Ang Kalupi [Ang Wika ay Ikaw, Ikaw ang Wika]

2 30
Avatar for Sirpogs
3 years ago
Topics: Writing, Life, Thoughts, Story, Blog, ...

July 11, 2021

8:49am

[kaluluwa ng wika ang panitikan, ang panitikan ay wika]

Before I start, I would like to thanks my sponsor, @TengoLoTodo @Bloghound @OfficialGamboaLikeUs I am so grateful to have you as my sponsor, I hope that you will so received so much blessings from the Lord. God Bless you all.❤️ More power. @Loveleng18 always thank you bhe for the support and for inviting me here.

Dahil ako ay magiging guro sa kursong FILIPINO sa hinaharap nais kong ibida ang mga likhang pinoy sa larang ng pagsusulat. At suriin ang kanilang mga gawa sa kung ano ang itinitaglay at itinatago nitong kahulugan, hindi na bago sa akin ang ganitong uri ng gawain sapagkat maraming beses na kaming nagsuri ng mga akdang pampanitikan ng bansa, at kung lalawakan at bubuksan natin ang ating puso ay marami tayong aral na makukuha at mapupulot sa mga akdang gawa ng dikalibreng manunulat sa Pilipinas.

Ang susuriin ko ay isa lamang sa maraming magagandang likha ng ating manunulat na si Benjamin Pascual at ito ay may pamagat na “ANG KALUPI

Sana mabigyan po ninyo ng oras at panahon ang artikulong ito, sapagkat tiyak kong may magandang aral kayong makukuha at alam kong mapangmulat ang akdang ito.

Pagsusuri sa mga Isyung Panlipunan na nakapaloob sa akdang "Ang Kalupi"

Rasyonale

Ang buhay ng tao ay kinapapalooban ng maraming problema, isa rito ang mga isyung panlipunan na kaakibat na sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Ang isyung panlipunan ay mga pangyayari o kaganapan na may malawakang epekto sa iba't ibang sektor sa lipunan. Ang mga isyung ito ay nagdudulot ng masamang epekto sa bansa, at ang suliraning ito ay itinuturing na isang pampublikong usapin na nakaaapekto hindi lamang sa isang tao kundi sa lahat ng kabilang sa nasabing sektor. Ang isyung panlipunan ay lubusang mauunawaan gamit ang sociological imagination. Ayon kay Mills (1959) ang Sociological Imagination ay isang kakayahang makita ang kaugnayan ng mga personal na karanasan ng isang tao at ang lipunang kanyang ginagalawan, ibig sabihin alam ng tao ang problema dahil nasasaksihan at nararanasan niya ito, kaya naman itinuturing niyang isyung panlipunan ang isang bagay dahil nagdudulot ito ng pangamba, takot at pag-aalinlangan dahil sa pagkakaroon ng bulok na sistema. Kapag nalinang sa atin ang abilidad na ito, masusuri natin ang koneksiyon at interaksiyon ng mga isyung personal at isyung panlipunan.

Mahalagang matalakay ang mga isyung panlipunan upang mailarawan o maipakita sa mga tao ang tunay na kalagayan ng lipunan. Upang malaman ng mga tao ang katotohanan, dahil ang katotohanan ang nagsisilbing ilaw ng tao sa paghahanap ng kaalaman at layunin niya sa buhay at nagsisilbi itong tungtungan ng mga hakbang na kailangan niyang gawin upang malutas ang anumang suliranin. Samantala isa ang panitikan sa nagiging daan upang buksan ang mga mata ng tao tungkol sa mga suliraning kinakaharap ng bansa. Sa madaling sabi ang panitikan ay nagiging repleksyon ng mga karanasan ng mga mamamayan gayundin ng mga pangyayari sa kasaysayan. Ang panitikan ay isang malinaw na salamin, larawan, repleksyon o representasyon ng buhay, karanasan, lipunan, at kasaysayan (Reyes, 1992). Malaki ang ginagampanan ng panitikan sa isang lipunan sapagkat isa itong tinitingnan pinakamabisang sangkap sa isang bansa sa pagkakaroon ng pagkakakilanlan nito o identidad.

