Sa likurang bahagi ng aming bahay nakahiga ako sa damuhan na pinatungan ko ng nakitang karton sa stock room. Maaliwalas ang panahon ngayon. Salungat sa palagiang pag ulan nitong mga nakaraang araw. Baka wala na ang bagyong napabalita na nanalanta sa karatig bayan.
Maraming ulap ang aking nakikita, iba-iba ang hugis. Merong hugis dahon, hayop at kung ano ano pa. Sa mga nagdaang sandali ng aking buhay, marami akong mga naiisip. Ang aking trabaho, mga kaibigan, pamilya at miminsan din ang aking pagkawalang interes sa buhay pag-ibig.
May nakita akong hugis pusong ulap, naalala ko na naman ang kawalang sigla sa aking lovelife. Sa tinagal tagal ko sa mundong ibabaw hindi ko pa kailanman naranasan ang pag-ibig. Those butterfly feeling in your stomach whenever he's near and those skipped heartbeats. Hindi ko alam kung matatawag ba akong abnormal na babae pero meron naman akong mga hinahangaan. Iba-iba, may moreno, may maputi, matangkad, tamang taas, payat o di kaya'y chubby. Wala akong standard sa mga lalaki, talaga lang wala pang nakapagpapabilis ng aking puso tulad ng mga nababasa kong mga romance novels.
Siguro, malaking kontribusyon ng aking pag-iingat sa aking puso ang mga failed relationships ng malalapit sa akin. I have a broken family, matagal ng hiwalay si mama at papa. Ang isa kong kapatid ay maagang nabalo. Ang isa naman ay nagmahal sa isang may pamilya na. Ang isang close friend ko naman ay nakapag asawa nga pero parang walang pagpapahalaga sa kanya.
Sa mga nakita kung pinagdaanan ng mga taong nakapaligid sa akin, siguro doon ko nasanay ang aking sarili na hihintayin ko ang taong nakatakda sa akin sa tamang panahon. Maghihintay ako sa ibibigay Niya. Natatakot akong maling tao ang mapaglaanan ko ng time and effort at sa huli ay magsisi.
May nakapagsabi naman sa akin na kailangan ko din naman sumubok magkipagrelasyon para malaman ko kung paano i-handle para pagdating niya eh medyo may alam naman ako. Pero paano ko gagawin iyon kung hindi naman to tumitibok kahit na kanino. Ang hirap naman magkipagrelasyon ng hindi mo gusto.
Sa lahat ng mga naisip ko isa lang ang konklusyon, maghihintay ako sa kanya. Unti unti ding nawawala ang hugis puso na ulap na sanhi ng mga itinakbo ng utak ko. Talagang maaliwalas ang panahon at ok lang na mahiga dito at tinitingala lang ang langit ng hindi nasisilaw sa liwanag. Sanhi din ng maraming ulap na dumadaan kaya nagmukhang makulimlim.
May nakita akong hugis pagong na ulap, naalala ko iyong alaga kung pagong noong high school. Natutuwa akong pindutin ang ulo noon kasi nawawala at nagtatago pero iyong buntot at paa naman niya ang nagpapakita. At kung pindutin ko naman ang buntot niya iyon naman ang nawawala at ang ulo ang nagpapakita. Ilang minuto ko ring pinaglalaruan ang pagong na iyon hanggang sa sawayin na ako ng ina ko, kesyo pagod na daw ang pagong. Wow, concern siya sa pagong. Hehe.
Ikatlong taon ko sa high school nang buo pa ang pamilya. Masaya kami kahit salat sa buhay. Hindi naman ako mareklamo. Kung anong nasa hapag at anong maibigay ng mga magulang ko kuntento na ako. Pero unti-unting nawawala ang saya. Napapalitan na siya ng nga alitan gabi-gabi ng aking mga magulang. And that's where it all started. That's where everything drifted apart.
Unti-unting nadedeform ang ulap na pagong sa aking paningin. Mabuti pa ang pagong merong sariling bahay na masisilungan at matataguan in times of need. Pero kami ng pamilya ko, tuluyan ng nawasak ng hindi pagkakaunawaan at siguro wala ng pagmamahalang nararamdaman.
Sa pagbabalik tanaw ko sa aking buhay, hindi ko namalayan na nakatulog na ako dito sa likod bahay.
Hindi ko alam kung ilang minuto o oras akong nakaidlip. Narinig ko na lang ang sigaw ng aking ina sa loob ng bahay.
"Pherine, umaambon na. Pakikuha ng mga sinampay diyan sa likod at baka mabasa ulit."
Nagmadali akong tumayo at tinupi iyong karton at isinantabi ko muna sa gilid. "Opo Nay." Sagot ko sa kanya.
Pagkatapos kung makuha lahat nag sinampay nilagay ko muna ito sa walang lamang basket na nakita ko. Tiningala ko ang langit. Wala na akong makitang mga hugis ng ulap. Sobrang kulimlim na at lumalakas na din ang pagpatak ng ulan. Pumasok na ako sa loob ng bahay, mukhang magtatagal pa ang ulan. Hindi pa siguro umalis ang bagyo.
"Anak, ano ba ang ginagawa mo sa likod bahay at ang tagal mong naglagi doon." Tanong ng aking ina.
Tiningnan ko siyang naghahain na nang hapunan namin. Tinulungan ko siya at sumagot ng, "Nanonood lang ng ulap ma, hindi ko namalayan na nakaidlip pala ako." Tugon ko sa kanya.
Tumango lamang siya at nagsabing maghanda na at maghahapunan na.
~~~
NethFidelis 😊