Wag kang uuwi ng 3am

0 2
Avatar for Karen
Written by
4 years ago

Abala ako sa pagtitipa sa kompyuter na nasa aking harapan nang bigla akong makarinig ng isang malakas na kalabog. Agad akong napatigil sa aking ginagawa't napalingon kung saan ko narinig ang bagay na 'yon. Biglang lumakas ang tibok ng aking puso nang mapagtanto kong ako nalang pala tao dito sa opisina.

Ibinalik ko ang aking atensyon sa pagtitipa at ipinipilit na makapagpokus dito. Ngunit dahil sa matinding kaba, ay kung ano-anong mga bagay ang umiikot sa aking isipan. Paano kung may multo dito o kaya magnanakaw?! Tapos papatayin niya ako't gagahasain!

No way! Sobrang dami ko pang pangarap sa buhay, magpapakasal pa kami ng crush ko no! Napailing-iling nalang ako sa mga iniisip ko. Ako lamang ang nananakot sa aking sarili.

"Siguro antok lang 'to, oo antok lang 'to Shane okay," pangungumbinsi ko sa aking sarili, kung may kasama lang talaga ako ngayon ay paniguradong pag-iisipan ako no'n na nababaliw na ako.

"BULAGA!" Napapitlag ako't halos bumaliktad ang upuan na aking kinalalagyan nang gulatin ako ng dalawa kong kaibigan na kasama ko din sa trabaho.

"Awoooo shane, HAHAHAHAHA!" giit pa ni James. Tuwang-tuwa ang dalawa na animo'y wala ng bukas, napahalukipkip na lamang ako. "Ano masaya na kayo? Tsk."

"Sorry na, natakot ka ba namin Shane pfft?" nagpipigil ng tawa na saad ni Andrea. Itong magjowa na 'to kung 'di ko lang talaga 'to kaibigan ibibitin ko sila patiwarik.

"Obvious ba? Akala ko wala na kayo, sobra akong kinabahan kasi akala ko may ibang tao dito ta's kayo lang pala. Naabala pa tuloy ang pagtatrabaho ko," naiinis na usal ko. Nilapitan naman ako ng dalawa habang patuloy pa din sa pagtawa, napairap na lamang ako. Umupo sila sa tabi ko.

"Ohh ba't nandito pa kayo?" masungit na saad ko. Tumigil sila sa pagtawa't naging seryoso ang kanilang mga mukha, dahil doon ay napakunot ako ng noo.

"Ohh anong mga mukha 'yan?" nagtatakang tanong ko sa kanilang dalawa, tumikhim si James at siniko si Andrea. "Ikaw na magk'wento kay Shane."

"Hala, ba't ako? Ikaw nalang!" nagrereklamong saad ni Andrea kay James. "Hindi ikaw nalang, ikaw ang mas nakakaalam." pagbabalik ni James kay Andrea. "Ba't ako--"

"Ano ba? Sino ba talaga? Ano ba kasi 'yon?" naiinis kong saad sa kanila. Malakas na napabuntong hininga si Andrea, "Sige na ako na ang magkuk'wento."

"Nabalitaan mo na ba yung nangyari do'n sa babaeng kasama natin noon sa trabaho?" panimula nito. Umiling ako, "Sino?"

"Si Krystal, yung laging late umuwi kagaya mo," singit naman bigla ni James. Napakunot ako ng noo, "Ohh anong mayro'n kay Krystal?"

"Namatay siya noong nakaraan lang." Nanlaki ang aking mga mata sa narinig. "A-Ano? Ba't anong nangyari?" nanghihinayang na saad ko. Napakabata pa ni Krystal at sa katunayan ay naging close ko din 'to sa maikling panahon na aming pagkakasama sa trabaho. Nailipat lang siya dahil napromote ito sa mas mataas na posisyon sa amin. Deserved naman ito ni Krystal dahil sobrang sipag nito sa trabaho.

"Ang sabi sa amin ng mga kasama natin sa trabaho, natagpuang patay si Krystal sa kaniyang bahay. Wakwak ang katawan nito, at nawawala ang mga iilang parte ng katawan niya. Kagaya na lamang ng dila, mata, tenga at lamang loob nito. Hindi malaman ng mga pulis ang tunay na nangyari sapagkat walang bakas kung sino ang kasuklam-suklam na gumawa nito sakaniya. Ngunit nang magpunta kami sa bahay nila Krystal, napag-alaman namin sa iilang kapitbahay nito na hindi daw tao ang gumawa nito sa kaniya." Tumigil sa pagkuk'wento si Andrea upang magpahinga ng ilang segundo.

"Ha? Sino namang gagawa sa kaniya no'n?" nagtatakang tanong ko, ngumiti ng nakakaloko si Andrea at napatingin kay James.

"Iyon ang hindi namin alam, hindi din nila matukoy kung ano 'yon. Ang tanging alam lang nila hindi 'yon tao. May nagsasabing may nakakita na no'n sa nilalang na 'yon. Ito'y isang babae na hindi pangkaraniwan. Mayroon itong malaki at bilugang mata, mahaba't gusot na buhok kaya natatabunan nito ang mukha nito at malakahoy na katawan na walang saplot. Mahilig itong magmasid sa kapaligiran at minsa'y nag-aanyong tao lamang ito upang makahanap ng mabibiktima," mahabang salaysayin ni Andrea. Hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko, tila umatras ang dila ko't natikom ang bibig ko. 'Di ko alam kung paniniwalaan ko ba o hindi ang mga narinig ko.

