(Sa mundong pinapatakbo ng salapi at katanyagan marahil katulad ko ay nalilito ka rin kung sino nga ba ang totoo at nagpapakatao, marahil nawalan ka na rin ng interes sa kung papaano tumatakbo ang sistema sa ating bansa, nakatitiyak ako gulong gulo ka na rin sa paulit ulit na tanung katulad ng sino at kung anu anu. Sana makatulong ang tula kong ito sa pagbubukas ng ibang dimensyon ng katotohanang tanging sarili mo lamang ang makakatuklas. Makabuluhang pagbabasa kapatid!)
..
..
Napapaisip ako
Kung tama ba itong gagawin ko
Matapos ang anim na taon
Ngayon ko nanaman naramdaman ang kakaibang pagkalitong tulad nito
Oo, nalilito ang puso pati na ang isip ko
Mabuksan nga ang radyo
baka mas maliwanagan ako
..
..
(Sa radyo:)
Mga tinig dito’y umaalingawngaw
Mga awit na paulit ulit
Tumatatak sa aking isipan
Alin ba rito talaga ang lirikong makatotohanan?
..
..
Hays! Sana naman
Huwag nyong gawing drama serye
Ang kinabukasan ng ating lipunan
Huwag nyong linlangin ang taong bayan
Gamit ang mala anghel nyong tinig
At pagkukunwaring nasa bibig nyo ang maraming pamamaraan
..
..
Masalimuot mang isipin
Na sa tulad kong mahirap ay tanging ito lang ang mga kasangkapang mayroon ako
Ngunit kung ang mga laman nito ay puro pangmamanipula rin ninyo
Ay malamang na wala na nga akong kalayaang
Malaman ang katotohanan at mabigyan ng pagkakataong pumili ng tama
At naaayon sa sariling pamantayan ko
..
..
Nakita ko si ina
Ayon sa aming sala
Nanunuod ng telebisyon
Wiling wili sa palabas roon
..
..
Lumapit ako at panandaliang nawala sa isip ko ang kaninang pagkalito
Ang eksena rito’y
Pag aalsa,
May mga taong nakikibaka
Sobra na! Tama na! Palitan na! Sigaw nila
habang hawak hawak ang mga karatulang nagpapahayag ng hirap na nararamdaman nila
..
..
Ito na marahil ang nagiging resulta ng mga estratehiya
Galing sa pangungumbinse
Istilo sa pagsasalita at kung anu anu pa
Ngayon nasaan na?
Hinahanap na ng taumbayan ang aksyon at solusyon
Sa mga pangakong binitawan mula pa noong nagdaang mga taon
..
..
Nakakayamot
Pati ba naman sa telebisyon ay pareho rin ng eksena?
Saan ko nga kaya makikita ang walang bahid na katotohanan tungkol sa kanila?
Nawawalan na ako ng pag asa
Nakakalito at parang mas makakabuting huwag na lang makialam pa
Pero paano ang aking bayan, pababayaan ko na lang ba?
..
..
Sina Aleng Maria, Pat, Alyana at Ate Rowena
Sila yung mga regular na tsismosa na lagi nang makikita sa dun sa tabing kalsada
Oo, Tsismosa na ang naging kataga sa kanila
Dahil sa pagkakalat daw ng mga kwentong galing rin lang naman sa iba
Marahil nga nagpapalaganap sila ng kwentong hindi naman makatotohanan ang ilan
Ngunit sa palagay ko’y isa lang rin silang katulad ko
Naghahanap ng kwentong
Maaaring paniwalaan at walang halong kalokohan
Malinis, makatarungan at makakatulong sa sangkatauhan
..
..
Kesyo ganito, kesyo ganyan
Gagawin daw ang lahat para sa ating bayan
Iaalay nga daw nila pati ang kanilang sariling hiram na buhay
Magaling!
Nakakamangha!
Isa kang bayani sa mga pinagsasabi mong iyan!
Ito naman kaming madaling magpadala
Parang sarangola susunod sa hangin kung saan idikta
Sa mala pelikula nyong pananalita
Ito nga ako sa wakas ay nakuha nyo na
..
..
Ngunit anu ba itong nararamdamang isa nanamang pagkalito
Nang marinig ang sintemento ng kabilang kampo
Ganito raw kayo, siraulo at kung anu anu
Nakupo! Nawawala na talaga yata ako
Hindi na alam ang paniniwalaan kung sino sa inyo
..
..
Ayon may pila ang sigaw ng iba
Pilang nagbabayad sa pagkalitong dulot nila
Kapag sumangguni ka sa mesang iyon
Na may panulat at papel
Pumirma ka na lang at tanggapin na ang katotohanan ay nanggaling sa mga nakaraang pahayag nila
May limandaan sa isa habang sa kabila naman ay maaaring higit pa o maaari din namang mas mababa depende sa kanilang naitabi sa bulsa galing sa kaban ng bayan
..
..
Palakihan ng halaga na maiaabot
Sa huli ang syang magiging labanan
Huwag kang pakasiguro sa kakampi mo ngayon
pagkat sa dulo ng pisi maaari pang sa kabilang panig ay umanib ito
Ito na nga ang kalakalan sa ating lipunan
Maaaring matalo ka pagkat hindi mo natumbasan o nalagpasan ang bayad ng kalaban
..
..
Sige na nga bilihin nyo na
Ang dignidad ko, kaluluwa pati na rin itong aking buong katauhan
Dahil ang totoo’y hindi ko rin alam
Kung sino sa inyo ang may mabuting hangad sa bayan
..
..
Habang ako ay nakapila
Doon sa may mahabang mesa
Nakita ko ang aking sarili sa salamin
Tila pagkakataon ay may nais na ipahiwatig sa akin
..
..
Natauhan ako
Ang hinahanap kong katotohanan at pagbabago ay magsisimula pala sa sarili ko
Kayat bakit ako magpapalito
Sa mga sinasabi ng aking kapwa tao
Bubuuhin ko ang sarili ko
Magiging simbolo ako ng hinahangad kong pagbabago
Ipapakita ko sa iba
Na tayo
Sila
Ako
Ang bubuo ng aydiyal na mundo
At sistema sa bansang ito
..
..
mabuhay ang Pilipino! Mabuhay Pilipinas!
Ang bayang mahal ko.
0
5
Written by
Kimpot14
Kimpot14
4 years ago
Written by
Kimpot14
Kimpot14
4 years ago