Alam ko lahat ng tao ay may kanya-kanyang nakatagong sikreto na di nila masabi kahit na kanino. May sarili tayong mga dahilan kung bakit hindi natin naiopen up ito sa iba o kahit sa mga partner natin. Sa totoo lang marami ako nito. Pero di ko masabi sa iba dahil sa takot na di nila ako matanggap o maging dahilan yun para masira ang masayang pamilya na meron ako ngayon. Ito ay nagsimula noong 17 years old ako,going 18 to be exact. Nagkaroon ako ng kasintahan na mas matanda sakin ng apat na taon. Akala ko noon sya na talaga at kami na talaga para sa isa't-isa. Naniwala ako sa forever dahil sa kaignorantehan ko. Naibigay ko sa kanya lahat-lahat,pati pagkababae ko. Oo,nabuntis ako. Nung nalaman nya yun nung una ayaw niyang tanggapin. Pati pamilya niya ay kontra samin dahil napakabata ko pa raw. Gusto nila ipalaglag ang bata sa sinapupunan ko. Di ko alam gagawin ko noon. Takot na takot ako. Dahil dito napilitan akong aminin sa ate ko ang totoong kalagayan ko. Hindi kasi kami magkasama. Namumuhay ako sa sarili kong sikap. Pinag-aral ko sarili ko at nagtrabaho ako para buhayin ang sarili ko dahil yun lang ang paraan para magawa ko lahat ng gusto ko. Well,dahil sa kagagahan ko kaya naging ganun sitwasyon ko. Nang nalaman ng ate ko kalagayan ko kinausap niya yung boyfriend ko. Sinabi na kung di nia ako papanagutan ay ayos lang basta wag ko lang ilalaglag yung bata. Nakonsensya naman ang boyfriend ko at sa huli pinanagugutan niya ako. Nagsama kami at kahit saan sya pumunta ay kasama niya ako. Subalit may mga pangyayari talagang hindi maiiwasan. Mga dahilang naging hudyat ng di namin pagkakaunawaan. Hindi pagkakaunawaang naging dahilan ng aming hiwalayan. Sa dalawang taon ng aming pagsasama may mga masaya pero maraming mas malungkot at di pagkakaunawaan. Lagi kaming nag-aaway at sa buong dalawang taon ng pagsasama namin hindi ko nakuha ang loob mg kanyang mga kamag-anak. At dahil na rin sa batang isip pa ako. Or sa mura kong edad naranasan ko ang pinakamasakit at pinakamasaklap na pangyayari sa aking buhay. At yun ay nung ilayo nia sakin ang aming anak. Itinakas nia ang anak namin na halos ikabaliw ko ng todo. Pano ko hahabulin ang anak ko na ipinadala na niya sa malayong ibayo? Sa napakalayong lugar na di ko pa napupuntahan at di niya pa ko dinala kahit kailan? Baldeng luha ang aking iniyak. Napakaraming gabi na di ako makatulog kakaisip sa aking anak. Ngunit wala na akong magagawa. Nangyari na ang lahat. Isang masakit na alala na lang ngayon ang lahat. Ngayon sa edad na 32 ay di ko pa rin sya nakikita. Alam ko malaki na sya. Kahit larawan niya ay wala ako. At kaya ko nasabing isa itong sikreto sapagkat hindi ito alam ng pamilya ng kinakasama ko ngayon. Although,yes alam ito ng partner ko. Sinabi ko sa kanya ang lahat ng tungkol dito. Ngunit itinago namin ito sa pamilya niya dahil sa takot na hindi nila ako tanggapin. Dahil sa una pa lang ay ayaw na nila sakin. Hindi sa kung ano pa mang dahilan kundi hindi lang nila matanggap na ang kanilang paboritong anak ay mag-aasawa agad at sakin pa na broken family ang pinagmulan. Buo kasi ang pamilya nila. Masaya at united ang lahat. Di katulad ko na sarili ko lang ang bumuhay at nagpalaki sakin. Ni hindi namin kaclose ng ate ko ang mga kamag anak namin. Sino ba kasi ang gugustuhing makipagclose sa mga kamag anak na matapobre? Yung mga kamag anak mo na imbes na suportahan ka e ilulugmok ka pa? Imbes na makaclose ka e lalo pa silang dumidistansya? Dahil lang mahirap ka at sila ay may kaya? E di wow! Sila na! Kaya nabuhay kami ng ate ko na sarili lang namin ang iniintindi. Na di kami umasa kahit kanino man. At I hope you won't jugde me pero at least nabuhay kaming marangal kahit sa ganung sitwasyon namin. And I'm proud of it! Pero ang nakaraan ko na yun ang tangi kong kinatatakutan. Maraming tanong pa rin ang nasa aking isipan. Paano kung isang araw hanapin niya ako? Paano isang araw kung magpakita sya samin at malaman ng pamilya ng kinakasama ko? Higit tatlong taon na kaming nagsasama. At magdadalawa na rin ang aming anak sa ngayon. Lahat ng paraan ginagawa ko para lang maging okay ako sa pamilya niya. Para tanggapin na nila ako ng tuluyan. Alang-alang man lang sa mga anak namin. Kaya ang biglang pagsulpot niya ang tangi kong kinatatakutan. Samu't-saring pakiramdam ang aking nararamdaman. Pangamba,takot at konting saya. Oo,may konting saya kasi sa haba mg panahon o tagal ng panahon ay makikita ko ulit siya. Masisilayan ko ulit ang isang batang naging parte ng aking buhay. Ang batang naging unang supling at nagmula sa akin. Ngunit sana kung mangyari man ang bagay na aking pinakakinatatakutan ay handa na akong ito ay harapin. Sana wala na ng takot. At tanging saya na lang ang aking maramdaman. Yung maraming sana ay maging okay na...
0
22
Written by
Krizzy
Krizzy
4 years ago
Written by
Krizzy
Krizzy
4 years ago