Samantala, ang maikling kuwentong "Ang Kalupi" ni Benjamin Pascual ay isa sa mga uri ng panitikan na nagpamulat at sumasalamin sa totoong pangyayari sa buhay, ipinapakita rito ang mga kaganapan at tunay na kalagayan pagdating sa mga taong nasa mababang nibel o antas sa lipunan. Pinupukaw nito ang kaisipan ng mga mambabasa sa pagkakaroon ng iba’t ibang mukha ng tao at mariin nitong pinabubulaanan ang pagkakaroon ng bulok na sistema sa lipunan. Dagdag pa, nais iparating ng maikling kuwentong ito na hindi kailanman basehan ang estado upang manglamang sa kapwa at lalong walang puwang ang manghamak sa kapwa base sa kulay, kasuotan o anyo nito. Itinutulay ng Maikling kuwento na ang kahirapan ang siyang pinaka panguna hing dahilan ng kawalan ng boses at balakid sa kawalang hustisya sa Lipunan. Binabanggit ni Edgar Allan Poe ang tinaguriang ama ng maikling kuwento, na ang maikling kwento na genre ng “ANG KALUPI” ay isang anyo ng panitikan na may layuning magsalaysay ng mga pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan. Nag-iiwan ito ng kakintalan sa isip ng mga mambabasa (Torres, 2016). Ang bawat maikling kwento ay may mahahalagang elemento. Ang mga sangkap naman nito ang kadalasang nag iiwan ng kakintalan sa kaisipan ng mga mambabasa.

Kaya naman, ang pagsusuring ito ay nakatuon sa mga isyung panlipunan na masasalamin at inilatag sa akdang pampanitikan na isinulat ni Benjamin Pascual na may pamagat na "Ang Kalupi". Si Benjamin Pascual' ay ipinanganak sa Lungsod ng Laoag, Ilocos Norte. Unang nakilala bilang matinik na kuwentista si Pascual bago niya sineryoso ang pagiging isang nobelista. Nagsimula siyang sumulat noong dekada 1950, sumubok mag-ambag sa komiks,hanggang hiranging maging staffer ng Liwayway. Tinatayang nakatapos ng 13 na nobela si Pascual, na pinakarurok marahil ang Halik sa Apoy” (1985). .Makalipas ang ilang dekadang dibdibang pagsusulat, kinilala ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong 1994 ang natatanging ambag niya sa pagsusulat ng maikling kwento, dula, at nobela.Sa edad na 69 ay hindi pa rin ito humihinto sa pagsusulat.

Magsisilbing direksyon at tiyak na layunin sa pagsusuring ito ang pagsipat sa (1) iba't ibang Elemento ng akda ang Tauhan, Simbolismo at Tema. ( 2) Mga Isyung Panlipunang inilatag ng may akda sa kuwento.

Layunin ng Pag-aaral

Ang pag-aaral na ito ay tungkol sa pagsusuri sa isang uri ng akdang pampanitikan na may pamagat na "Ang Kalupi" ni Benjamin Pascual. Layon ng pag-aaral na itong matukoy ang mga sumunod:

1. Elemento

1.1 Tauhan

1.2 Simbolismo

1.3 Tema

2. Mga Isyung Panlipunan

Batayan

Ang isang Lipunan ay nagtataglay ng iba't ibang klase ng tao. nagdudulot ito pagkakaroon ng iba't iba ring paniniwala, kaugalian, pamumuhay, prinsipyo ugali at iba pang mga aspektong kinasasangkutan ng tao, dahil dito nagkakaroon din nga malawakang suliranin pagdating sa kaayusan at sistema. Minsan nagiging dahilan pa kung bakit napagsasama na ng karamihan ang kasinungalingan sa katotohanan.

