Replektibong sanaysay sa komersyal na "My Dad is a liar" ng Thailand
Ang bansang Thailand ay kilala sa mga nakakaaliw at kakaibang komersyal na nakakapukaw ng atensyon di lamang sa lokal pati narin sa internasyonal na mga manonood. Labis na mahalaga ang mga mensahe na dala ng mga komersyal sapagkat lalo nitong pinupukaw ang atensyon ng mga manonood. Isa sa mga pinaka natatanging komersyal na gawa sa Thailand ay ang, “My Dad is a Liar” na nagtataguyod ng pang-edukasyon na seguridad para sa mga bata upang makatapos ng mas mataas na edukasyon at upang makamit ang kanilang mga pangarap sa buhay. Ito ay kampanya ng MetLife isang insurance company naka estado sa Estados Unidos. Dahil sa katanyagan ng mensahe nito ay nagbigay inspirasyon din sa iba pang bansa na gumawa ng mga sarili nilang bersyon.
Ang kwento ay sinabi mula sa pananaw ng isang anak na babae na sumulat ng isang liham sa kanyang ama, at binasa ng ama ang sulat habang naglalakad sila patungo sa paaralan. Nagsimula ang liham sa pamamagitan ng paglalarawan kung gaano kamangha-mangha ang ama, sabay na ipinapakita ng komersyal ang mga matatamis na ligaya ng mag-ama, hanggang sa nabasa niya ang linyang "he lies". Sa puntong ito isiniwalat ng anak kung paano nagsisinungaling ang kanyang ama tungkol sa pagiging, masaya, pagkakaroon ng trabaho, hindi nagugutom, at iba pang pag paghihirap na dinadanas ng kanyang ama. Sinabi niya sa pagtatapos na "he lies because of me" at naintindihan ng ama kung gaano ka- bilib ang kaniyang anak sa kanya.
Naantig ng komersyal ang aking damdamin sapagkat dala ng bawat linya ang emosyon na nakapaloob dito. Isinisiwalat nito sa mga manonood kung hanggang saan kaya ng isang magulang na magsakripisyo para lang sa ikabubuti ng anak. Sa katunayan, totoo na ang mga magulang ay handa na gawin ang lahat ng mga sakripisyo para sa kanilang mga anak at hangga’t maari ay tinitiis nila at tinatago ang kanilang paghihirap para sa ikasasaya ng kanilang mga anak. Tulad din ng nasa istorya, itinago ng ama ang lahat ng kanyang pagsasakripisyo at paghihirap sa kanyang anak na babae, tiniis niya ang gutom upang busog ang kaniyang anak.
Hindi niya kailanman kinilala ang katotohanan na siya ay pagod at patuloy pa rin sa pagsabak sa iba-ibang trabaho baon lamang ang inspirasyon na makita niya lang ang ngiti ng kaniyang anak ay sapat na. Iba nga naman ang nagagawa ng pagmamahal, lahat ay nagagawa natin para sa mga mahal natin sa buhay na nagbibigay satin ng inspirasyon na lumaban dahil sulit naman ang lahat ng paghihirap kung para naman ito sa kapakanan nila.
Dahil sa komersyal mas naging makuhulugan ang mga sakripsyo ng aking mga magulang kaya naman binigyan ko sila ng mahigpit na yakap bilang pagpapahalaga at pasasalamat sa lahat ng sakripisyong ginawa nila para mahubog ako sa estado ko ngayon. Ang pagiging magulang na nagmamahal na walang pasubali ay nangangahulugang pagtaguyod ng mabuti at esensyal na halaga sa kanilang anak upang mapalago ang kanilang kalusugan, at mahubog ang kaisipan tungo sa matagumpay na mga indibidwal.
Ipinakita pa nito na ang pagiging magulang ay talagang isang kumplikadong proseso na nagsasangkot sa pisikal, emosyonal, panlipunan, pinansyal at intelektuwal na aspeto. Ang mga salik na ito ay talagang kinakailangan upang gawing epektibo at matagumpay ang pagpapalaki ng sa mga anak. Sa katunayan hindi madali maging isang magulang. Bagaman ang komersyal ay kathang- isip lamang na parte ng kampanya ng isang insurance company, hindi maikakaila na sa totoong buhay ay mayroong mga pamilya na dumaan sa ganitong sitwasyon. Nagtapos ang komersyal na may iniwang kasabihan, “pursue more from life” nahinuha ko na bagamat hindi natin mababago ang ating kapalaran, maaari tayong lumikha ng naaayon sa ating kagustuhan tungo sa seguridad at ikabubuti ng ating kinabukasan.