Repleksyon sa awiting "MAPA" ng SB19

0 18
Avatar for Lunafaye129
2 years ago

Kasalukuyang kilala ngayon sa katanyagan ang Pinoy boy band group na SB19, ang  kanilang grupo ay kinabibilangan  ng limang talentadong pinoy  na sila Ken, Sejun, Josh, Stell at Justin. Noong taong 2018 unang nagpakitang gilas ang grupo, ngunit mas nakilala ang grupo sa kanilang kanta na, “Go Up”. Dahil sa kanilang biglaang pagsikat ay umangat ang kanilang grupo sa industriya ng musika at nabigyan sila ng mga oportunidad dahil narin sa lumalaking bilang ng kanilang mga taga hanga. Isa sa mga  gantimpala na nakamit ng SB19 ay ang Wish Music Awards at Myx Awards, sila rin ang kauna- unahang, “Philippine Boy Band Group” na nakapasok sa Top 10 of Billboard Social 50 at Billboard Next Big Sound charts. Noog nakaraang buwan ng Mayo ay inilabas ng SB19 ang kanilang pinaka bagong kanta na pinamagatang, “MAPA” na naaayon sa selebrasyon ng Mother’s and Father’s day. Ang opisyal na lyric video ay kasalukuyang may 2.7 million views, at di maikakaila na sadyang napaganda ng presentasyon ng awiting may mensahe para sa mga kabataan. Ngunit, bakit nga ba sadya itong makahulugan sa mga kabataan? Ano nga ba ang mensahe na nais nitong ipabatid?

Ang bagong awitin na MAPA ng SB19 ay pagkilala sa mga magulang kung saan ang pamagat ng kanta ay hango sa salitang mama at papa. Masasabi ko na sa pamagat palang ay batid na ang awitin ay emosyonal at katangi- tangi. Nang pinakinggan ko ang kanta ay damang- dama ko ang emosyon na batid rin sa boses ni Justin simula sa unang lirikong binitawan, sadya nga na espesyal ang kanta bilang pagkilala sa mga magulang batid ang dala nitong matamis na himig at harmoniya na mas nagbibigay buhay sa awitin. Sa aking personal na opinyon, angkop na mas naunang inilabas ang lyric video ng kanta, sapagkat hinayaan nito na mas magbigay pokus ang mga manonood sa bawat salita na nakapaloob sa awitin na nagbibigay ng oportunidad upang makagawa ng interpretasyon ukol sa nais ipabatid ng awitin.

Sa pakikinig sa liriko, naalala ko ang matatamis at masasayang alaala kasama ang aking mga magulang, tila mas naging makahulugan din ang mga aral sa buhay at mga sakripisyong ginawa nila para sakin para lamang masuportahan ako sa aking mga kagustuhan. Ang mga alaala simula sa mga simpleng araw ng kabataan ay bumalik na tila ba ay kahapon lamang naganap. Simula sa salitang “mama” ng kanta ay naalala ko ang mga  araw na ginagawan ako ni Nanay ng makakain tuwing umaga at papaliguan at bibihisan para ihatid sa eskwelahan. Ang salitang “papa” naman ay nagpaalala sakin kung gaano kasipag ang aking Tatay sa pagtatrabaho para masigurado na may makakain kami araw- araw at masuportahan ang mga pangangailangan ng aming pamilya.

Isa rin sa aking nabatid sa kanta ay hindi lamang ito pagkilala sa ating mga magulang ngunit din sa pag sasarili na pagsisiwalat na kaya narin natin tumayo at sumabay sa agos ng buhay. Isiniwalat sa kanta  ang mga linyang, “Dahil ikaw ang aking mata” na kumakatawan sa Nanay bilang ating gabay na siyang nagpapakita satin kung saan dapat tayo tutungo sa buhay. At ang linyang, “Dahil ikaw ang aking paa” na kumakatawan sa Tatay bilang ating mga paa na tinatahak tayo sa tamang landas. Ang pagtayo sa sariling mga paa o independyente ay isa sa mga mensahe ng kanta na batid sa linyang, “Pahinga muna, ako na'ng bahala” na sa tamang  panahon ay nais kong masabi sa aking mga magulang upang masuklian ko rin lahat ng paghihirap at sakripisyo na pinagdaanan nila.

Sa kabuuan, ang kantang MAPA ng SB19 ay matatawag na obra, ang mga liriko ng kanta ay puno ng emosyon, na dala narin ng nais ipabatid ng kompositor. Dahil sa kantang MAPA muling pinatunayan ng SB19 sa kanilang mga taga hanga at mga kritiko ang kanilang kakayahang umangkop sa anumang klase ng musika gamit ang kanilang mga angking talento na hubog narin ng kanilang pagsasanay at pagsusumikap.   Pinapahiwatig ng kanta na ang ating mga magulang ang nagsilbing gabay sa direction ng buhay na siyang naghubog sa ating sarili kung sino tayo ngayon. Bagamat sa pagtanda natin ay tila napapalayo na ang loob  sa ating mga magulang, ang kantang MAPA ay isang napakagandang kanta na maaari nating magamit upang maisaliwalat ang pasasalamat natin sa kanilang mga nagawa. Ang ating mga magulang ay nagsisilibing gabay natin tungo sa lakbay ng ating buhay,  sinisigurado nila na hindi tayo mawawala at tayo’y nasa tamang daan.

Sponsors of Lunafaye129
empty
empty
empty

2
$ 1.14
$ 1.14 from @TheRandomRewarder
Avatar for Lunafaye129
2 years ago

Comments