Bye, Ryan
βO, ikaw, Bill, ano una mong gagawin pagkatapos nitong lockdown?β Naalala kong tanong sa akin ni Ryan ilang araw bago nga mag-lift ang implementation ng Enhanced Community Quarantine.
Kibit-balikat lang akong tumugon noon sa tanong ng matalik kong kaibigan saka kami nagtawanang dalawa.
Unang linggo pa lang ng April, nakipag-break na yung long-term girlfriend ni Ryan sa kaniya. Halos mabaliw-baliw yung gago kakangawa sa akin noon e. Ilang bote rin ng Empi ang nalaklak namin kahit may liquor ban. Kaya niya siguro naitanong sa akin yun.
Dalawa lang sila ng bunso niyang kapatid sa maliit nilang bahay. Yung nanay naman niya e caregiver sa ibang bansa. Madalang kung umuwi. Madalang din magpadala ng pera. Patay naman na ang tatay niya. Nito ngang bigayan ng SAP e hindi pa siya na-qualified at dahil OFW daw kasi ang nanay niya, kahit maliit lang ang bahay nila. Sementado naman daw kasi at mukhang yamanin.
Aba'y laklak na naman kami ni Ryan.
βMag-cremator na lang din kaya ako tulad mo, Bill?β Isa pang tanong niya sa akin na tinawanan ko lang din.
Hindi naman kasi madaling maging cremator, lalo na sa ganitong panahon. Halos hilera ang mga bangkay na kailangan kong abuhin para lang kumita ng pera. Mabuti pa nga siyang bagger sa isang wholesale store, ngalay lang ang kailangang tiisin.
Pero isang linggo bago mag-lift ang ECQ e ibinalita niya sa aking tinanggal siya sa pinapasukan niya dahil kailangan daw magbawas ng tao. Sigi nga ang inom ulit namin ni Ryan. Tatlong araw straight, halos ubusin niya natitira niyang suweldo. Buti nga't natanggihan ko pa nung huli.
Ngayong unang araw nga ng pag-lift ng ECQ, ilang bayarin ang iniabot agad sa akin ni Mama. Halos malula ako sa presyo. Hindi ko alam kung kakayanin ba ng suweldo ko na bayaran ang mga ito. Pero hindi lang bills ang nakarating sa akin ngayong araw. Pagkatingin ko sa cellphone ko, may text si Ryan na, βmmamatay ako bills.β
Natawa lang ako, kasi maski ako mamatay sa bills.
Pero hindi ko naman lubos na akalain. Habang tinititigan ko si Ryan ngayon, alam kong hindi niya na talaga kinaya. Bakas sa kaniyang mukha ang hirap na tiniis niya. Batid kong pinilit niya pa ring mabuhay kahit patay na ang kaniyang kaluluwa. Iba pala ang pagkakaunawa ko sa text niya kaninang umaga.
βO, ikaw, Bill, ano una mong gagawin pagkatapos nitong lockdown?β
Putang ina mo, Ryan. Ito ako ngayon, patuloy na mag-aabo ng patay para patuloy na mabuhay.
Hanggang sa muling inuman.
At tuluyan ko na siyang ipinasok sa crematory.