Mi Corazón Es Para Ti [1887]
Akin pa'ng nagugunita ang mga araw na lumipas. Panahon iyon ng taglagas na'ng ako ay nasa librerya sa itaas ng bulwagan ng munisipyo. Mapayapang nakaupo sa isang lamesita na malapit sa bintanang kapis at malayang tinatanaw ang mga dahon na tila ginto na nangagsipangalat sa lansangan. Iniisip ang bawat letra at senaryo na maaari kong ilagay sa aking sinusulat na libro na wari'y nangabulok na sa tagal sapagka't ako'y tila hinihila ng aking pagkabalam at palaging ipinagpapabukas ang lahat ng mga bagay.
Ako'y buhay ngunit tila namatay na ng matagal na panahon. Hinihintay na lamang na maayos ang aking himlayan at tuluyang mailibing sa takdang panahon; tila nabaldado at nawalan na nang pagkagusto sa mga bagay na aking nakahihiligan noon; at isa na lamang makinarya na gumagawa ng paulit-ulit na gawain hanggang sa lumipas ang mga araw.
Sa aking pagkabagot ay tumayo ako, naglakad at sinuyod ang istante ng mga aklat. Napukaw ng aking atensyon ang isang lumang libro. Nagagapok na ang pabalat nito marahil sa luma na at marami nang napagdaanang masasakit na nakaraan, ngunit makikitang buo pa 'rin ang bawat letra sa loob nito. Kinuha ko ito at dinala sa lamesitang aking kinauupuan kanina lamang. Buong ingat ko'ng binuklat ang nagdidikit-dikit na'ng mga pahina nito at akin itong binasa.
Sa tingin ko ay isa itong librong komentaryo na maraming mga tao ang nagbibigay ng opinyon sa mga bagay sa ating lipunan. Ang ilan rito ay makabuluhan at ang iba ay mga salitang wala namang laman. Naisipan kong isulat rin ang aking saloobin ngunit sa kapirasong papel lamang. Nais kong mahulog ito at matagpuan ng sinumang taong nangangailangan nito. Hindi ko alam kung mapapabilang ba ito sa makabuluhang bahagi o sa kabilang banda.
"Life is tough but you are tougher" - Kristina
Inilakip ko ito sa ika-walumpu't walong pahina ng aklat at binalik ko sa istante kung saan ito napapabilang; iniayos ko ang aking mga gamit at nagpasya nang umuwi sapagka't ilang minuto na lamang ay ipipinid at ikakandado na ang pinto ng silid na ito.
Panibagong araw. Panibagong pagkabalam na naman sa isang binibining katulad ko. Umupo ako sa aking paboritong likmuan sa tabi ng bintana. Iniwan rito ang aking mga dala-dalahan at naglakad muli sa istante ng mga libro. Naghahanap ng mga bagay na maaaring magbigay sa akin ng inspirasyon. Napadaan akong muli sa aklat na aking tinangan kahapon. Nakita kong nakalabas ang bahagi ng kapirasong papel na inilagay ko sa libro; kinuha ko ito at nakitang may sumulat sa likod niyon.
"Maraming salamat rito, hindi mo alam kung gaano kalaking epekto ang naidudulot ng isang simpleng sulat na ito."
Tila ako'y kinilig sa aking nabasa. Hindi ko batid na sa aking simpleng sulat na iyon ay makapaghahatid ako sa isang tao ng pag-asa para magpatuloy sa masaligutgot na mundong ito.
Simula ng araw na iyon ay pirme na kaming nag-uusap ni Alonzo sa pamamagitan ng sulat na inilalakip sa lumang librong iyon. Siya ay isang binatang buhat sa kabilang bayan na isang beses lamang sa isang linggo kung pumunta rito. Hindi ko pa nasisilayan ang kanyang wangis ngunit komportable na ako at nasisiyahan na makipag-usap sa kanya. Hanggang isang araw, nagpasya kaming magkita.
"Magtutungo ako rito sa araw ng Linggo. Kung maaari sana ay magkita tayo dito mismo sa librerya. Hihintayin kita, Kristina."
Dumating na ang araw. Ako'y kinakabahan sa aming pagkikita. Isinuot ko ang paborito kong saya at camisa na naaakma sa aking pañuelo na ilalagay ko sa aking balikat bilang alampay na kulay maputlang lila na aking tinatanging kulay. Kinuha ko ang aking abaniko at naglakad patungo sa librerya ng munisipyo.
Tila nais kumawala ng aking puso habang hinihila ako ng aking mga paa papalapit sa lugar na iyon. Pumasok ako sa silid-aklatan at nasumpungan ang maraming tao; ngunit hindi ako nagpatinag. Naglakad ako sa gilid ng istante ng mga libro at nang mapansin ng aking mata ang isang binatang nakatingin sa akin, nakasuot ito ng terno at kurbata; ibinaba niya ang kaniyang sumbrero sa kanyang dibdib.
Tila may sariling lengwahe ang aming mga mata ng mga panahon na iyon at bumubuo ng isang mahabang pagsasalitaan. Walang mga salitang namumutawi sa aming mga labi ngunit amin nang nalalaman ang sinasabi ng aming mga puso.
Mananatiling sa iyo ang aking puso.
"Nagustuhan mo ba, Tenten?" Ang tanong ko sa aking apo. Hindi na ito sumagot dahil nakatulog na ito sa aking kandungan.
"Maaari ba'ng ako naman ang iyong patulugin, mahal kong Kristina?" Nakangiting sabi ni Alonzo.
Wow! I am speechless. I just love the story. Napakasarap basahin habang nagninilaynilay..parang sarap bumalik sa nakaraan at hagkan ang ganda ng bawat kahapon.💌