Sa minsang pag tanaw ko sa kabilang ibayo ng karagatan wala akong ibang nakita kundi ang mga ala-alang matagal ko ng dapat kinalimutan simula sa umpisa hanggang sa kahulihulihan. Tumimo, sumariwa sa naguguluhan kong isipan.
Sa aking paglalakad sa gitna ng dalampasigan hindi pa rin pala nawawala ang bakas ng iyong mga paa tanda ng minsan nating pag lalakbay ng mag kasama.
Nakabibingi ang tunog ng daluyong ng dagat. Nakasusugat ang mahalumigmig na simoy ng hangin na dumadampi sa aking balat. Hanging tila nag tutumulak sa akin papunta sa tubig na maalat. Sa tubig na kinatatakutan ko, dahil hindi ko alam kung hanggang saan ang maaaring ilalim nito.
Naduduwag ako, nakakatawa dahil naduduwag ako. Naduduwag ako sa maaaring pagkalunod kasama ng mga ala-ala mo. Baka hindi ko na magawang makaahon baka kung saan ako dalhin ng naglalakihang mga alon dahil kahit gaano man nakamamangha ang mahika ng buwan, gaano man nakaaaya ang bughaw na kalangitan hindi parin maaalis ang takot ko sa malalim na pusod ng karagatan. Hindi na ako muling mag papasilaw pa sa hiwaga dahil ayoko ng malunod pa sa nakalipas nating mga ala-ala.
Hindi na ako muling mag papatangay pa sa sirkulasyon ng dagat dahil ayoko ng muling lumalim ang nag hilom ng mga sugat at mas pipiliin ko na lang ang maglayag ng mag isa kaysa sumugal sa paglangoy ng ilang ulit pa. Hindi ko man tiyak ang bagay na mayroon sa kabilang ibayo maglalayag ako, mag lalayag palayo sayo. Sa mga lumot ng ala-alang iniwan mo maging sa mga pangako mong iginuhit sa puting mga buhangin na kusang nabubura sa bawat pag ihip ng hangin at kung uukitin mo pa ng paulit ulit ay hindi na rin magiging sapat kung sa bawat hampas ng alon doon ay kusang lumalapat, nabubura, bumabalik sa tubig ng dagat.
Puputulin ko na ang lubid na minsang nag ugnay sakin ay sayo ay susunod sa direksyon ng hangin kahit saan man ako dalhin nito. Sisimulan ko na ang pagkampay ng aking sagwan at lilisanin ang isalang minsan nating tinuluyan. Ilang milya man ang aking dapat tawirin gaano man katagal, gusto ko ng makarating sa dulo ng mapa, sa dako paroon baka doon masilayan ko ang banayad na mga alon baka nagawa ko pang muling makaahon sa mga ngiti at pagtitig mo na pilit sa isip ko’y bumabaon.
Matagal na rin pala akong nangulila sa sinag ng araw at nag tago sa mumunting kinang ng mga bituin, na kung ako’y itutulad mo’y, isang alitaptap na walang ningning. Lumilipad, subalit nagpapasakop sa dilim.
Sa wakas mahal, patapos na ang oras ng takipsilim ay unti-unti ko ng naaaninag ang araw sa likod ng langit na madilim. Mag lalayag na ako, maglalayag palayo sa ala-ala ng dating tayo.
Ang sakit sakit 😭😭😭 Tipong sasabihin mo please... Please don't leave me 😭 Ramdam ko yung sakit ahh... Pero kailangan, Kailangan mong bumitaw kahit pa ang kapalit non ay sobrang sakit. Kailangan mong lumayo.... Kailangan mong tumalikod at lumakad papalayo at kung kinakailangan, wag ka ng lilingon ng sa ganon dimo na makita pa ang kahapon.