Kaugnay nito, issasagawa ang pagsusuri sa akdang pampanitikang may pamagat na "Ang Kalupi" ni Benjamin Pascual na nakasandig sa teoryang Sosyolohikal. Sa teoryang ito ang layunin ng panitikan ay ipakita ang kalagayan at suliraning panlipunan ng lipunang kinabibilangan ng may-akda. Naipakikita rito ang pamaraan ng mga tauhan sa pagsugpo sa suliranin o kalagayan ng lipunan nanagsisilbing gabay sa mga mambabasa sa pag puksa sa mga katulad na suliranin (Klen, w.t.). Ang mga tauhan sa kuwento ay nagsisilbing salamin sa lipunan. Ang mga panghahamak sa mga taong masa mababang uri sa lipunan ay pinapaksa ng lenteng ito. At magiging daan ang teoryang sosyolohikal upang matukoy ang mga pangyayaring sumasalamin sa lipunan sa maikling kuwentong pinamagatang "Ang Kalupi" ni Benjamin Pascual.

Samantala tugon din ang binabanggit ng artikulo na pinamagatang “Teoryang Pampanitikan” na ang teoryang realismo o realidad ay maaaring magamit din sa pagsuri sa mga akdang naglalarawan ng makatotohanang pangyayari sa buhay na nagbibigay tuon sa katotohanan pangyayari kaysa kagandahan ng buhay (FILIPINOGURU, 2011). Nangangahulugan lamang na sa pagsusuri ng isang kwento ay hindi nakatuon kung paano isinulat ang isang kwento. minamahalaga rito ang katotohanang isinisiwalat ng akdao ang mensaheng gusto nitong iparating sa may akda.

Magiging sandigan din dito ang binabanggit ng teoryang Marxismo kung saan ang pagkakaroon ng dalawang puwersang nagtutunggalian. Binabanggit ni Tumampos (2015) na ito ay nagagamit sa pagsusuri ng kalagayang panlipunan, pag-uugali, at motibasyon ng mga tauhan sa kwento. Binibigyang pansin din nito ang mga umiiral na tunggalian ng tauhan sa sarili niya,sa ibang tauhan, sa lipunan o sa kalikasan.

Magsisilbing gabay ang mga teoryang ito upang matumbok ang nais malaman sa isasagawang panunuri sa maikling kuwento ni Benjamin Pascual na may pamagat na "Ang Kalupi" na isa sa pinakatanyag na uri ng panitikan.

Kahalagahan ng Pag-aaral

Ang pag-aaral na ito ay may titulong Pagsusuri sa mga Isyung Panlipunan na nakapaloob sa akdang "Ang Kalupi". Mahalaga ang pag-aaral na ito bilang pantulong sa pagtiyak na naaabot sa kamalayan ng mga mamamayan ang mga suliraning kinakaharap ng aing lipunan, bilang itinuturing na isa sa pinaka layunin ng panitikan.

Ang pag-aaral na ito na nakatuon sa konteksto ng pagsusuri sa isang akdang pampanitikan ay mahalaga sa mga sumusunod na indibidwal:

Mamamayang F/Pilipino. Ito ang maaaring tutugon sa pangangailangan nilang makuha ang mga Impormasyong may kaugnay sa ilang mga isyu o suliraning kinakaharap ng bansa

Sa Kagawaran ng Filipino. Makakatulong upang magkaroon ng kontribusyon sa pagpapayaman ng Wikang Katutubo at Wikang Filipino batay sa mga isinagawang panunuri, at pagpapalawak din ito sa kahulugan sa akdang sinuri at upang makatulong sa pagtuturo at paggamit nito sa akademya.

Sa mga Guro. Maaaring magamit sa pagtuturo at paghahanap ng impormasyon sa talakayan. Maging gabay ang panunuri sa pagtuturo sa akdang pampanitikang "Ang Kalupi"

Sa mga Manunuri. Magagamit ito bilang batayan ng mga susunod pang panunuri na may kaugnayan sa paksa. mapalawak ang kaisiping hinihingi ng akda.

