Lumaki ako sa simple at hindi marangyang pamilya. Parehong hindi nakapagtapos ang mga magulang ko, dahil maaga silang nag-asawa. Malaking disappointment sa parehong side ng mga magulang ko ang kanilang ginawa lalo't graduating nun si mama at college din si papa. Ang naging tingin tuloy nila sa'kin, 'History repeats itself', naniniwala silang hindi rin ako makakapagtapos ng pag-aaral at mag-aasawa rin ng maaga.
Hindi ako nagpatalo lalo't suportado naman ng pamilya ko ang aking pag-aaral. Nang tumungtong ako sa elementarya, maayos naman ang lahat, hindi natatapos ang school year na wala akong honor. Kahit papaano, nakapagtapos naman ako ng elementarya.
Sa sekondarya naman, natuto akong mag-enroll magka-isa kahit na ang paaralan ay nasa ibang barangay na. Nang magsimula ang klase, medyo nahirapan na kami lalo sa pamasahe araw-araw, minsan hindi na ako kumain para lang may pamasahe sa susunod na araw. Nasanay rin akong maglakad ng mahigit tatlong kilometrong daan pag uwian.
Nakaranas din ako ng diskriminasyon sa eskwelahan, dahil sa hirap ng buhay, napagbibintangan akong nagnakaw kahit na hindi naman. Napapagalitan at pinapahiya ako ng ibang guro dahil hindi ako makapagpasa ng requirements on time. Hindi rin ako nakakapunta sa mga extra-curricular activities dahil wala akong pambayad. Tiniis ko lahat yun para lang makapagtapos. Natapos ko ang sekondarya, na may karangalan.
Kolehiyo na ang aking pinasukan. Hindi ako tumigil kahit gusto ng tatay kong patigilin ako. Pumasok ako at naghanap ng kung ano-anong scholarships, Academic scholarship, publication scholarship, local scholarship at kung ano-ano pa. Pero kung gaano ang hirap nung nasa sekondarya ako ay mas mahirap na naman dito. Mas malayo ang unibersidad, mas maraming requirements, at mas maraming gastusin. Nagtiis ako at nagtipid. Tiniis ko ang gutom, pagod, at pati panlalait ng ibang tao. Kahit sinasabi nilang, "Bakit pa kasing pinipilit pag-aralin ehh nahihirapan na nga?" Nakakasakit pero nakakadagdag motibasyon. Hanggang nakatapos din ako sa kolehiyo.
Nagreview, nagboard exam, nakapasa at ngayon lisensyado na!
Marami man ang hindi nagtiwala sa kakayahan ko, pero marami din naman ang taong nagpatibay ng loob ko. Lalo na't kasama ko ang Diyos at ang pamilya ko, ang dating kasabihang "MAKAKAPAGTAPOS AKO ay naging SA WAKAS, NAKAPAGTAPOS NA AKO!"
Praise God! natutuwa ako at natupad mo ang pangarap mo.. pero di nagtatapos jan kailangan pang mag apply at kung ano ano pa..