Ang magsasaka: Salamin ng kasipagan – at ng kahirapan

0 18
Avatar for Ligaya19
3 years ago

Hindi tamad ang Papa ko. Marami lang masisipag na demonyo at sa sakahan naghahasik ng lagim.

Sa isang papaunlad pa lamang na bansa tulad ng Pilipinas, kung tatamad-tamad ka raw ay baka mahuli at maghirap ka. Paano naman ang ating mga magsasaka?

Sagana sa yaman ang lupa ng Pilipinas. Ang sektor ng pagsasaka, pati na ang pamamalakaya, ang sumusustena sa pagkain ng malaking populasyon ng bansa. Mabubungkal ang katotohanang kung sino pa ang nagtatanim ng ating makakain ay sila pa ang kadalasang nakabaon sa kahirapan. Gayumpaman, hindi ako naniniwalang tamad ang mga taong ito kaya sila mahirap. Sabihin nang mahirap lang kami, ngunit hindi tamad ang Papa ko.

Sa aming munting hapag sa probinsiya, lagi't laging sumasagi sa aking isipan ang mga salita ni Papa: Huwag magtitira ng kanin sa plato, sapagkat mahirap magsaka. Kung kaya't sa bawat pagsubo, ninanamnam ko ang bawat butil, dahil hindi lang ito butil na galing sa uhay, handog ito ng marangal na kamay. Ito ay buhay.

Bilang isang kabataang anak ng magsasaka, namulat ako sa kalagayan nila. Bagaman parehong nakalubog ang ating mga paa sa marahas na lipunan, sadyang mas maputik ang kanilang nilulubugan, nilalakaran. Putik na natutubigan ng pawis, ng luha, ng dugo.

Masasabi kong hindi biro ang magsaka – ang yumuko maghapon, ang magbanat ng buto, ang umasa sa ulan habang natutuyot ang bulsa sa kakapatubig (mahal na krudo), habang wala nang masalok na salapi dahil naipambayad na ang kita sa mga utang, sa ospital noong nagkasakit ang isang kapamilya at sa paaralan; ang maging tagatanim ng mga kapitalista; ang kinakaya-kayanan lang ng mga nasa tuktok dahil sa kakayahan nilang kontrolin ang presyo ng mga produktong agrikultural; ang maging salamin ng kasipagan, ngunit sa huli ay salamin pa rin ng kahirapan.

Kung masaklap na ang balewalain sila, ano pa kaya ang paslangin sila? Sa Negros Oriental, naglabas ng magkakahiwalay na search warrant ang mga kinauukulan upang samsamin ang mga ilegal umanong armas sa panig ng mga sinasabing kumunista roon. Magsasaka ang mga sinasabing kumunista. Pinagbabaril ang 14 na magsasaka kaya sila umani ng bala, hindi ng bigas. Alalahanin din ang mga karumaldumal na pagpatay sa mga magbubukid dahil sa walang katapusang away sa lupa. Ang marahas na girian sa Hacienda Luisita.

Minsan, buhay ang kapalit ng pagbubungkal ng lupa. O kung minsan, kultura. Upang makatakas sa pag-a-ala-kugon ng Maynila, napagpasiyahan kong bumiyahe nang maaga pauwi sa probinsiya noong Huwebes Santo. Ngunit naabutan pa rin ako ng pagputok ng umaga bago nakasakay, dahil sa ragasa ng mga pasahero sa Cubao na biyaheng Lingayen at Dagupan. Ang mga nabanggit ay ilan lang sa mga ruta na bumabagtas sa aming bayan sa Tarlac, ang probinsiya kung saan itinatayo ang New Clark City, ang sinasabing magiging bagong sentro ng kalakaran sa labas ng Maynila at pagdadausan ng Southeast Asian Games ngayong 2019. “Back-up city” kung ito'y tawagin. Dahil sa mga konstruksiyon, sinasabing nanganganib mabura ang mga sakahan at lupain (ancestral lands) – sa kabuuan, kultura at tirahan – ng mga katutubong Aeta sa mapa ng Capas.

Hindi naman maitatangi ang mga panganib na dala ng mga land developer sa kabuhayan ng mga magsasaka. Dahil sa pag-convert nila sa mga lupang sakahan bilang mga komersiyal na espasyo at subdibisyon, nawawalan ng masaganang lupang mapagtatamnan. Saan na lang pupulutin ang mga obrero o manggagawa sa bukid na umaasa lang sa pakikisaka?

Ngunit hindi pa riyan natatapos ang kalbaryo ng iba pang mga magsasaka.

Sa social media kamakailan, nalitratuhang ipinapamudmod ang mga sobra-sobrang mangga sa isang bayan sa Ilocos Sur. Kaysa mabulok at patusin pa ng mga kapitalista, minabuting ipahingi na lang daw ang mga ito. Mabuti naman, ang sabi ng ilan sa comment section. Tagtuyot ang sinabing dahilan ng pagdami ng supply ng mangga sa merkado.

Naibalita rin ang pagkalugi ng mga maggugulay sa mga bulubunduking sakahan sa Benguet, dahil sa oversupply. Naibalita rin ang pagkalugi ng maraming magsisibuyas sa mga sibuyasan sa Nueva Ecija. Napilitan ang mga magsisibuyas na magbagsak-presyo, dahil sa sapilitang pagsasara ng mga sinasabing cold storage facility doon. Sinasabing lumuluha na raw ang mga magsisibuyas dahil literal na raw na nakakaiyak ang sibuyas sa Pilipinas – hindi na kailangang gayatin pa para may tumangis. Hindi rin nalalayo ang naging hinaing ng isang netizen sa social media matapos itong mag-post ng larawan ng sandamakmak na kalabasa, na inilako niya sa pinakamurang halaga: 6 pesos per kilo!


Pagdating naman sa pagpapalay, dismayadong-dismayado ang mga maliliit na magsasaka o may-ari ng mga maliliit na lupang sakahan sa murang presyo ng palay. Sa Nueva Ecija, ang Palabigasan ng Pilipinas, bumagsak na sa 7 pesos per kilo ang farmgate price (ang presyo ng produkto na direktang nabibili mula sa producer) ng palay.

Sa nilagdaang Rice Tarification Law, tinatanggal ng batas ang restriksiyon sa importasyon ng bigas, na inaasahang magpapataas sa supply ng bigas at magpapababa naman sa presyo nito. Sa batas, papatawan ng tariff (buwis para sa mga import) ang mga angkat na bigas. Ang malilikom na buwis ay sinasabing para sa kapakanan din ng mga magsasaka.

Ngayong liberalisado na ang lokal na merkado ng bigas, aarangkada ang pagpasok ng mga angkat na bigas kung kaya't sinasabing magkakaroon ng masidhing kompetisyon. Paano na lang ang lokal na industriya ng bigas? Ang mga lokal na magsasaka ng bigas? Maaaring malugi ang maliliit na magsasaka o may-ari ng mga maliliit na lupang sakahan sapagkat mapipilitan silang ipagbili ang kanilang mga ani nang mas mura. Nangangamba rin ang ilan na baka makapasok sa bansa ang mga bigas na may mababang kalidad. Kung iisiping maigi, mayaman ang lupa ng Pilipinas, ngunit bakit nag-aangat pa rin tayo ng bigas?

Kahit ngayong madali nang gawin ang mga bagay-bagay, mayroon pa ring paghihirap ang – at pahirap sa – mga magsasaka.  

1
$ 0.00
Avatar for Ligaya19
3 years ago

Comments