Donald trump

0 22
Avatar for Johnx
Written by
4 years ago

Kasalukuyang pinamumunuan ni Trump bilang tagapangulo at pangulo ng The Trump Organization, na siyang namamahala sa kaniyang mga negosyo, partikular na sa real estate. Ang ilan sa mga naipatayo niya bilang negosyante ay mga gusaling tanggapan, hotel, casino, mga golf course at iba pang mga pasilidad na dala ang kaniyang pangalan. Nabanggit din ni Trump na kaniyang bibitawan ang kaniyang mga negosyong ito sa oras na maging ganap siyang pangulo.

Ipinanganak si Trump sa New York at dito siya lumaki. Nagtapos siya ng Batsilyer sa Ekonomiya sa Wharton School ng Pamantasan ng Pennsylvania noong 1978. Noong 1971 ay binigyan siya ng karapatang mamahala sa negosyo ng kaniyang amang si Fred Trump, na kinalaunan ay pinangalan niya ito bilang The Trump Organization, at kinalaunan din ay sumikat siya sa publiko. Lumabas din si Trump sa ilang mga palabas sa pelikula at sa telebisyon, at naging host siya sa palabas realidad sa telebisyon na The Apprentice kung saan naging prodyuser din siya nito. Kinilala siya ng magasing Forbes noong 2016 bilang ika-324 na pinakamayamang tao sa buong mundo, at ika-156 sa Estados Unidos.

Noong Hunyo 2015, inanunsyo ni Trump na tatakbo siya bilang Pangulo ng Estados Unidos sa ilalim ng Partido Republikano. Pormal siyang naging kandidato ng Republikano noong sumunod na taon. Ang kaniyang pagtakbo bilang pangulo ay sinundan ng midya hindi lang sa Amerika kundi na rin sa buong mundo. Maraming kontrobersiya ang bumalot sa kaniya, tulad ng mga paskil niya sa Twitter at ilang mga kaguluhang naganap sa ilan sa kaniyang mga kampanya at miting de abanse. Lumabas din ang ulat 'di umano ng kaniyang pambabastos sa mga kababaihan, na siya niyang pinabulaanan.

Ang ilan sa kaniyang mga plataporma ay ang pakikipag-usap sa Tsina ukol sa kalakalan, sa pagtutol sa iba't ibang mga kasunduang kalakalan, sa paghigpit sa imigrasyon lalo na sa mga ilegal na naninirahan sa Estados Unidos, at ang pagpapatayo ng mataas na pader sa pagitan ng Estados Unidos at Mehiko. Nais din niyang magdala ng pagbabago sa pag-aalaga sa mga beterano at pagbabawas ng mga buwis. Matapos ang pag-atake sa Paris noong 2015 sinabi niya na nais niyang magpataw ng pansamantalang pagbabawal sa mga Muslim na makapasok sa Amerika, ngunit kinalaunan binago niya ito na sinasabing mas hihigpitan niya diumano ang pagpapasok ng mga tao mula sa mga bansang may kasaysayan ng terorismo hangga't hindi pa napapabuti ang proseso ng pagkilala sa mga maaaring maging terorista.

Sa edad na 71, si Trump na ang magiging pinakamatandang tao na naging Pangulo ng Estados Unidos, na ang dating pagkilala ay kay Ronald Reagan na 69 taong gulang noong naluklok sa pagkapangulo noong 1981. Matapos kay Theodore Roosevelt, siya din ang magiging pangalawang pangulo na pinanganak sa Lungsod ng New York.

1
$ 0.00
Avatar for Johnx
Written by
4 years ago

Comments