Tu eras, y todavía lo eres [1887]
Tanging buwan lamang ang saksi sa aking lungkot at pangungulila. Saksi ang mga kuwento na isinulat ng mga patak ng luha na sa rami ay bumuo ng isang libro ng mga panaghoy sa hatinggabi. Tangan ang iyong mga liham, mga naiwang alaala sa masasaya nating nakaraan na tanging mga aklat lamang sa librerya ang saksi. Tahimik ngunit tiyak at tunay.
Ang wika ng aking ina ay lumabas naman daw ako. Lalo akong malulugmok sa lungkot kung ikukulong ko lamang ang aking sarili sa aking silid. Limutin ko na rin daw ang heneral at buksan kong muli ang aking puso para sa ibang binata sa bayang ito. Marahil tama nga ang aking ina.
Kinabukasan, binuksan ko ang aking aparador at namili ng Traje de Mestiza na aking isusuot para sa aking paglalamyerda mamayang hapon. Pinili ko ang aking camisa at saya na yari sa isang tela na hinabi gamit ang sinulid na gawa sa pinya. Tinernuhan ito ng panuelo at tapis na magkagaya ang kulay. Iniayos ang aking buhok gamit ang aking payneta at fantoches.
Tangan ang aking abanico, naglakad-lakad kami ng aking ina sa plaza malapit sa munisipyo kung saan nagsimula ang lahat. Bawat paspas ng pamaypay ay marahan, ipakita sa kabinataan na sila'y walang puwang. Tila ay hindi pa nga ako handang magmahal muli, nais lunurin ang pusong puno ng pighati, hanggang sa dumating ang araw na mamanhid yaring puso at masambit, sayo'y walang katumbas itong pag-ibig.
Pakiramdam ko ay unti-unting lumalabo ang aking paningin, alaala'y nanunumbalik sa aking isip. Mga luha sa aking mga mata ay nangingilid. Tila ito'y isang balon na pinagpala ng engkantado ng elementong tubig, malapit na itong mapuno at nagbabadyang umawas sa dalawang bolang sinulid. Dali-daling kinuha ko ang aking panyo upang pahirin ang luhang malapit nang pumatak ngunit nahulog iyon sa lupa. Dahan-dahan akong pupulutin sana, ngunit may nauna na.
Alonzo, ako ba ay nananaginip lamang?
Hinawakan mo ang aking kamay at inalalayan akong tumayo. Muli ay naramdaman ko na naman ang pagbagal ng bawat minuto, malakas ang pintig ng aking dibdib na tila may kampanang nag-iingay at dumagagundong sa loob nito. Ang mga luha na kanina pa ay iniingatan ko gaya ng isang babasaging bagay ay walang pasubaling pumatak sa lupa. Papawiin mo na sana iyon ng iyong palad nang...
"Por dios santo, Kristina! Bumitaw ka sa lalakeng iyan. Kalapastanganan ang inyong ginagawa!" Ang halos pasigaw na sambit ng aking ina.
"Ipagpaumanhin po ninyo, Senyora. Tinulungan ko lamang po ang Senyorita," ang sagot ni Alonzo. "Pauwi na po ba kayo? Ihahatid ko na po kayo, kung inyong mamarapatin."
"Bueno. Hindi na heneral, nuestra casa está cerca de aquí (Malapit na lamang naman dito ang aming bahay)." Taas-kilay na sambit ng aking ina. "Bamos (Halika na), Kristina. Maga-alas-sais na. Hindi kaaya-aya sa isang soltera (dalaga) na katulad mo ang inaabot ng gabi sa kalye."
Nagpatuloy na kami sa paglalakad pauwi. Walang pagsidlan ang saya na aking nararamdaman. Hindi ko inaakala na muli ay magkikita pa tayong dalawa. Wari'y ang temperatura ng kapaligiran ay uminit na bigla, kinuha ang abanico at mabilis na namaypay.
"Saka ka na mamaypay ng ganyan, mi (aking) Kristina. Kapag natatanaw na iyan ng iyong irog na heneral." panunuksong sambit aking ina.
Ngumiti ako ng bahagya, tinakpan ng aking abanico ang mumunti kong tawa at ipinagpatuloy ang aking mabilis na pagpaypay. Tu eras, y todavía lo eres (Ikaw noon, at hanggang ngayon.)
Cómo estás, Ginoo/Binibini?
Nalulugod ang aking puso sapagka't nakarating ka sa parteng ito. Salamat sa iyong oras at sa pagdalaw sa aking munting sanaysay. Halina't maghuntahan tayo sa ibabang parte ng pahinang ito, nais kong marinig ang inyong mga saloobin.
Adiós, mi amigo/amiga.