Pagsusuri Sa Akda

1. Elemento

1.1 Tauhan

Maraming mga tauhan ang ipinakilala ni BP. Pascual sa kanyang likha at ang bawat isa ay may kanya-kanyang gampanin sa kwento.

And sumusunod ay mga tauhan bumida sa kwentong Ang Kalupi:

Aling Marta [kuhang larawan sa google.com]

Gumampan siya bilang ilaw ng tahanan, siya ang nawalan ng kalupi no’ng araw na papunta siya ng palengke, ang nagbintang kay Andres ng pagnanakaw

Andres Reyes [kuhang larawan sa google.com]

Ang batang nakabangga kay Aling Marta at pinagbintangan na siya ang nagnakaw ng kalupi. Isa rin syang bata na walang permanenteng tirahan.

Mga Pulis [kuhang larawan sa google.com]

Ang mga humuli at nag-imbestiga sa kay Andres tungkol sa kalupi ni Aling Marta.

Aling Godyang [kuhang larawan sa google.com]

Isang tindera sa pelengke na inutangan ni Aling Marta para sa pambili ng panghanda.

Ang Anak na Dalaga ni Aling Marta [kuhang larawan sa google.com]

Ang anak ni Aling Marta na magtatapos ng hayskul na pinaghahandaan ni Aling Marta ang garbansos na hilig niya.

Ang Asawa ni Aling Marta [kuhang larawan sa google.com]

Isa rin sa nagsusumikap para sa kanilang pamilya. Mahilig sa yosi at ang talagang kumuha ng kalupi ni Aling Marta na walang paalam, kaya’t naiwan ni aling Marta ang kalupi.

1.2 Simbolismo

Bawat tauhan sa akda ya mayroong simbolismo at maayos nainilatag ni Benjamin Pascual ang mga bagay, pangalan ng mga karakter katauhan ng mga ito sa kwento.

Simbolismo ng mga Bagay

Ang Kalupi

na siyang pinagmulan ng lahat ay sumisimbolo sa iba’y ibang estado ng tao sa lipunan              

Maliit na barung-barong

sinisimbolo nito ang kahirapan at kawalang kakayahan ng tao sa lipunan,grupo o pangkat na kanyang kinabibilangan.

Simbolismo ng mga Tauhan

  • Aling Marta

Batid natin na sa ating lipunan na kung sino pa ang siyang nakaaangat ay siya pang mga walang awang nagpapahamak at nangmamata san mga nasa mababang antas, sinisimbolo ni Aling Marta ang mga taong walang puso at sinasamba lamang ang sariling paniniwala.

  • Andres Reyes

Mga taong nasa mababang antas sa lipunan na minsa’y hindi nabibigyan ng boses upang ipaglaban ang kanilang mga hinaing

  • Mga Pulis

Minsan kung sino pa ang maaasahan nating magtatanggol sa atin ay sila pang hindi papanig at maniniwala sa atin, dahil sa anyo at itsura natin.

  • Aling Godyang

Simpleng tao lamang, nabubuhay sa pamamagitan ng sariling kayod

  • Ang Anak na Dalaga ni Aling Marta

Larawan ng taong hinahangad ng lahat ang makapagtapos at mabigyan ng pagpapahalaga ng pamilya

  • Ang Asawa ni Aling Marta

Nilalarawan niya ang mga taong mabisyo sa lipunan

1.3 Tema

 ito ay isang realismong maikling kwento sapagkat sinasalamin nito ang mga pangyayari at kaganapan sa buhay ng tao. Samantala ipinakita dito na may mga taong gagwin ang lahat para sa pansariling interes makuha lamng ang kanilang mga nais kahit na may matapakang tao. Naka sentro ang maikling kwentong ito sa isang Aling mapanghusga  na pinagkamalan ang isang inosente at kawawang bata na nagnakaw ng kanyang kalupi o pitaka,na pinagmulan ng kasukdulan ng mga panyyayari.

