eli: Hindi ko alam na may kapatid pala si Jessa na maganda rin (sabay tawa na parang wala sa sarili) at matangkad pa...Sige kung pwede siya na lang ang pakasalan ko. Pakasalan ko siya at babalik kami bukas dito hehehe...

Bene (Kapatid ni Eli): Uwi na tayo brad kasi malalim na ang gabi at malayo pa talaga ang sa atin. Tayo na.

Eli: Huwag muna at mag-uusap pa kami ni Lin.

Bene: Huwag na muna ngayon kasi lasing ka na bukas na lang di ba sabi mo babalik tayo dito bukas.Bukas na kayo mag-usap.

At napakiusapan narin ng kapatid niya si Eli at umuwi na sila agad. Lasing na lasing si Eli at kumakanta pa ito "Sinaktan Mo ang Puso Ko" by Michael V. habang binabaklas nila ang kalsadang nangilan-ngilan na lang ang mga sasakyan. Hirap na hirap naman ang kanyang kapatid sa pagmamaneho at mabuti nalang at nakarating din sila sa bahay ng ligtas.

Ikinuwento ng kapatid ni Eli ang nangyari doon sa bahay ni Jessa. Si Eli ay pangalawa sa 14 na magkakapatid pang-anim yung asawa ko. At noong nangyari ito ay dalawang taon pa kami ng asawa kong nagsasama. Awang-awa talaga kami sa sinapit ng bayaw ko. Galit na galit kami kay Jessa. Ang bait pa naman ng bayaw ko kay Jessa at ito lang ang igagante niya. Sa lahat ng kapatid ng asawa ko si Eli yung pinakamabait pero niloko lang siya ng babaeng salawahan.

Si Lin naman ay awang-awa sa sinapit ni Eli. Inaamin niyang naging guilty rin siya sa pangyayari. Nagsisisi talaga siya kung bakit hindi niya ipinaalam kay Eli na hindi seryoso ang kapatid niya at may kasintahan na ito. At lalo na at ito ay buntis na pala. Hindi na sana mag-abala pang pupunta si Eli sa bahay nila at mag-aksaya lang ng panahon at pera.

Pagkagising ni Eli bandang 6AM, ay sinabihan niya agad ang mga magulang niya na sumama sa kanya doon sa bahay nila Jessa. Pinagalitan si Eli ng mga magulang niya na hindi pa nadadala sa panloloko ni Jessa at babalik parin doon. Gusto niya ba daw panagutan ni Eli ang anak ng manloloko niyang nobya?

Eli: Tayo na Ma, Pa, samahan ninyo akong pupunta tayo doon kina Jessa.

Mama: Sira ulo ka ba anak? Pinagloloko kana't lahat pero babalik ka pa doon? Huwag mong sabihin na aakuin mo yung anak na hindi sayo? Nasisiraan kana talaga ng bait. Simula pa lang Eli hindi ko na gusto ang ganyang babae hindi yan mapagkakatiwalaan at ngayon niloloko ka talaga at nagpabuntis sa ibang lalaki.

Eli: Hindi naman si Jessa ang pupuntahan ko doon kundi yung kapatid niya hindi ko na matandaan ang pangalan pero nagkasundo kami pati yung mga magulang at Tito niya na siya nalang ang pakasalan ko. Kaya pupunta tayo doon. Pagbigyan niyo na ako Ma, alam niyo naman na matanda na ako at gusto ko ng mag-asawa yung mga kapatid ko na mas bata sa akin may mga anak na ako nalang ang natitirang nakakatandang kapatid nila na wala pang asawa.

Mama: Baka mapahiya lang tayo doon Eli, at itataboy tayo. Tayo pa ang niloloko ay tayo pa ang malalagay sa kahihiyan. Hindi mo ba yan inisip?

Eli: Gusto kong sumugal Ma, kasi ang plano ko talaga mag-asawa muna bago matapos ang bakasyon ko dito sa Pinas. Kaya pagbigyan niyo na ako. Kung hindi kayo sasama sa akin ay mag-isa akong pupunta doon.

At pumunta nga sila doon ulit sa bahay ni Jessa kasama ang Mama at Papa ni Eli. Iilan lang ding kapatid ang pumunta isang maliit na multicab lang ang kanilang sinasakyan. Bibili nalang daw sila ng mga pagkain sa daan. Pagdating nila doon nagtataka lahat ng kamag-anak ni Jessa.

Eli: Nandito po kami para hingiin ang kamay ng nakakabatang kapatid ni Jessa para maging asawa ko.

Tatay: Hindi ko lubos akalain na totohanin mo pala lahat ng sinabi mo kagabi na babalik ka Eli kasi lasing na lasing ka kagabi. Wa...la namang problema sa akin kung magkasundo kayo ni Lin.

