Nagising ako dahil sa tilaok ng manok. Pagdilat ko, nakatingin ang asawa ko sa akin. Nag smile ako at nagsmile din siya sabay sabing, good morning! Nauna siyang umalis ng kwarto. Sumunod ako at diretsong comfort room para umihi at gawin ang morning routine ko. Pagkatapos ay lumabas at umupo sa maliit na upuan. Tawag namin dito ay "te-eran". Pagsulyap ko sa asawa ko, nakatingin siya sa akin. Sabi niya, ihanda ko na ang aming kakainin. Kahit tinatamad dahil parang kulang sa tulog ay dumiretso ako sa kusina. Pinainit ko iyong ulam tsaka ko hinanda ang hapag kainan. Pagkatapos ay tinawag ko na siya. Kumuha ng kakainin at uupo sa labas kasi mainit kahit umagang umaga.
Maaga kaming kumain kaninang umaga dahil may trabaho si mister. Noong natapos na kaming kumain ay naghanda na siya at pumunta sa kalsada upang hintayin ang sundo. Naiwan akong nakaupo habang hawak ang cellphone. Naglalaro ng project make over. Nang naubos ang 5 lives ay doon ko na binuksan ang accounts ko. Nagbasa ng mga posts at nag heart react ako. Pagkatapos, nag post din ako at balik sa paglalaro.
Naisipan namin ng ate ko na maglaba. Hinanda namin ang mga malalabhan. Kinuha ko na rin ang mga huhugasan ko at nilagay sa isang timba. May tubig dito sa bahay pero mas mapadali ang paglalaba at paghuhugas kung pupunta kami sa Matamnay dahil flowing water. Malakas pa ang tubig. Malapit lang sa amin kaya ayos lang na pumunta. Nang nakahanda na ang lahat, bumaba na kami. Kaso, nadali ang paa ng ate ko. Nadulas siya sa daan kaya umupo muna kami. May gasgas ang paa at kailangan niyang magpahilot.
Pinilit niyang tumayo at ipinagpatuloy namin ang pagbaba. Nauna ako at tumawag ng bata na susundo sa kanya para kunin iyong dala niya. May mga naglalaba kaya umupo muna kami. Hinintay namin na walang gagamit ng tubig tsaka ako kumuha ng tubig. Binasa ni ate ang labahan niya at pumwesto na siya. Naghugas naman ako. Pagkatapos kong maghugas ay linabhan ko ang damit namin. Kunti lang naman sa akin.
Nauna akong natapos sa paglalaba kaya ibinilad ko sa araw. May sampayan kaya sinampay ko na. Tapos na ako kaya tinulungan ko si ate na banlawan ang mga kumot na tatlo. Siya na ang nagbanlaw ng mga damit niya. Tumambay kami sa gilid noong natapos na kami. Nagpaluto ako ng fishball at kikiam sa kaibigan kong nagtitinda at pinakuha ng ate ko sa isang bata. Bumalik agad iyong bata at kinain na namin.
Habang kumakain, sinabi ng asawa ni ate na meron daw iyong dalawa naming pamangkin. Sumama sila sa kanya noong bumaba siya galing sa bahay. Tinanong namin sila kung kailan sila umuwi at ano ang ginagawa nila sa probinsiya. Sinabi naman lahat nila at nakikain na rin sa kinakain namin. Dahil malawak ang paligid, nagtatakbuhan iyong nga pamangkin namin. Sinabi lang namin sa kanila na huwag pumunta sa "vaneng" dahil baka mahulog sila. Pagkatapos ay nag picture kami dahil maganda ang tanawin. Sila na ang humawak sa dala namin kaya nagpaiwan kami para maligo kung matatapos lahat ng naglalaba.
Umuwi na sila. Nakalimutan iyong towel kaya bumaba ulit ang pamangkin namin. Ibinaba ang towel namin at umuwi agad. Nang natapos lahat ng naglalaba, naligo na kami. Ang sarap sa pakiramdam kasi ang lamig ng tubig. Inalis ang mainit na pakiramdam. Linabhan namin ang aming damit at umuwi na rin. Nanonood sila noong umuwi kami. Kumain at ginawa kong ice cream yung kamote. Dahil sa pagod, nakatulog ako. Naidlip ako ng isang oras. Nagising ako at kinuha iyong sinimpay kong damit. Sandali lang ay bumuhos ang ulan.
Salamat naman at umulan. Matutubigan ang mga palay at ibang punla ng mga tao. Buti na lang at walang kasamang malakas na hangin at kidlat. Hindi masyadong malakas ang ulan. Pero kahit na. Ang mahalaga ay umulan.
Nagpakain ako ng baboy nang huminto ang ulan. Dumating ang pamangkin ko at sinabing: "kuya may baboy na isa. Halika at tingnan mo. Nandito sa dating bahay nila lola." Pero hindi dumating ang kuya niya. Haha. Nagutom ang baboy dahil hindi ko pinakain kaninang lunch time. Dinagdagan ko na lang para makabawi. Bumaba ako at nagluto ng kanin. May ulam pa naman at nagluluto si ate ng ulam kaya kanin lang. Ngayon ay hinihintay kong mapuno ang drum at water jag ng tubig. Schedule namin ngayon ng tubig. Nakatunganga ako habang nakatingin sa langit.
Hanggang sa muli!