(“Pack one, Pack all” halos lagi kong naririnig sa mga barkada ko. Walang iwanan, sama sama. Kung sa bagong kasal naman ay kapares ng pangakong “Until death do us apart”. Ngunit kung ang mga bagay na ating pinakamimithi ang nakasalalay.. ‘Pack one, pack all” pa rin kaya?)
Disclaimer:Ito ay bunga lamang ng pagnanais kong maipakita na sa itaas ng ating tagumpay, kung tayo ay lilingon sa ating pinagmulan ay matatanaw nating may mga taong nangangailangan ng ating pag alalay. At kung halos handa kang gawin maging ang masasamang bagay upang marating ang pinakahahangad mong tugatog ay mag isip isip kana sapagkat ngayon palang ay nag papaalala na ako na baka sa huli ay maramdaman mong walang saysay ang iyong buhay kapatid :)
..
..
Ang daang gusto ng karamihan
Gusto ko,
Marahil gusto mo,
Maaari ding gustuhin nila kapag naaninag ang kinang nito
Ngunit anu anu nga ba ang matatagpuan doon,
kung bakit halos ang lahat ay nais na makapanhik sa tugatog nito?
..
..
Ang tanong
Makakaya ko bang sagutin ito?
Ang sagot
Oo, gamit ang kaunting kaalaman ko at base sa mga karanasan ng mga taong nakadaupang palad at nakasama ko
..
..
Kung ikaw ay isang negosyante
Tiyak na ang nasa tuktok ay ang kayamanan at katagumpayan
Sa mga bagay bagay na nagpursige sayo para ipagpatuloy ang laban ng buhay
Doon sa itaas ay may mga kumikinang na gintong pilak at mga alahas na nag uumapaw sa malaking lumang kaban.
..
Sa tuktok ding ito ay may mga nakalimbag na estratehiya kung papaano pa mapapalawak ang sakop ng iyong negosyo.
Mga tagong kaalaman
Mga sikretong iilan lamang ang makakaalam
Sa natatanging lugar na iyon sa itaas ay may mga tumpok tumpok na hiwaga na makapagbibigay sa iyo ng inspirasyon upang mas galingan at tatagan sa pagharap sa mga hamon ng buhay.
Hindi kita masisisi kung bakit gusto mong bilisan ang normal na siklo ng iyong buhay dahil nga sa nais mo nang marating agad ang lugar na iyon
..
..
Kung ikaw naman ay isang guro
At wala naman talaga sa puso mo ang pagtuturo
Sa itaas na iyon ay tiyak sa iyo nakalaan
Ang Isang milyon higit pang kabayaran sa pagtitiis mo na sa araw araw ay makulong sa loob ng impyernong paaralan
Mayroon din doong mga regalo galing sa mga estudyante mong naturuan ng pamumuhay ng hindi marangal at hindi patas sa kapwa na pareho lang din namang nakikipagsapalaran
Mayroon din doong parang silid aklatan na imbes libro ang laman ay hindi sapagkat pag hinawi mo ang pansara doon ay matatagpuan ang salansan ng pera na sa bawat pagbuklat mo ay hahalimuyak ang samyo.
Yun na nga ang simbolo ng tagumpay mo. Marahil saludo ang dyablo kapag narating mo na ang destinasyon na ito.
..
..
Kung ikaw naman ay isang politiko
Sa taas naroroon ang pagkapanalo
Numero uno! Pangalan mo ang nakalilok sigurado.
Yung mga perang nagasta mo ring pambayad sa mga kunwa’y sumusuporta sayo ay naroroon din hindi lang dinoble, hindi rin triple dahil sobra pa ito sa perang kaya mong bilangin gamitin mo pa ang tatlong daan animnaput limang araw ng buhay mo
Oo, ang lugar na ito ang magbibigay sa iyo ng tagumpay na pinakahahangad mo
..
..
Ngunit sa simpleng taong tulad ko
Ng marating ko ang tuktok ng destinasyon ko
natagpuan ko ang mga magagarang damit doon.
Mga masasarap na pagkain na hindi maubos ubos
Mga sasakyan dati napapanuod ko lang sa telebisyon
Ngunit sa lahat ng luhong nakamit kong iyon, nang lumingon ako sa ibaba at nakita ko ang dakong paroon sa bayan kong naghihikahos
Sa kapwa kong hindi alam kong paano sisimulan ang pag akyat
Sa mga batang inaaapi at tinatanggalan ng kalayaan
Sa mga isinilang na bulag at pilay sa kanilang sariling karapatan.
..
Napagtanto ko
Na sa kabila ng tuktok na inaasam asam ko
Doon pala sa ibaba ay mas kailangan ako ng kapwa ko.
0
10