Hindi maipintang simangot ang isinalubong ko sa aking asawa. Halos magi-isang oras siyang nawala, 'ka niya eh mamamalengke lang. Nakita ko naman ang sandamakmak na plastik niyang dala at hindi ako nag-abalang tulungan siyang buhatin iyon patungo sa kusina dahil sa inis ko. Linggong-linggo eh hindi maganda ang timpla ko, ngayon nga lang sana makakapagpahinga matapos ang isang linggong trabaho tapos pag-aalagain pa ako ng mga bata.
Ngunit sa halip na magalit ay nginitian niya ako, bahagya akong nainis. Nagtungo ako sa kwarto at nagcellphone. Bahala siya mag-asikaso sa labas habang nangungulit ang tatlo naming anak na pawang mga lalaki.
Mga dalawa o tatlong oras yata akong nagkulong. Paglabas ko ng kwarto ay malinis na ang salas, wala na ang mga laruang nakakalat doon kanina, nakaligo na rin ang aking asawa at nakahanda na ang mainit na kanin at ulam sa lamesa.
"Nasaan ang mga bata?" tanong ko.
"Tulog na. Nakakain na ang mga iyon, nakaligo na rin," sagot niya habang tinutuyo ang buhok. "Kain na tayo!" yakag niya sabay ngiti.
Habang kumakain ay hindi ko maiwasang titigan siya. Bahagyang tumanda ang aking asawa at mukhang hindi ko napansin iyon nu'ng mga nakaraang araw, pero nandoon pa rin ang mukhang marikit na nagustuhan ko noon pa man. Suot-suot niya pa rin ang ngiting walang halong kaplastikan.
Buong araw ko lamang tinitigan ang aking asawa: habang naghuhugas ng pinagkainan, habang naglalaba't nagsasampay, habang nilalaro ang aming mga anak at hanggang sa patulugin niya ang mga ito. Kinagabihan ay hindi ko napigilan ang aking sarili at muling naganap ang aming pag-iisang katawan.
~
Isang sampal ang tumulig sa akin. Hinaplos ko ang parteng iyon. Bahagyang nabingi yata ang kaliwang tainga ko.
"Eh 'di magsama kayo! Mga punyeta!" huling bigkas niya at umalis.
Napangiti ako sa kanyang paglisan.
Hindi naman pala ganu'n kahirap bitawan ang babaeng sa ligaya mo lamang nakakasama.
#Short story
nakapaganda ng storya mo po gusto ko po sanang magpaturo tulad ng anong plot ang gagamitin ano anong pangalan ang gagamitin at ano ang takbo ng storya kasi gusto ko po sana gumawa ng sariling kwento sana matulungan nyo po ako