"B-Ba't niyo sa'kin sinasabi 'to ngayon?" naguguluhan ko pa ring saad. "Dahil nag-aalala kami sayo Shane," singit naman ni James. Pinagkunutan ko ito ng noo't nagtatakang tiningnan.

"Ha? Ang weird niyo, ba't naman kayo mag-aalala sa akin? 'Di ba dapat kay Krystal?" nagtatakang usal ko. Muli ay nagpakawala ng isang malakas na buntong hininga si Andrea. "Shane ang sabi nila, huling nakita si Krystal noong nahuli din siya sa pag-uwi galing sa trabaho. 'Gaya mo mahilig din si Krystal umuwi ng sobrang late dahil may tinatapos din siya. Ang sabi pa nila, umaatake at nambibiktima ang nilalang na pinagbibintangang pumatay kay Krystal tuwing alas-tres ng madaling araw. Nag-aalala kami para sayo Shane kaya hangga't maaga pa'y umuwi na tayo't bukas mo nalang ituloy 'yan," nag-aalalang saad ni Andrea. Kitang-kita ko ang sobrang pag-aalala at sensiridad sa kanilang mga mata.

Napailing ako't tumawa, "Ano ba 'yan tinatakot niyo lang ako e, Kayo ha! akala niyo maniniwala ako?" Tsk, sobrang dami ko pang gagawin, ba't nga ba ako nagpapaniwala sa dalawang ito? Siguro ay wala lang silang magawa.

"Hays ewan ko sa 'yo Shane basta sinabihan ka na namin. Ohh siya uuwi na kami," tinatamad na saad ni Andrea. "Una na kami Shane," habol pa ni James. Tumango na lamang ako bilang tugon at tinuloy ang aking ginagawa.

___

Napasapo na lamang ako sa aking noo nang maalala na naman ang nangyari kanina. Napatingin ako sa aking relos, mag-aalastres na pala ng madaling araw. Napabalik ako sa aking ulirat nang mapagtantong nandito na pala ako. "Manong para po," saad ko sa driver ng jeep na sinasakyan ko. Huminto ito at bumaba na ako.

Kinabahan ako nang makitang walang katao-tao ang paligid. Madilim dito, tanging street light nalang ang nagsisilbing liwanag sa daan. Huminga ako ng malalim bago magpatuloy na maglakad.

Sa kalagitnaan ng aking paglalakad hindi ko maiwasang isipin ang kinuwento sa akin kanina nila Andrea at James. Napailing akong muli, "Binibiro ka lang nila Shane, kalma," pagpapakalma ko sa sarili ko.

Tila nablangko ang aking isipan nang makita kong may tao akong makakasalubong. Kahit na malayo-layo pa ito'y naaninag ko na isa itong babae, hindi ko makita ang kaniyang mukha dahil natakpan ito ng napakahaba niyang buhok. Naaaninag ko ang malaki nitong mata dahil sa ito'y nagliliwanag.

Biglang lumakas ang kabog ng aking puso, nagsimula na din manginig ang aking tuhod at kalamnan.

"S-Shit," mahinang usal ko sa aking sarili, naalala ko na naman ang kuwento nila sa akin. Napahinto ako sa paglalakad dahil sa sobrang kaba, tila napako ang paningin ko sakaniya. Palapit siya nang palapit! Palakas din nang palakas ang tibok ng puso ko.

Hindi ko na kinaya't kumaripas ako ng takbo, takbo lang ako nang takbo kaya 'di ko napansing may bato pala akong natapakan na dahilan kung bakit ako nadapa.

Malakas akong napasigaw nang mapagtanto kong nasa harapan ko na pala siya, b-ba't ang bilis? Pinipilit kong tumayo ngunit napalakas 'ata ang bagsak ko sa lupa.

"H-Huwag mo 'kong patayin maawa ka," namamaos na saad ko, hindi na ako makapag-isip ng maayos dahil sa sobrang kabang nararamdaman ko.

"Sorry," nakakakilabot na saad nito at hinampas ako sa aking likuran. Tila namanhid ito dahil sa sobrang lakas ng pagkakahampas niya.

"ARAY!" malakas kong usal dito. Nagulat ako ng bigla itong tumawa, nababaliw na ata ito! Mas lalo akong natakot sa pagtawa niya.

Lumapit ito sa akin at hinawakan niya ang tuhod kong may sugat. Hindi ako makapagpumiglas dahil kinain na ako ng sobrang takot. F-Fck ito na ba? Katapusan ko na ba?

"Sorry, masakit ba? Ikaw kasi e!" nag-aalalang saad nito habang hinihipan ang sugat sa tuhod ko, nalaglag ang aking panga sa kaniyang inakto.

"H-Ha?" nagtatakang saad ko, tila ayaw magproseso sa aking utak ang lahat ng pangyayari.

"Ikaw kasi e, bigla kang tumakbo akala ko may multo sa likod ko. 'Di sana kita lalapitan kaso bigla kang nadapa, e hindi naman kaya ng konsensya kong iwan ka lang diyan," nakanguso nitong saad. Hindi pa rin pumapasok sa aking utak ang sinabi niya.

"Ha? Ba't mo naman ako hinampas?" kunot noong saad ko, napataas ang aking kilay nang bigla na naman itong natawa.

"Ahh 'yon ba? May ipis kasi sa likod mo 'di ko alam kung paano sasabihin kaya hinampas ko nalang," natatawang saad niya, hindi ko na rin napigilan at natawa na rin ako.

"S-Shit ipis lang pala," umiiling na saad ko.

Sabay kaming napasigaw nang mapagtantong nasa aming gitna ang ipis kanina. Tangina buhay ka pa pala?

1
$ 0.00
Avatar for Karen
Written by
4 years ago

Comments