Kinabahan talaga si Lin sa narinig niya hindi pa siya nakaligo o nakahilamos man lang pero sabi niya sa sarili "dapat hindi ko ayusin ang sarili ko para ma turn-off si Eli sa akin". At nagtago siya doon sa likod bahay nila. Hindi niya talaga lubos maisip na totohanin ni Eli ang sinabi nitong babalik at pakasalan siya.Lasing na lasing na ito kagabi at wala na ito sa sarili. Kaya akala niya biro-biro lang at kasinungalingan lang ang mga sinabi nito kagabi. Sino ba naman ang mag-aakala na niloko na nga ng panganay pero handang magpapakasal sa nakakabatang kapatid? Ngayon hindi na talaga ito biro at sa isang iglap ay baka magbago ang buhay niya. At iyon ang ikinatakot niya. Nagtago siya ng maigi sa likod bahay at hanggang sa nakita siya ng Nanay niya.

Nanay: Lumabas ka nga diyan Lin. Harapin mo itong bisita mo. Kayo at ang ate mo ang gumawa ng problemang ito kaya lutasin ninyo ito. Ang ate mo ay hindi na pwede kaya ikaw na ang magpakasal. Diba ikaw rin naman ang sumasagot sa mga tawag ni Eli para sa ate mo? Kaya pakiharapan mo siya rito at nagdadala na ng mga magulang niya.

Lin: Nay, ayoko pang mag-asawa ang bata ko Nay, 18 pa lang ako hindi nga ako pumasok sa relasyon dahil ayaw ko pa at ngayon mag-aasawa na ako? At saka ang laki agwat ng edad namin, Nay.

Nanay: Mas mabuti yang matanda sayo ang maging asawa mo kasi mapagmahal yan. Yung bata sayo ay hindi seryoso at hindi responsable. Nandiyan na yung mga magulang eh...pakasalan mo nalang kasi kayo naman ang may kasalanan ng ate mo. At nakikita ko naman sa lalaking iyan na responsable at may mabuting kalooban. Kaysa naman doon ka mapupunta sa lalaking hindi responsable, walang modo, walang trabaho, at wala kang kinabukasan. Maririnig ko naman kayo ni Eli na masayang nag-uusap sa telepono ah...

Lin: Iba yung pag-uusap sa telepono at sa personal Nay eh... nakakailang talaga Nay hindi ko pa siya kilala at matanda na siya. Wala akong nararamdaman sa kanya kundi pagka-awa lang.

Nanay: Ang sabi pa nga, magkakasama ang pagmamahal at ang awa. Kapag naawa ka sa kanya any kalaunan mapamahal karin sa kanya.

Jessa: Sige na Lin kita ko naman ang bait ni Eli, responsable at totoo pala siya sa sarili. Hindi siya marunong magsinungaling kung ano ang mabitiwan niyang salita ay totohanin niya talaga. Isa talaga siyang tunay na lalaki na may paninindigan.

Lin: Ako pala nito ang nakakarma ate at hindi ikaw. Sana sinabi mo agad ni Eli na may boyfriend ka at nang sa gayon hindi tayo aabot sa ganitong sitwasyon. (Nagsimula ng umiyak si Lin)

Jessa: Siguro kayo talaga ang para sa isat-isa nag-eenjoy ka namanat mukha kang masaya na kausap si Eli diba kapag ikaw ang sasagot sa telepono. Matutunan mo rin siyang mahalin Lin kasi kapag mapagmahal at mabait ang isang tao hindi siya mahirap mahalin.

Umiiyak ng matindi si Lin.... at maya-maya pa pinunasan niya na yung mga luha niya at pinakikiharapan ang kanyang mga bisita.

Eli: Ako nga pala si Eli. Ikaw anong pangalan mo? Nalimutan ko yung pangalan mo kagabi kasi lasing ako eh...

Nanay: Kilala kana niyan Eli kasi yan naman ang sasagot sa mga tawag mo kapag wala si Jessa.

Lin: Nanay naman.......ako nga pala si Lin.

Eli: Wala ka bang boyfriend? Baka naman may boyfriend kana.

Nanay: Wala yang boyfriend walang gumagawi dito sa bahay trabaho bahay lang yan.

Eli: Gusto sana kitang pakasalan Lin sa lalong madaling panahon kasi babalik na ako abroad pagkatapos ng 40 araw. Kaya dapat na nating asikasuhin ang mga papeles natin kaya gusto ko sanang magbitiw ka na lang sa trabaho mo. May nabili na akong bahay doon malapit sa amin doon na tayo titira pagkatapos ng kasal habang hindi pa ako babalik abroad.

