Itinatangi Kita, Alonzo [1887]
Mahal kong Alonzo,
Hindi ko batid kung nararapat ba ang panimulang ito sa pagsulat ko ng liham na ito para sa iyo. Mahal na nga ba kita o ako'y tila nabubulagan lamang sa pansin na iyong ibinibigay? Mahal na nga ba kita o namamangha lamang ako sapagka't eksakto ang iyong mga katangian sa mga isinusulat kong mga katha, na tila lumabas ka mula sa aking mga iniakda upang ipadama sa akin na hindi lamang sa mga libro matatagpuan ang isang pangarap na katulad mo.
Ako ay naguguluhan. Natatakot sa maaaring patunguhan ng aking pakikipag-kaibigan sa iyo. Natatakot na baka tuluyang mahulog ang loob ko sa iyo gayong hindi naman ako tiyak kung kapareho rin ba nito ang nararamdaman mo.
Sinubukan kong lumayo. Sinubukan kong ingatan ang aking babasaging puso, ngunit hindi ko maintindihan, ang direksyon ko ay laging patungo sa iyo. Papalapit sa halip na papalayo. Dito ko lubos na napatunayan, hangal nga talaga ako pagdating sa direksyon. Hangal nga ba'ng tunay o natagpuan ko na ang aking tahanan?
Tahanan. Ano nga ba ang pakahulugan ng salitang iyon? Sabi nila, ito raw ay lugar kung saan maaari kang maging totoo, maging komportable at maaari mo'ng ipakita ang iyong sarili nang walang pagbabalat-kayo. Tanging uuwian at babalikan mo, gaano man kalayo ang iyong marating. Magpapa "tahan" sa iyo sa anumang luha at hinagpis na nararanasan mo. Lahat ng ito ay nararamdaman ko kapag ikaw ang kausap ko. Marahil ikaw nga ang tahanan ko.
Sa pagpapalitan pa lamang natin ng sulat ay naibahagi ko na sa iyo ang aking buhay. Kung ano ang ginagawa ko sa araw-araw, ang aking mga hilig at kinasusuyaan. Kung paano ako umibig at nasaktan sa lahat ng aking minahal, at hindi ka rin nagdalawang-isip na ibahagi rin sa akin ang sa iyo.
Nang una kong nasilayan ang iyong wangis sa librerya sa itaas na silid ng munisipyo, lubos ang ligaya ng aking puso. Buo na ang aking loob na aminin sa iyo ang nilalaman ng aking puso ngunit inamin mo sa akin na isa kang heneral ng mga sundalo at nagtutungo lamang dito sa aming bayan upang kausapin ang gobernador. Ang ligaya na aking nadarama ay napalitan ng lungkot.
Isa kang sundalo. Isang batang heneral. Makisig, guwapo, mabikas at matipuno. Mabait at maginoo. Sinong dilag ang hindi magkakagusto at iibig sa tulad mo? Sino ba naman ako upang maging kabiyak ng iyong puso? Ako'y isang dilag lamang na nakakulong sa bawat pahina ng isang libro. Isang pluma na walang katapusang sumusulat ng mga sanaysay na pawang kathang-isip lamang. Dilag na namumuhay sa talimuwang.
Niyaya mo ako sa Café de Lipa, ang pinakaunang kapehan dito sa Batangas. Tagarito ako ngunit hindi pa ako nakapunta roon sapagka't maraming laging tao ang nagtutungo roon, lalo na ang mga sundalong katulad mo upang makipagtagpo sa kanilang mga kasintahan. Dahil doon, agad akong tumanggi at nagdahilan na marami pa akong tatapusing manuskrito na hinihingi na sa akin ng tagapaglathala kinabukasan.
Nagpasya na ako, ito na ang una't huli nating pag-uusap. Iniiwasan ko na rin ang mapadpad sa librerya ng munisipyo. Hindi ko na rin pinagkakaabalahang kunin ang iyong mga sulat sa ating pinaglalagyan.
Lumipas ang isang buwan ngunit nasa gunita pa rin kita. Sabi ng aking kaibigang si Tessie ay araw-araw ka raw niyang nakikita sa librerya ngunit noong nakaraang linggo ay hindi ka na raw niya nakita. Marahil ay sumuko ka na na hanapin ako o ako nga ba talaga ang hinahanap mo roon? Ayokong pataasin ang aking kumpiyansa, siguro nga ay may iba ka pang katagpo roon.
Hindi ko alam kung ipapadala ko pa sa iyo ang sulat na ito, o susunugin ko nalang sa apoy kasama ng iba kong liham. Mga liham ng nagsusumigaw na puso, tikom bibig na isinisigaw ang pangalan mo, itinatangi kita, Alonzo.
Lihim na Nagmamahal,
Kristina
"Nakuha ko iyan sa mga susunuging liham ni Kristina, iyan ang nasa pinakaunang liham sa pagkakasalansan. Wari ko'y iyan ang pinakahuli niyang sulat," ani Tessie.
"Nasaan siya? Nasaan si Kristina?" Natatarantang sabi ni Alonzo.
"Ang alam ko ay patungo na siya sa istasyon patungo sa maynila upang doon na mamalagi," ang sagot ni Tessie.
Agad na sumakay si Alonzo sa kaniyang kalesa at mabilis itong pinatakbo upang habulin ang dalaga. Nang makarating na siya sa istasyon ay isang pamilyar na wangis ng nakatalikod na dalaga ang humila sa kaniyang paningin. Sigurado siyang ito ang dilag na kaniyang hinahanap.
"Kristina!" sigaw ni Alonzo.
Tumigil ang dilag sa kaniyang paglalakad. Nilingon niya ang pinagmumulan ng tinig na iyon na tila musika sa kaniyang pandinig. Wari'y tumigil ang oras para sa kanilang dalawa kahit patuloy ang pag-ikot ng kanilang mundo.
Napakatamis ngunti malungkot ang iyong lihan binibini. Nanumbalik ang ilang mga ala-ala sa aking tanaw dahil sa liham mong ito. Hihi mahusay ang pagkaka likha. Dumugo ang aking ilong 😅