Mayroon ka na lamang ilang oras bago mamatay, ano ang huling tulang isusulat mo
Enero 9, 2003, unang nabuksan ang ilaw ng aking mundo
Dumaan sa pagkabata, dalaga, at ngayon huling araw ko
Sa pagmamasid, pag iisip, andaming napagtanto ko
Buhay na pinangarap ko, andito na ba ako?
Nasa gilid, nag-iisip kung ano ang maaring isulat pa
Mga pangarap, mga bagay, mga problemang kinakaya
Napapagod, nanginginig, buong katawa'y pabagsak na
Ayaw pa sana sumuko ng mga mata ngunit katawan ay pabagsak na
Huling kinang sa aking mga mata
Unang alab ng huling araw magpapaalam ang bihag ng tanikala
Walang humpay na daluyong ng mga ala ala'y titigil na
Aking katawan, napapagod at nanghihina na
Malinaw ang buwan, malamig ang simoy ng hangin
Nagmamasid sa paligid, nag-iisip at nag-aalanganin
Saglit napapatingin sa repleksyon sa salamin
Dilim at katahimikan, nagpaparamdam saakin
Unti-unting humihina, apoy saaking gasera
Nagbabadya na oras ay patapos na
Oras, minuto, at segundo ay bilang na
Liwanag sa madilim na gabi, nawalan na ng sindi