ni: Pulang Rosas
Ako'y isinilang sa pulong maalamat
Yaong dagat at langit ay nagkaisang-palad
Mumunti akong butil, libo-libong perlas
Maharlika kong bayan, pinangalanang PILIPINAS!
Bayan ko'y minsan ding nangarap
Na muling makamtan ang kalayaang inaasam ng lahat
Magkaroon ng magandang bunga ang lahat ng pagsisikap
Upang mapabuti ang buhay patungong hinaharap.
Ngunit nang minsang pagtapak sa dalampasiga'y sumadsad
Ang mga barkong dayuhan na espada't krus ang sagisag
Kultura't pamahalaang Europeo sa isipa't damdamin ay minulat
Dinusta ang Pilipino, inagaw ang kalayaan— itinapon sa dagat.
Nang dahil sa bayan ko naganap ang himagsikan
Kumulog! Kumidlat! Nangulimlim! Sumiklab ang digmaan
Dugo't pawis ay dumanak mabawi lamang ang pinahiram
Muling lumipad ang agila, isang kalayaang bagong silang.
Lahing Pilipino, may puso't pagkakaisa
Kadugo ni Bonifacio, Rizal, Luna at iba pa
Walang pinipiling sigwa, baya'y inuuna
Mga puti ay pinuksa, nakamtan ang bayang malaya.
©Pulang Rosas
(In connection with the 122nd Anniversary of the Declaration of Philippine Independence, June 12, 2020)
Tula ng aking magaling na estudyante!