Magandang Araw po sa inyong lahat. Humihingi na po ako agad ng paumanhin sa inyo aking mga kaibigan sapagkat akin munang gagamitin ang aking sariling wika sa artikulo na ito. Sapagkat ngayon ay buwan ng wika sa aming bansa minarapat ko po na sumulat sa aking nakalakihang lengguwahe. Gamitin nalang po ninyo si Google Translate upang inyong maintindihan.
Nais kong ipakilala sa inyong lahat ang aking bayang sinilangan. Ang aking bansa kung saan ako namulat at nagkaisip at siguro dito na rin mahihimlay amg aking katawang lupa.
Bansang Pilipinas
Binubuo ng humigit kumulang sa pitong libong mga pulo ang aking mahal na bansa, tinagurian siyang "Perlas ng Silanganan". Tatlong malalaking isla ang siyang prominenteng nakalagay sa mapa, Luzon, Visayas, at Mindanao (Luzviminda). Sa ngayon ang Republika ng Pilipinas ay nasa demokratikong pamamahala.
Ang aking mahal na Pilipinas ay maraming taong napasailalim sa mga mananakop. Una na dito ang bansang Espanya na tatlong daang taon na nagsilbing tagapamuno ng bansa. Kaya kung iyong makikita maraming impluwensiya ang iniwan at magpahanggang sa kasalukuyan ay ginagamit ng bawat mamamayan. Nandiyan ang mga paaralan na mga prayle o pari ang namamahala. Sila din ang nagpakalat ng relihiyong kristiyanismo. Ang mga Espanyol ang pinakamatagal na nanatili sa aming bansa. Sinundan sila ng mga Amerikano na sumakop din sa aking bayang sinilangan, kaya makikita ninyo din ang kanilang impluwensiya sa aking mahal na bansa. Sinundan pa din ng bansang Hapon ang pananakop sa bayan kong sinilingan kaya kung inyong mapapansin ang aming kultura ay halo halo na mula sa mga bansang sumakop sa amin.
Napakaganda ng aking bayang Pilipinas sa mga tanawing binabalik balikan ng kahit na sino man. Mula Aparri hanggang Jolo sabi nga sa kanta, ay makakatagpo ka ng tanawing makakasiya sa iyong mga mata at ikaw magiging kaisa ng iyong kapaligiran. Nandiyan ang pamosong Banaue Rice terraces ng Luzon, ang Chocolate Hills ng Visayas, ang Mt. Apo sa Mindanao. Alin man sa buong bansa ay may mapupuntahan ka.
Marami ding naggagandahang dagat sa aking bayang sinilangan na siyang dinarayo ng mga turista saan mang panig ng mundo ang mga puting buhangin ng mga dagat na makikita dito ay tunay na nagpapasaya sa mga mahilig maligo sa karagatan. Dinarayo dito sa aming bayan ang Boracay, nandito ang mga dagat pasyalan ng karamihan.
Muli ang mga pagdiriwang sa aking bayang sinilangan ay dinarayo din ng mga turista tunay na makukulay ang bawat pista ng baway Pilipino. Nandirito ang Pahiyas ng Quezon, ang Ati-Atihan ng Cebu, Dinagyang Festival ng Iloilo at marami pang iba na tunay na nagpapakita ng tradisyon ng bawat bayan ng aking mahal na bansa.
Napakarami ko pang nais na ikwento sa inyo mahal kong mga kaibigan. Nais kong makilala ninyo ng lubos ang aking bayang kinalakihan. Marami sa mga katulad kong Filipino ang sasang ayon sa akin na napakaganda ng bayang Pilipinas, Kahit na minsan kami ay nasasadlak sa hirap at dusa bunga ng mga mapagsamantalang tao na nagpapayaman sa aming bansa.
Aking Huling Nasa Isip
Ang aking bayang sinilingan,
Pilipinas kong mahal
Sadlak ka man ngayon sa kahirapan
May bukas pa para iyong masilayan
Ang panibagong pag-asa na hatid ng bawat isa sa iyong mamamayan
Kung sila ay magkakaisa at magtutulungan
Ito ang aking bansang minumutya, dito ako isinilang, nagkaisip. Umalis man ako upang maghanapbuhay sa ibang bansa ako ay muling babalik sa iyo, sa iyong piling, sapagkat walang hihigit sa iyong pagkanlong at pagaaruga. Ilaw lang ang nag iisa sa aking puso saan man ako makarating. Ipinagmamalaki ko na ako ay isang mamamayang Pilipino.
Maraming salamat po muli sa inyo aking mga mahal na mambabasa at sa inyo aking mga kaibigan. Kung binabasa mo ito ibig sabihin narating mo na muli ang dulo ng aking artikulo.
Maraming salamat sa aking mga isponsor. Marami pa pong pagapapala ang nawa'y suma ating lahat. Pagpapala po ng Ama ay suma atin.
All rights reserved @Iamashrone
Lead image from ipophil.gov.ph
All photos were given credits.
Para sa akin sissy the best parin ang kagandahan ng pilipinas lalo na sa mga pasyalang nature