2. Mga Isyung Panlipunan

Kahirapan kuhang larawan sa google.com

Isa sa pinaka ugat ng lahat ng problemang panlipunan ang sitwasyong ito. Dulot nito ay nakagagwa ng mga hindi kaaya-ayang gawain ang mga tao, labag man sa kani;lang konsensya ay napipilitang gawin sapagkat wala silang oportunidad at suportang natatanggap, samantala nagiging dahilan nman ito sa kawalang boses sa lipunan at minsan pa’y nagdudulot ng kapahamakan sa isang tao.

Kawalang hustisya kuhang larawan sa google.com

laging pumapanig ang hustisya sa mga taong nasa mataas na katayuan sa ating lipunan. Naalala ko pa noon sinabi ng aking propesor na kailanman ang pagkakaroon ng pagkakapantay-pantay ay hindi kailan man mangyayari sapagkat hindi natin maiiwasan na mayroong nasa mababang antas at nasa mataas na antas, sana nakukuha ninyo ang nais kong ipahiwatig dito, ito ay isa lamang IDEOLOHIYA.

Mabilis ang taong manghusga batay sa kung ano ang nakikita nila sa panlabas na anyo ng tao sa lipunan, padalos-dalos ito sa pagbibigay ng kanilang puna sa mga tao higit lalo sa mga dukha at nawawalan ito ng oportunidad na ipagtanggol ang kanilang sarili, sa madaling sabi nawawalan sila ng boses at pinananatiling pipi sa lipunang mapanghusga.

KONKLUSYON

Nakalulungkot isipin na lahat ng mga pangyayaring ito ay dulot o bunga ng PERA nagiging batayan na ngayon ng karamihan ang salitang KAYAMANAN sa dami ng pera at kakayahan ng taong makabili ng mga materyal na bagay.

Ganoon paman ang panunburing ito ay upang ipamulat ang hindi magandang sistema sa lipunan kaya’t sa lahat ng makababasa hinihikayat ng manunulat [ko] na kayo ay maging tulay sa pagbabagong hinahangad natin.

BE THE CHANGE.

Sponsors of Sirpogs
empty
empty
empty

Sanggunian:

Tayag, C.J. (2016). UNANG BAHAGI ANG PANITIKAN : Kahalagahan, Kaanyuan, Estetika, at Ilang Teorya/Konsepto. https://www.slideshare.net/mobile/ChristianJoyTayag/1unang-bahagi

Torres, A (2016). MAIKLING KWENTO. https://www.slideshare.net/mobile/closet101mirasol/maikling-kwento-69802333

Abante, L. (2017). LALAKI SA DILIM ni Benjamin Pascual: ISANG PAGSUSURI. https://lhesabante.wordpress.com/2015/03/11/lalaki-sa-dilim-ni-benjamin-pascual-isang-pagsusuri/

Klen (w.t.). Teoryang Sosyolohikal. https://www.scribd.com/presentation/328061929/Teoryang-Sosyolohikal

Tumampos, C. (2015). Kabanata 2 mga pananaw at teoryang literari. https://www.slideshare.net/mobile/cleytumampos/kabanata-2-mga-pananaw-at-teoryang-literari

Valdez, J.M. (2019). Disenyo At Pamamaraan ng Pananliksik. https://joanamaevaldez.blogspot.com/2019/01/disenyo-at-pamamaraan-ng-pananliksik.html?m=1

3
$ 0.08
$ 0.05 from @TengoLoTodo
$ 0.02 from @Caroline17
$ 0.01 from @Loveleng18
Sponsors of Sirpogs
empty
empty
empty
Avatar for Sirpogs
3 years ago
Topics: Writing, Life, Thoughts, Story, Blog, ...

Comments

Thanks for the mentioned and welcome. Grabe gurong guro na haha

$ 0.00
3 years ago

Well I understood BE THE CHANGE :)

$ 0.00
3 years ago