Nasaan ka na, Heneral? [1887]

0 45
Avatar for KirstenCassandra
2 years ago (Last updated: 1 year ago)

Tila huminto ang kamay ng orasan nang marinig ko ang pamilyar na tinig na iyon na tumawag sa aking pangalan. Tila isang musika ito sa aking pandinig. Wari'y tinig ng isang anghel na inihehele ang aking pagal na puso. Malakas ang tinig na iyon ngunit mababatid mong puno pa 'rin ito ng pagmamahal. Sadyang napakalambing ng binatang ito.

Lilingunin ko na sana ito nang biglang humarang sa pagitan namin ang mga guardiya sibil na inutusan ng aking amang alcalde mayor upang ako ay ihatid. Hinawakan ng utusan ang aking kamay at niyaya na akong maglakad patungo sa sakayan patungong maynila.

Naririnig kong nagpupumiglas pa 'rin ang binata sa aking likuran at patuloy na isinisigaw ang aking pangalan. Hindi ko na napigilan ang bawat luha ng paghihinagpis na kanina pa ay gustong kumawala sa aking mga mata. Bawat hakbang ng aking mga mata ay siyang tulo ng aking mga luha.

Sumakay na ako sa nakatalagang kalesa na maghahatid sa aking paroroonan. Baon ang aking pagkabigo sa pag-ibig na ngayon ko lamang naramdaman. Nais kong bumalik at harapin siya ngunit natatakot ako na baka hindi ko na mapigilan ang aking nararamdaman at lubusan akong mahulog sa kaniya. Ngunit tila huli na ang lahat, tuluyan na akong nahulog sa batang heneral.

Dapat ko na siyang limutin dahil marahil ay malilimot na 'rin niya ako. Makisig siya, gwapo, matipuno, maginoo at matalino. Marami siyang makikilalang mas magaganda pa'ng mga babae sa kaniyang bawat destino na higit sa tulad kong manunulat lamang na nakatanikala sa aking papel at pluma.

Makalipas ang sampung taon, narito ako sa aking silid. Nakatunghay sa aking mga equipaje na dadalhin ko sa pag-uwi sa aming probinsya. Taglay ko ang pag-aalala na muli kong makikita ang tinatangi kong heneral. Natatakot na kung sakaling makita ko siyang may kasamang hermosa mojer ay tumangis ako sa kanyang harapan o kaya ang lalong malubha ay malaman na ito ay kaniya nang esposa. Panginoon ko, huwag na sanang mag-krus pa ang aming landas.

Tumindig na ako at gumayak na. Isinuot ang aking corpiño at enaguas. Isinunod ang aking camisa, panuelo at saya na pawang puti ang kulay. Panghuli ay inilagay ang tapis na kasing kulay ng maputlang lila.

Dumating na ang karwahe. Isinakay na ang aking mga equipaje at humayo na patungo sa aming bayan. Habang naglalakbay ay napansin kong gaya pa 'rin ng dati ang lugar na ito. May kakaunting pagbabago dahil sa mga bagong gusali ngunit ang mga tao na naninirahan ay ganoon pa 'rin.

Nang makarating na ako sa aming tahanan ay agad akong sinalubong ng aking ina at niyaya akong uminom ng inihanda niyang tsokolate sa may lamesita sa tabi ng bintanang kapis. Sabik siya sa aking mga kuwento sapagka't ngayon lamang ako umuwi makalipas ang sampung taon.

Sa aming pag-uusap ay nabanggit niya ang heneral. Matagal na raw itong wala rito at hindi na ito umuwi pa noong nilisan ko ang bayan na ito. Iniabot ng aking ina sa akin ang isang kahon na puno ng mga sulat ng heneral sa akin. Naka-selyo ang lahat ng ito na wari'y hinihintay akong bumalik upang sila'y basahin.

Palagi pa 'rin raw nag-iipit ang heneral ng mga sulat niya para sa akin sa lumang libro sa librerya ng munisipyo. Dinala lamang raw ito ng aking kaibigang si Tessie na siyang tagapamahala na ng librerya, sa aming bahay sapagka't napupuno na ang estantería ng mga sulat ng heneral para sa akin. Ngunit makalipas ang limang taon ay tumigil na ito sa pagsulat. Tila napagod na siyang sumulat sa isang dilag na wala nang pag-asang magbalik.

Hinayaan muna ako ng aking ina na mapag-isa upang ako ay makapagmuni-muni. Kinuha ko ang pinaka-ibabaw sa nakasalansan na mga sulat at dahan-dahan at maingat na sinira ang pagkakaselyo nito. Buong akala ko ay ako'y nakalimot na pagkatapos ng sampung taon ngunit nanariwang muli sa aking puso ang pighati na aking ikinukubli. Nakasaad sa sulat na siya ay naghihinagpis rin sa aking biglang pagkawala dahil iniibig rin niya ako.

Nasaan ka na kaya ngayon, aking Alonzo? Nasaan na ang dating ikaw at ako? Nasaan na ang mga panahong tayo ay masaya pa at kuntento kahit sa sulat lamang tayo nag-uusap? Nasaan ka, dati kong Alonzo?

Tila nakikiisa ang langit sa aking kalungkutan. Ang kanina lamang na maliwanag na kalangitan ay nabalutan ng madidilim na ulap at ibinuhos ang malalaking patak ng ulan na sinabayan ng nagngangalit na kulog at kidlat na noo'y aking tinatakasan. Ngunit ngayon, incluso si me golpean, ya no me importa.

Kasunod:

Tu eras, y todavía lo eres [1887]

3
$ 0.10
$ 0.10 from @alykavinsky
Sponsors of KirstenCassandra
empty
empty
empty
Avatar for KirstenCassandra
2 years ago (Last updated: 1 year ago)

Comments