Sino at ano nga ba ang tunay na diwa ng pasko? Dito sa Pilipinas marahil tayo na ang may pinakahabang pasko na ipinagdidiriwang taon- taon. Magsisimula ito mula buwan ng Setyembre hanggang buwan ng Disyembre. Apat na buwan na pinaghahandaan ng pamilyang Pilipino ang nalalapit na araw ng kapanganakan ni Hesus. Para sa mga batang Pilipino malimit na inaabangan ang pagdating daw ni Santa Claus para mamigay ng mga regalo. Gayon din ang mga pampasayang handog ng mga ninong at ninang sa kanilang mga inaanak. Minsan napatanong tayo na bakit may pasko? Sino ba dapat ang ating kahuhumalingan? At ano ba dapat na okasyon o ipinagdidiriwang natin sa tuwing sasapit ang tamang araw sa panahong ito? Ngayong taong 2021 napaisip ang sangkatauhan sa magiging kahihinatnan ng kasalukuyang mundong kinagagalawan natin ngayon. Ang mundo ay puno ng lungkot at paghihinagpis ng nadapuan tayo ng kagimbal gimbal na sakit o pandemya na ating kinakaharap hanggang ngayon. Covid-19 kung tawagin ang kikitil sa buhay ng mga taong madadapuan nito. Ang dating may saya at ngiti sa mukha ng bawat isa ay natatabunan na ito ng facemask at faceshield upang protektahan ang sarili laban sa sakit. Ang dating kinaugaliang pagmamano at pagbebeso-beso sa ating mga minamahal ay ngayon tanging sanitizer at alcohol na ang pamunas sa kamay panlaban sa nakamamatay na sakit. Gayunpaman hindi nawawalan ng pag-asa ang bawat Pilipino lalo nat ang ating mga kabataan at frontliners na tugunan ang pangangailangan pagdating sa usaping pangkalusugan. Alagaan natin ang ating kalusugan dahil ito ang lamang ang tanging yaman para mabuhay ng matagal at para narin sa ating mga minamahal. Gaya na lamang ng pagmamahal ng isang ina sa kanyang sanggol na nasa sinapupunan. Ang sanggol na ating hinihintay mula sa kapanganakan ng isang ina ay siyang magtutubos at magliligtas sa mundo at sa sangkatauhan. Ang tunay na diwa ng Pasko ay ang araw ng kapanganakan ng ating tagapagligtas na si Hesus na anak ng Diyos. Siya ang batang sanggol na ipinanganak sa sabsaban na maghahatid ng pag-asa sa lahat ng nalulungkot, nagdudurusa at nagkakasakit. Kaibigan, siya lamang ang ating sandigan at gamot sa kasalukuyang pandemyang ating kinakaharap ngayon. Ang lunas sa lahat ng paghihirap at pighati na matagal na nating dinadala. Tanging pagmamahalan sa bawat isa ang solusyon para maibsan ang takot na ating nararanasan ngayon. Siya lang at wala ng iba. Si Hesus ang tunay at personal nating manggagamot upang puksain ang sakit na ito. Naway may napulot kayong kaalaman sa artikulong aking pinaghandaan para sa tuluyang pagpapagaling ng pusong sugatan ng bawat isa sa atin. Mag-iingat po tayo palagi at huwag nating kalimutang magdasal. Salamat at mabuhay po tayong lahat. Maligayang bati sa nalalapit na kaarawan ng ating minamahal na batang Hesus!
2
20
Nakakamiss nga ang dating nakasanayag gawain sa pasko. Pero kailangan nating tanggapin kung ano ang meron tayo sa kasalukuyan. Ang magagawa natin ay sumunod sa health protocol, magpabakuna at palakasin ang ating resistensya. Sa pamamagitan nito malalabanan natin ang COVID-19 at makakabalik tayo sa ating normal na buhay bago ang pandemya.