Lin: (Tumango-tango na lang na parang wala sa sarili.)

Eli: Huwag kang mag-alala hindi man tayo naging magkasintahan, pero pagkatapos ng kasal natin liligawan kita para maging magkasintahan tayo...(sabay tawa)

At tumawa narin ang lahat ng nakakarinig na nandoon sa pagtitipong iyon.

Noong una hindi talaga namin masyadong kinakaibigan si Lin kasi akala namin lolokohin niya lang si Eli pero nagkamali pala kami kasi ang bait niya pala maaalahanin at maalaga sa asawa at mga anak nila talagang may busilak siyang kalooban. Naging isa sa matalik kong kaibigan si Lin. At ngayon may dalawang malulusog na anak na sina Lin at Eli. At nakikita ko talaga na ang kanilang buhay mag-asawa ay puno ng pagmamahal at pagtitiwala kahit malayo man sila sa isat-isa. Ngayon 9 na taon na silang kasal.

Closing Thoughts

Ang pag-aasawa ay sagrado at hindi isang laro na kapag pagod ka na ay huminto ka na lamang basta. Kaya mabuting pag-isipan ng maigi ang pag-aasawa bago haharap sa altar. Pero sa kwento nila ni Lin at Eli pinapatunayan nila na kahit hindi nila pinag-isipang mabuti ang kasal nila nagiging maayos parin ang kanilang pagsasama kahit masasabi nating wala pang magmamahal sa una. Ang pagmamahal ay hindi nasusukat sa tagal ng pagkakakilala sa isat-isa. Ang isang relasyon ay wala yan sa haba ng araw at taon na dapat igugol mo para makilala ng lubusan ang isat-isa. Dahil minsan kapag ang dalawang tao ay pinagtagpo ay sila at sila talaga ang para sa isat-isa habang buhay at wala ng kokontra. Dahil kusang malalaman ng ating puso ang saloobin ng ating gustong makasama habang buhay.

May marami tayong naririnig sa mga "arranged marriage" na minsan ang pagsasama nila naging makabuluhan at pang habang buhay. Pero mayroon namang hindi naging matagumpay ang relasyon bagkos naging misarable pa buhay ng isat-isa at hindi maayos ang kanilang binubuong pamilya.

Ang pagmamahal ay darating yan minsan sa hindi mo inaasahang panahon, oras o sitwasyon ng ating buhay. May mga wagas na pag-ibig naman na hindi madalian ang proseso ngunit paunti-unti hanggang sa madama mo na lang sa puso mo na mahal mo na pala ang isang tao kahit hindi mo pa siya minamahal noong una.

Dahil ang pagmamahal ay sadyang misteryoso at hindi talaga lubos na maintindihan kaya nga wala siyang tumpak na kahulugan.

Naway may natutunan kayo sa ating kwento ngayon mga kaibigan.

Maraming salamat sa inyong pagbabasa mga kaibigan. At salamat din po pala sa aking mabait na sponsor @Bloghound . Naway pagpalain kayo palagi ng Panginoon, Sis.

Lead Image Source: https://evreeves.org/boldly-claiming-our-territory/

Love Lots,

Soledad 💕💕💕

5
$ 0.12
$ 0.10 from @MizLhaine
$ 0.01 from @Adrielle1214
$ 0.01 from @ClaudiaR
Sponsors of Soledad
empty
empty
empty
Avatar for Soledad
3 years ago

Comments

Wow ang ganda ng story. I’ll subscribe. Looking forward Sa new articles mo. 😁

$ 0.00
3 years ago

Salamat at nagustuhan mo dear. Sana makapagsulat na naman ako bukas.

$ 0.00
3 years ago

sis, natawa/ nakilig ako sa love story nila. Totoo yong the bearer is now the owner. I am happy that they make the relationship work, and I guess, compatible talaga sila kasi nagkasundo naman.

$ 0.00
3 years ago

Yes, Sis akala nga namin noon hindi talaga mag-work yung relasyon nila kasi walang matatag na foundation, pero na-prove ko talaga na ang pagmamahal wala sa haba ng pagkakakilala sa isat-isa.

$ 0.00
3 years ago

Ang ganda ng story nila sis, matuturuan mo nga naman ang puso lalo na kng karapat-dapat naman ung tao sa puso mo

$ 0.00
3 years ago

Yes, Sis hindi talaga namin gusto yung ginagawa ng bayaw ko noong una na pinakasalan ang nakakabatang kapatid ng kasintahan niya pero wala kaming nagagawa kasi desisyon niya eh at mabuti naman at nag-work talaga yung relasyon nila.

$ 0.00
3 years ago