Oras ng Pagtulog [Horror #1]

10 34
Avatar for Manoy-Maestro
3 years ago

Laki akong probinsya ngunit kinailangan kong lumuwas nang Maynila para mag-aral sa kolehiyo. Wala kaming bahay sa Maynila kaya naisipan kong maghanap ng boarding house.

Nilibot ko lahat ng boarding house na malapit sa unibersidad, baka sakaling makahanap ng sulit at pasok sa budget. Makalipas ang dalawang oras, naisipan ko muna magpahinga at mag-merienda sa malapit na tindahan. Subalit nung kakausapin ko na ang tindera para bumili ng Nova at softdrinks, napansin ko bigla ang sign sa katabing gusali na "ROOM FOR RENT: MALE BEDSPACER ONLY".

Nagtaka ako kung bakit mga lalaki lang ang tinatanggap nila kaya nilapitan ko ang matandang lalaki ng nakaupo sa may pintuan ng gusali.

"Iho, naghahanap ka ba ng boarding house? May bakante kami rito na bedspace, 2.5k lang kada buwan, kasama na tubig at kuryente."

Ang mura! Hindi ko na ininda kung bakit puro male bedspacer lang sila. Tinanong ko si manong kung pwedeng tingan ang kwarto at sinamahan niya ako papasok.

Habang naglalakad kami sa pasilyo, napansin ko na lahat ng pintuan ng mga kwarto ay sarado. May pagkaluma na ang gusali, ngunit malinis ang loob nito at kita na inaalagaan ito ng may-ari. Patuloy kaming naglakad hanggang sa marating namin ang dulong kwarto kung saan daw ako maaring tumira.

Maliit lamang ang kwarto. May double deck na kama. May ceiling fan. May maliit na cabinet na pwede ring gamitin na mesa. May jalusi sa may cabinet kaya maaliwalas naman sa loob.

Last available room na raw ito sabi ni manong kaya kinuha ko na at nagbigay ng deposit. Nag-stay na ako agad-agad sa kwarto para makapagpahinga. Napili kong matulog sa itaas na kama ng double deck kasi malapit sa ceiling fan.

Nung nagsimula na ang mga klase, bihira lang ako tumambay sa boarding house. Umuuwi lang ako sa boarding house para matulog dahil sa tambak na requirements. Siguro ito ang dahilan kung bakit wala pa kong nakikitang tenants sa ibang kwarto.

Pagkalipas ng dalawang buwan, dumating na ako kinatatakutan naming mga estudyante:

HELL WEEK!!!

Sa dami ng masalimuot na midterm exams at tila walang katapusang mga project, ninais ko na umuwi agad at maglaro para ma-relax naman ako. Deserve ko naman siguro maglaro pagkatapos ng hell week.

Humilata ako sa kama, naglabas ng cellphone, at naglaro. Sinuswerte ata ako kasi sunod-sunod ang win streak ko. "One game na lang, matutulog na ako." Ilang ulit ko na ito nasabi sa sarili ko pero di natutuloy.

Biglang nag-brownout pero hindi ko ininda kasi in-game pa ako (sayang win streak). Patuloy lang sana akong maglalaro hanggang bumalik ang kuryente bago ako matulog, nang bigla kong narinig ang matinis na boses ng isang batang babae.

"Mama"

Nagtaka ako kasi ang alam ko walang babae sa boarding house. Baka mali lang rinig ko. Baka pagod lang ako.

"Mama... mama... usto ko pa po maglaro... laro... laro... LAROOOO..."

"..."

Medyo napalakas ang boses niya. Naisip kong bumaba ng kama upang silipin kung saan nanggaling ang boses. Ngunit may naririnig na akong boses ng isang mas matandang babae.

"Ssshh! Bukas na lang, anak, baka marinig tayo."

"Eeeehhhh!! usto ko pa maglaroooo"

"Gabi na anak. Oras na ng pagtulog."

"Eh bakit yung lalaki sa taas, naglalaro pa?"

WAKAS


Author's Note:

Eto ang aking unang attempt sa pagsulat ng horror. Sana magustuhan niyo ito at baka i-publish ko rin ang aking ibang mga horror na kwento. Maraming salamat sa pagbabasa!

5
$ 0.03
$ 0.03 from @dLifeWanderer
Avatar for Manoy-Maestro
3 years ago

Comments

Suspense! Parang mapapanaginapn ko to mamayang gabi. πŸ‘»

$ 0.00
3 years ago

Good luck po hehehe 😈

$ 0.00
3 years ago

haha kinabahan naman ako dun sa last partπŸ˜…

$ 0.00
3 years ago

Success haha

$ 0.00
3 years ago

hahaha gabi pa naman ako nagbasa

$ 0.00
3 years ago

Hi magandang Gabi, natatakot Ako na basahin Kasi ma Isa lang Ako Ngayon pero bukas basahin ko to

$ 0.00
3 years ago

Yun talaga ang point hahaha jk

$ 0.00
3 years ago

Grabi Naman to

$ 0.00
3 years ago

Ang cute..., more po...

$ 0.01
3 years ago

Maraming salamat po!

$ 0.00
3 years ago