Taal: Isang Maliit O Isang Napakalaking Bulkan?

0 2
Avatar for Rona
Written by
4 years ago

Jan 28, 2020

Sa elementarya, itinuro sa amin na ang Taal ay pinakamaliit na bulkan sa  mundo. Kalaunan, natuklasan ko na may mas maliit pa pala dito—ang bulkang Cuexcomate na nasa Puebla, Mexico. Ngunit ang Cuexcomate ay isang inactive o patay na bulkan. Ito ay lampas-tao lang ang taas at ilang dipa lang ang lapad. May hagdang bato patungo sa ibabaw nito. Sa ibabaw nito ay may lagusan at sa lagusan ay may mga hagdang bakal pababa sa loob ng bulkan. May isang bahagi sa loob ng bulkan na nalagyan na ng sahig na semento at napatungan ng tiles. Mayroon ding mahahabang silya na puwedeng upuan at pahingahan ng mga taong namamasyal sa loob ng bulkan. Mayroon ding fountain doon at sa naipong tubig ay may mga isdang lumalangoy. Ang Cuexcomate ay hindi mo iisiping bulkan, kundi isang kuwebang pasyalan.

Sa kabilang dako, ang bulkang Taal ay itinuturing na pinakamaliit na bulkang aktibo. Mas mapanganib pa daw ito kaysa sa bulkang Mayon dahil napakalakas nito at bigla-bigla kung sumabog. Nitong Enero 12, 2020, nagbuga ito ng makapal na usok na umabot hanggang 15 kilometro ang taas, ayon sa Phivolcs. Ang usok ay may kasamang abo at pinung-pinong pulbos na nagdulot ng malaking pinsala sa agrikultura na umabot na ng mahigit P2 bilyon.

Maliit nga ba ang bulkang Taal?

Nagsimulang magbago ang aking isip tungkol sa bulkang Taal nang sumabog ito noong 1977. Umabot sa Metro Manila ang abo nito at naitanong ko sa sarili: Bakit ang isang napakaliit na bulkan ay napakalakas kung sumabog? Minsa’y nagpunta ako sa Silang, Cavite. Habang ako’y nasa sasakyan, napansin ko na ang Silang ay tuluy-tuloy na pataas, at sa dulo ng bayang ito ay ang syudad ng Tagaytay.

Minsa’y napasyal din ako sa Canlubang, Laguna. Nakalimutan ko na kung bakit ako napunta roon. Ang naaalala ko sa Canlubang ay ang mga taniman ng pinya. Napansin ko rin na ang Canlubang ay pataas. Sabi ng isang taga-roon, ang dulo ng Canlubang ay Tagaytay. Noong mapunta ako sa Tagaytay para sa isang seminar, pinagmasdan ko nang maigi ang Taal Lake at ang paligid nito. Humanga ako sa kagandahan ng lawa na may sukat na 234 metro kuwadrado.

Sa gitna ng lawa ay may isla na kung tawagin ay volcano island. Hindi ko maituturing na maliit ang islang ito. Mayroon itong dalawang malaking bunganga o crater at bawat bunganga ay may sariling caldera o munting lawa. Bukod sa dalawang crater na ito, mayroon pa umanong 45 crater sa iba’t-ibang lugar sa lawa, ayon sa datos ng Phivolcs.

Ayon pa sa datos, mga 6,000 katao ang naninirahan doon, mga 3,000 na kabayo, bukod pa sa ilandaang alagang baka, kambing, baboy at manok. Ngunit ang nakamamangha ay ang mga bayan—Talisay, Agoncillo, Laurel, Lemery at iba pa—sa gilid ng dakong ibababa ng lawa. Mula sa isang restawran sa gilid ng Tagaytay, pinagmasdan ko nang maigi ang kinaroroonan ng mga bayang ito at ang kabuuan ng Taal Lake. Pabilog at pahukay ang hugis ng lawa.

Bigla kong napagtanto na ang mga bayang tinitingnan ko ay nasa loob ng bunganga ng isang napakalaking bulkan.  Naisip ko rin na ang mga bayan ng Silang at Canlubang, kaya sila pataas ay dahil nasa dalisdis o slope ng bulkang Taal. Kung gayon, naisip ko, parang hindi totoo ang sinasabi na ang Taal ay pinakamaliit na aktibong bulkan sa mundo. Kung ang Taal ay isang napakalaking bulkan, ang mga bayan ng Binan at Calamba sa Laguna, at ang Carmona sa Cavite, ay nasa paanan ng bulkang Taal.

Complex volcano system

Ayon sa tala ng Phivolcs, ang bulkang Taal ay may 47 crater at 4 na maar. Ang maar ay crater din na nalikha ng pagsabog dahil sa pagdikit ng malamig na tubig sa kumukulong lava o magma. Sa loob ng maar ay may tubig kaya ito ay parang munting lawa din o caldera tulad ng makikita sa volcano island. Hindi alam kung ilan pa ang mga crater at maar sa ilalim ng lawa ng Taal kaya itinuturing ito ng Philvocs na isang complex volcano system.

1
$ 0.00
Avatar for Rona
Written by
4 years ago

Comments