The Urban Legends Of Subway Station

1 12
Avatar for Karen
Written by
4 years ago

"Did you hear the urban legend of subway station?" anang ng isang matanda sa aking tabi, napakunot ako ng noo dahil hindi ko alam kung ako ba ang kinakausap ni lola o hangin. Nakatingin lamang kasi ito sa kawalan.

Nakaupo ako sa isang bench dito sa subway station na malapit lang sa opisina namin. Hinihintay ko ang sunod na tren dahil pauwi na ako, sa katunayan huling tren na ang susunod dahil magsasara na rin itong subway station.

"Iha, tinatanong kita," muling saad ni lola, napabalik ako sa aking ulirat ng mapagtantong natulala din ako ng ilang segundo. Ngayon kumpirmado ko ng ako ang kausap niya sapagkat nakatingin na ito sa akin.

"H-Ha? Ano po 'yon?" nahihiyang saad ko. Nakakahiya kinakausap ako ni lola tapos tulala lang ako, napailing na lamang ako.

"Kung hindi mo masasamain, magkukuwento muna ako sayo tungkol sa alamat sa subway station habang hinihintay natin ang huling tren. Ayos lang ba sayo 'yon iha?" tanong nito sa akin habang may malaking ngisi sa labi, hindi ko maiwasang maweirdohan kay lola. Nakakatakot kasi ang kaniyang suot, alam niyo ba yung suot ng kotrabidang lola sa mga horror movies? Nakasuot ito ng itim na damit at mahabang palda na hanggang tuhod, habang natatabunan naman ang mukha nito ng itim na belo.

Tinapik ako nito, ayan natutulala na naman ako, napailing akong muli. "P-Pasensya na po lola may iniisip lang po, sige magkwento na po kayo," tugon ko. Tumikhim ito at umayos ng upo, ganoon din ako.

"Iha, kilala mo ba si Kashima Reiko? Kung hindi, si Kashima Reiko ay isa sa sikat na alamat sa Japan. Siya'y isang babaeng mag-aaral, siya'y mabait at sobrang sipag na mag-aaral. Idagdag mo pa ang napakaganda nitong mukha kaya habulin ito ng mga lalaki. Ngunit sa kabila ng mga papuri ay mayroong mga naiinggit." Huminto si lola ng ilang sandali upang magpahinga, napatango naman ako.

"Ano pong nangyari?" tila nasasabik kong saad, ngumisi si lola.

"Isang gabi, pauwi na si Reiko. Hindi niya alam na nakasunod sa kaniya ang mga naiinggit niyang kaklase. Matindi ang kanilang galit sa kaniya, dahil bukod sa nasasapawan na niya ito sa klase hinahabol din siya ng mga lalaking napupusuan nila. Habang naglalakad si Reiko sa taas ng riles ay inatake siya nila't pinagtulungan. Sa hindi inaasahang pangyayari nahulog sa riles si Reiko't nahati sa kalahati ang kaniyang katawan na dahilan ng kaniyang pagkamatay," mahabang salaysayin ni lola.

"Grabe naman po 'yon, ano pong nangyare sa mga nambully sa kaniya?" nagtatakang saad ko, hindi ko alam ngunit mas lalo 'atang lumalaki ang ngisi ni lola sa kaniyang labi. Hindi ko ito pinansin sapagkat sobra akong nasasabik sa kaniyang pagkukuwento.

"Sa sobrang takot ng mga kaklase niya ay iniwan siya doon, wala ni isang nagtangkang magsalita tungkol sa tunay na nangyari. Makapangyarihan at mayaman din ang mga nambully kay Reiko, kaya madaling napagtakpan ang tunay na nangyari. Pinalabas nilang nagpakamatay si Reiko dahil sa matinding depresyon at stress sa pag-aaral. Hindi nabigyang hustisya ang pagkamatay ni Reiko, kaya ito naging masamang espiritu upang maghiganti. Matapos no'n ay nabalitaang sunod-sunod na namatay ang kaniyang mga kaklase, pare-parehas lamang ang nangyari sapagkat kapag natatagpuan sila, nawawala ang kanilang paa't wala ng buhay." Muli ay napatigil si lola upang humugot ng hininga, napaawang ang labi ko't sumenyas na tumuloy na sa pagkwekwento. Masiyado akong naaaliw sa kaniyang kuwento.

"Ngayon kilala si Reiko bilang isang babaeng hati ang katawan at ang kaniyang ginagamit upang makapaglakad ay ang dalawa nitong kamay. Ngunit 'wag mo itong mamaliitin sapagkat mabilis itong gumapang, papatayin ka niya't hahatiin din sa kalahati ang katawan mo gamit ang palagi niyang dala-dalang patalim. Pagkatapos ay hihingin o kukuhanin niya ang mga paa mo't ito ang magiging pagkain niya. Mas kilala siya bilang si Teke Teke dahil sa kaluskos na ginagawa nito sa tuwing ito'y nagapang. Madalas itong nagpapakita sa mga cr kung saan madalas siyang saktan ng kaklase niya, at sa mga subway station tuwing 11:11 ng gabi kung kailan eksakto siyang pinatay. Ano nagustuhan mo ba ang kuwento ko iha?" mahabang saad ni lola, nanatili akong tahimik dahil sa sobrang pagkamangha sa kaniyang kuwento. Tanging tungo lamang ang naging tugon ko, nagsitayuan din ang mga balahibo ko.

Napapitlag ako't halos mapatalon nang tumunog ang cellphone ko. Tumatawag na si mama, tumalikod muna ako kay lola't 'agad ko itong sinagot.

