Minsan sa apat na sulok ng typing room

0 18

Kung ang klase mo ay sa lumang Administration Building, tiyak na hindi mo maaaring hindi mapansin ang lumang kwarto na nalalagak sa bandang dulo ng pasilyo sa ikalawang palapag-ang Room 425. Ito ang dating typing room na may kalumaan na at lumalangitngit ang mga tablang sahig tuwing may lalapat na yabag dito. Ang isang parte ng ding ding nito ay bakal na may kalahating rehas. Tanaw mo dito ang katawang mula paa hanggang binti. Kung lalaki ang nasa loob ng kuwarto, at babae ang naglalakad, masayang-masaya ang mga lalaki sa loob sapagkat napagmamasdan nila ang binti ng babae lalo't nakamaikling palda ng mga babae na walang kamalay-malay. Ang kabilang ding ding nman ay malapit sa kalsada. Kapag nakaupo ka sa tabi ng ding ding na iyon, tiyak na malalanghap mo na ang lahat ng gabok at nasagap narin ng utak mo ang kaingayang nagmumula sa magugulong sasakyan sa kalsada. Pero bukod sa ang Room 425 na iyon ang nagsilbing typing room, palagiang silid-aralan ng mga estudyanteng may subject na typing, ang lumang silid na iyon ay nagsilbi ring sanktwaryo para sa isang pagtinging kay tagal inalagaan at pinagkaingatan.

Unang pasok ko sa silid na iyon. Isang freshman, hndi ko alam kung anong gagawin namin. Basta ang alam ko may makinilya, kung kaya't magmamakinilya kami. Pero hindi kaagad nakalagtas sa paningin ko ang isang lalaki na may maamong mukha. S.A. (Student Assistant) siya doon, malamlam ang kanyang mga mata at kapansin-pansin din ang kanyang napakalalantik na pilik mata. Matangos ang kanyang ilong at maganda siyang ngumiti. Ang kanyang mapanuksong ngiti ay pinatitingkad pa ng kanyang mga biloy sa ibabang pisngi.

Noon pa ma'y nakaramdam na ako ng espesyal na bagay para sa kanya. Hindi ko maipaliwanag basta espesyal. Pero bilang nagsisilbing pinuno sa klase, itinago ko iyon at tatanging malalapit lang na kaibigan ang nakaalam. Alam Kong alam nya ang kanyang magandang katangian, dahil alam na alam nya kung paano gamitin iyon at pakiligin ang aking mga kaklase na puro babae at karamiha'y may gusto rin sa kanya.

Dumaan ang mga araw. Doon sa lumang typing room walang anumang espesyal sa silid na iyon ngunit gustong-gusto ko kapag dumarating ang itinakdang mga araw para sa asignaturang "typing". Hindi ko alintana ang unit ng lugar, bukod pa doon ang sandamakmak na alikabok na nakabalot sa aking makinilya ay hindi ko rin alintana. Ang mahalaga sa akin, nandoon siya. Kung ang iba Kong mga kaklase ay naiinis kapag nasisira ang kanilang depektibong makinilya na panahon pa ng mga nanay namin, ako nama'y nananalangin pa sa dyos na sana'y masiraan ang aking makinilya para nagkaroon ako ng dahilan na humingi sa kanya ng tulong at ipaayos ito. Mabuti nlang at tinitipid nila ang mga ribon ng type writer kung kaya't madaling lumabo ang tinta ng aking makinilya ng sa gayon, may dahilan ako para tawagin siya at ipaayos ito sa pamamagitan ng pagrorolyo ng ribon pabalik sa simula.

Dumaan pa ang maraming araw-mga araw na nag uumpisa sa batiang taasan ng kilay at nagtatapos din sa ganoon. Maraming araw ang lumipas na pinagmamasdan ko lamang siya mula sa malayo at nagkukunwaring hndi nakatingin kapag siya'y nakatingin. Sinadya ko talagang ilayo ko sarili ko sa kanya at hndi siya kausapin ng madalas. Ngunit ang hirap talagang itago ng nararamdaman. Lalo pa't alam mong hindi na ito ordinaryo kundi espesyal. Tama. Ito'y espesyal kagaya niya. Minsan nga ay muntikan narin akong matukso na isulat ang aking nararamdaman kasama ng sandamukal na bandalismong nakasulat sa mga mesang pinagpapatungan ng mga makinilya sa loob ng malaking Typing Room. Mabuti nalang at hindi ko ginawa. Isa pa, masyadong mahalaga para sa akin ang nararamdaman ko para lamang isulat sa lumang mesa kasama ng mga kodigo at pulos pambobolang bandilismo.

Kulang-kulang tatlong taon. Ganoon ko katagal itinago ang nararamdaman ko sa kanya. Nagsimula sa simpleng paghanga na nauwi sa pagmamahal. Isang pagmamahal na akala ko'y mababaon na lang sa limot at mananatiling sikreto hanggang sa hukay.

Hanggang sa isang araw ay nagtapat din siya sa akin ng nararamdaman. Ngunit ang pagsusukli sa napakatagal na pagtatanggi ay maikli lamang. Ang aking kabaliwan ay nagtagal lamang ng napakaikling panahon. Ngunit sa panahong iyon pinaligaya nya ako.

Dumating ang takdang panahon ng paghihiwalay. Sapagkat ang kanyang nararamdaman ay sing huna ng mga makinilya sa typing room kung saan kami unang nagkakilala. Ang kanyang pag iisip ay magulo. Tila ang kanyang pagtipa sa tiklado ng makinilya ay pasala-sala.

Dumating ang isang araw at iniwan nya ang makinilya, iniwan nya ang typing room at higit sa lahat, iniwan nya ako. Walang kasinglungkot. Pakiramdam ko'y bumagsak ako sa isang speed test. Pakiramdam ko'y isa akong typing job na punong-puno ng mga typing errors. Pakiramdam ko'y binigyan ako ng grade na tres kahit ang grado namang dapat para sa akin ay uno.

Gayunpaman, ako parin ay nagpapasalamat at nakilala at nakapiling ko siya. Wala akong ni-gatuldok na hinanakit sa binatang may mapupungay na mata at mapanuksong ngiti.

Kailanma'y di ako nagduda sa nararamdaman ko para sa kanya. Kabasado ko ito kagaya ng mga letra sa aking makinilya. Ranging nararamdaman ko'y pagtatangi at pagmamahal na nagsimula sa isang silid.

Ngayon, kung kayo'y mapapadaang muli sa lumang aking tinutukoy, tiyak na hindi ninyo maaaring hindi mapansin ito... at tiyak na maaalala ninyo na dito, sa apat na sulok ng typing room, minsan ay may nagmahal ng tapat na isang tulad ko.

1
$ 0.00

Comments

Kala ko my banaman yung kwento s apat n sulok a bilog na bahay yun kwento mo rather your articles haha..

$ 0.00
4 years ago

oh, well I tried translating this but I couldn't but it was cleared by the OC so I had to approve it...

$ 0.00
4 years ago

nice poem sobrang haba hahaha ngcut nako kc ubos oras sa pgbasa

$ 0.00
4 years ago