Pagbabalik-tanaw sa Mapait na Nakaraan

0 33
Avatar for Nobela
Written by
3 years ago
Topics: Karanasan

Una sa lahat nais kung humingi ng paumanhin kung ang aking gagamitin na lenggwahe ay hindi pamilyar sa iba. Ang kasalukuyang ginagamit ko na lenggwahe ay tinatawag na Tagalog. Ito ang lenggwahe ng aking bansang Pilipinas. Humihingi ako ng tawad sapagkat ako ay hindi dalubhasa sa wikang Ingles at mahirap para sa akin na ilabas ang aking saloobin gamit ang wikang Ingles. Mas nanaisin ko na magsulat ng isang artikulo gamit ang isang wika na meron akong kasanayan upang ang mga kapwa ko Pilipino ay mas madaling maintindihan ang nais kong sabihin at ikuwento.

Nais kong ipakilala ang sarili ko sa inyo. Ako ay isang simpleng binata na naghahanap ng kaligayahan sa buhay. Nais kong itago na lang ang aking pangalan sa kadahilanang hindi naman ito mapapansin ng mga mambabasa. Ako ay kasalukuyang nasa kolehiyo sa kursong elektrikal at mahirap ang paraan ng pag-aaral. Ako ay lumaki sa aming probinsiya na itinuturing kong unang tahanan sapagkat doon ako lumaki at nagkaisip. Doon ko rin napagtanto kung gaano kahirap ang buhay ngunit kahit ganoon doon ko naranasan ang masasayang karanasan bilang isang bata. Masaya akong naranasan ko ang mga bagay tulad ng pagsisibak ng kahoy, pag-iigib ng tubig, pagpapakain sa mga alagang hayop, at pagluto gamit ang kahoy.

Pumupunta naman ako sa aking mga kaibigan pagkatapos ng maghapong nakakapagod na gawain at doon na kami maglalaro hanggang sa abutin ng gabi. Sa pagsapit ng gabi kami ay umuupo sa tabi ng dagat at nagkukuwentuhan tungkol sa mga nakakatakot na karanasan. Ako ay nakikinig lamang dahil sa buong buhay ko ako ay di nakaranas ng kababalaghan. Alam kong hindi ako nakakaranas ng kababalaghan dahil ako ay pinoprotektahan ng aking ina na namayapa na. Ulila na kaming magkakapatid. Noong namayapa ang aming ina inampon na kami ng aming tiyo at tiya at pinalaki. Sila ang nagsilbing ama't ina namin at napamahal nadin kami sa kanila.

Pagsapit ko sa ikaanim na baitang kami ay kinuha ng aming nakakatandang kapatid sa ina upang paaralin dito sa Maynila. Dito ko nakita ang mga bagay na pinapangarap lang namin sa probinsiya. Mga matataas na gusali, magagarang sasakyan, mga paliparan, mga pasyalan at iba pa. Sa umpisa sobrang saya ko na nakarating ako dito sa Maynila ngunit sa aking paglaki doon ko napagtanto na opportunidad lamang ang meron dito sa Maynila. Hindi dito mahahanap ang tunay na kahulugan ng buhay at hindi payak ang pamumuhay rito. Napagtanto ko rin na ang bawat kilos rito ay may bayad. Napagtanto ko rin na hindi mabubuhay ang isang tao rito sa Maynila kapag walang trabaho. Sobra ko ng namimiss ang probinsiya at nais kong doon na lang ulit tumira.

Namimiss ko ang bawat lugar sa aming probinsiya at ang mga kaibigan ko doon mula pagkabata. Noong nakalipas na dalawang taon ang huling dalaw namin sa aming probinsiya. Ito ang panahon na inuwi namin ang labi ng aking namayapang kapatid na babae upang doon ilibing. Namatay ang aking kapatid dahil sa tumor sa utak hindi na siya naisalba ng mga doktor dahil hindi napag-alaman ang kanyang tunay na sakit. Nang umuwi kami sa aming probinsiya hindi ako nakaramdam ng kahit anong kasiyahan at ang tanging nasa puso lang ay sakit at paninibugho sa aking namayapang kapatid. Namasdan kong muli ang malawak na bukirin ngunit wala akong maramdamang kaligayahan. Nakita ko rin muli ang aking tiyo at tiya. Niyakap ko sila ng mahigpit at may mga luhang pumatak sa aking mga pisngi. Doon bumalik ang mga alala ng aking kabataan. Pagkalipas ng pitong taon ay nakabalik ako sa itinuturing kong unang tahanan ngunit walang kasiyahan na nadarama dahil lahat kami ay nagdaramdam sa pagpanaw ng aking kapatid. Sa pananatili namin roon napuno ng kalungkutan ang buong bahay ngunit binabasag naman ito ng mga bata na aking mga pinsan. Upang mabawasan ang aking kalungkutan sumasama ako sa kanila sa bukid upang kumuha ng sangang kahoy at magpakain sa kanilang mga alagang hayop. Nakaramdam ako ng konting kasiyahan dahil matagal kong hindi nagagawa ang mga gantong bagay. Pumunta rin kami sa mga lugar na dati kong pinupuntahan at iniisa-isa ang mga alala na meron ako sa lugar na iyon.

Ito ang isa sa mga lugar na paborito ko noong bata ako. Dito ako naglalaro at nagpapadausdos dahil sobrang taas ng lugar na ito at kita ang ibang bukid mula rito. Sariwa din ang hangin at ramdam ang katahimikan ng paligid. Umupo ako saglit sa mga damo at umiyak, hindi ko pinahalata sa mga bata na umiiyak ako. Sobrang nakakaiyak na makita muli ang lugar na ito.

Batid ko na hinihiling din ng aking namayapang kapatid na dalawin ang kanyang dating paaralan kaya ako na lang ang tumupad sa kanyang kahilingan. Pumunta ako sa dati naming paaralan at kumuha ng mga litrato. Alam kong sumasabay sa akin ang aking kapatid at sobra siyang natutuwa na makitang muli ang paaralan. Pumunta rin ako sa mga kaibigan ng aking kapatid at inanyayahan silang dalawin ang aking kapatid sa kanyang burol. Ginawa ko ang lahat na pwedeng gustong gawin ng aking kapatid at alam kong natutuwa siya sa oras na iyon at hinihiling ko na sana naroon siya para makitang muli ang aming probinsiya.

Hanggang ngayon ako ay nagdadamdam sa aking namayapang kapatid. Mahirap mawala ang sakit dahil higit sa lahat ako ang napamahal sa kanya. Kami ngayon ay nakakaraos naman sa hirap ng buhay. Madami kaming mga utang at bayarin ngunit nakakaraos naman sa pang-araw araw. Nais kong subukan ito dahil inirekomenda ito sa akin ng aking kaibigan na maari akong kumita ng totoong pera rito. Meron akong konting kaalaman sa pagsusulat ng mga istorya at nobela. Nais kong ibahagi rito sa inyo ang nobelang aking isinulat at umaasa ako na sana magustuhan niyo ito. Isusulat ko ito sa mga susunod kong artikulo. Maraming salamat sa pagbabasa ng aking introduksiyon at sana pagpalain kayo ng maykapal.

Ito ang larawan na nakunan ko ng kami ay umuwi sa aming probinsiya.

1
$ 0.00
Avatar for Nobela
Written by
3 years ago
Topics: Karanasan

Comments