"Kane nasaan kana ba ha? Ang tagal mo naman 'atang umuwi ngayon," sermon sa akin ni mama.

"A-Ano po ma, hinihintay ko lang po yung last na tren. Uuwi na din po ako 'agad," saad ko naman habang napasapo sa noo ko. Rinig ko ang malakas nitong buntong hininga.

"O' siya sige, dalian mo diyan at gabi na mag-iingat ka," paalala sa 'kin ni mama't pinatay ang tawag. Muli kong hinarap si lola, ngunit paglingon ko wala na siya. Napakamot na lamang ako sa 'king batok.

"Hindi ba't hinihintay din niya ang last na tren?" nagtatakang bulong ko sa aking sarili. Bago ko itabi ang cellphone ko nakita ko ang oras.

11:00 pm na.

Napailing na lamang ako, urban legend lang naman 'yon at hindi 'yon totoo. Kaagad na nawala ang mga iniisip ko nang mapagtantong nandiyan na ang tren. Hays sa wakas at nandiyan na, makakauwi na din ako!

Tumayo na ako't pumasok sa tren. Maluwag naman ang mga upuan sapagkat kaunti na lamang ang mga tao. Madali akong nakahanap ng upuan at umupo. Napasandal na lamang ako't napahapo. Dinadalaw na siguro ako ng antok, sobrang dami din kasi naming ginawa kanina sa opisina. Dahil sa sobrang pagod tuluyan na akong nakatulog at nilamon ng antok.

___

Napahawak ako sa aking ulo dahil nauntog ako nang biglaang huminto ang tren na sinasakyan ko, naamlipungatan ako. Grabe hindi ba nag-iingat ang driver nito? Inilibot ko ang paningin ko kung anong nangyayari

Napatigil ako sa aking pagmamasid ng mapagtantong nag-iisa na lamang pala ako dito. Nagsimulang manginig ang mga tuhod ko.

S-Shit nasaan na sila? Teka ano bang nangyayari? Sobrang tagal ko bang nakatulog?

Kahit nanghihina ang tuhod ko ay pinilit kong tumayo at pumunta sa pintuan. Pinilit kong buksan ang pintuan ng tren na ito ngunit nabigo ako sapagkat sobrang higpit nito. Sinubukan kong gumawa ng ingay at kinatok-katok ang pintuan, nagbabakasakaling mayroong makakarinig at tutulong sa akin.

"TULONG! MAY NAIWAN DITO! TULUNGAN NIYO AKO!" malakas kong sigaw. Halos mapaos na ako sa pagsisigaw dito ngunit wala 'atang makarinig sa akin. Tumunog ang cellphone ko, kinuha ko ito upang tingnan kung sino ang tumatawag ngunit tila nanigas ako nang makita ko kung anong oras na.

11:11 pm

Nahulog ko ang aking cellphone dahil sa matinding panginginig ng aking kamay dahil sa sobrang takot.

Naalala ko na naman ang kinuwento sa akin ng lola kanina. Nanlalamig na din ang pawis ko't nananayo ang balahibo ko. Biglang bumukas ang pintuan kaya napalayo ako bigla.

Nanginginig ang mga paa kong lumabas sa tren. Halos lumabas ang puso ko sa sobrang bilis ng pagkabog. Sobrang nakakatakot ang station na ito, walang pangalan at walang katao-tao. Patay sindi na din ang ilaw.

"Teke Teke," rinig kong kaluskos, paulit-ulit ko itong naririnig na tila napako sa aking isipan. Gusto kong umiyak sa sobrang takot, gusto ko ng umuwi!

Sa aking paglilibot, nakita ko ang matandang kakuwentuhan ko kanina. Tatakbo na sana ako papalapit dito nang magbago ang anyo niya. Naging kalahati ang katawan nito't ang kamay nito ang nagsilbing paa niya, punong-puno ito ng dugo lalo na ang mukha niyang madungis. May hawak itong patalim habang malademonyong nakatingin sa akin. Nakangisi ito, habang ako'y naestatwa sa sobrang takot.

TAKBO! TAKBO! TAKBO!

'Yan ang sinasabi ng isip ko, ngunit nanghihina ako't napako lamang ang tingin ko sa kaniya. S-Shit ano ng gagawin ko?! Ayaw gumana ng isip at katawan ko.

Papalapit ito nang papalapit sa akin hanggang sa namalayan ko na lamang na nasa likuran ko na ito at hinawakan ang tagiliran ko, ramdam ko ang malawak nitong ngisi. A-Ang bilis niya!

Mas lalo akong nanginig at nanghina, halos hindi na din ako makahinga sa sobrang kaba.

"K-Kashima R-Reiko?" tanging mga salitang nalabas ng aking bibig. Ramdam ko ang pagtango nito. Biglang nagmanhid ang katawan ko nang maramdaman kong inangkin ako ng patalim nito. Unti-unti niyang hiniwa ang katawan ko na nakapagbigay sa akin ng malalakas na ulos.

Bumagsak ang katawan ko sa sahig, ramdam ko ang sobrang sakit at panghihina. Nanlalabo ang mata ko ngunit sapat na ito upang makita ang mukha niyang nakangisi, habang hawak-hawak ang mga paa ko. Bago pa man ako lamunin ng kadiliman narinig ko pa ang sinabi nito.

"Akin na itong mga paa mo."

5
$ 0.00
Avatar for Karen
Written by
4 years ago

Comments

nakakakilabot po .. i love reading and watching horror stories/movies

$ 0.00
4 years ago