Gabay Ko, Titser Ko

0 43
Avatar for Expressionless
1 year ago

SIGAW NA HINDI MARINIG

Sa panulat ni Bb. Lorilai Persingcula Santos

Ma'am, Teacher, Miss, Cher, at Sir...

Ilan lang yan sa mga tawag mo sa kanila..

Kilala mo pa ba sila?

Yung guro na nagturo sa'yo kung paano magsulat? kung paano bumasa ng letra? kung paano gumuhit at magkulay noong bata ka?

Kilala mo pa ba sila?

Sila na kinatakutan mo noong una.

Na akala mo ay istrikto pero hindi pala.

Kilala mo pa ba sila?

Sila yung taong nagalit sayo noong nagkamali ka.

Yung pumuri sa'yo noong minsang sumagot ka ng tama.

Yung taong pilit inintindi ang sulat mo kahit hindi 'to mabasa.

Yung taong nagbigay sa'yo ng gradong palakol para mas matuto ka pa.

Yung tumapik sa balikat mo kasi pumasok ka nang maaga.

Yung naging kasama mo sa halos ilang taon ng buhay mo.

Ang dami nyong alaala 'di ba?

Ang bilis ng panahon, tama ba?

Natatandaan mo pa ba?

Yung mga panahong inaaway ka ng kaklase mo at sumigaw ka ng "Ma'am, si Ano nga!"

Sila yung walang sawang nakinig sa paulit-ulit na sumbong mong masakit na sa tainga.

Natatandaan mo pa ba?

Kung gaano kalakas ang tawa mo nung minsang nagbiro siya?

Natatandaan mo pa ba?

Yung araw na umiyak ka at nilapitan ka nya.

Pinunasan ang iyong pumapatak na luha.

Natatandaan mo pa ba?

Na minsan sa buhay mo ay binago ka nya.

Kahit ilang beses kang nagkamali ay pinatawad ka nya.

Natatandaan mo pa ba?

Noong nagsinungaling ka sa kanya upang matakasan mo ang salang ikaw ang may gawa?

Natatandaan mo pa ba?

Na minsan wala kang takdang-aralin pero pinagbigyan ka nya. Paulit-ulit nyang pinapangaralan ka, gawin mo yan, gawin mo yon, ngunit nagbingi-bingihan ka.

"yes, sir. " "yes, maam" panay ka oo pero ginawa mo ba?

Ginawa mo ba?

Ginawa mo bang makinig sa bawat pangaral nya?

Pangaral na minsan ay iyong minasama.

Ginawa mo ba?

Ginawa mo ba ang parte mo bilang estudyante niya?

Ang mga proyekto, takdang-aralin at gawaing pang-upuan na akala mo'y wala nang katapusan.

Nagrereklamo ka at pagod ka na, gusto mong magpahinga, sawa ka na..

Bakit? alam mo ba?

Alam mo ba ang bawat sakripisyo nya?

Kung ilang beses syang nagpuyat para sa aralin na ituturo niya?

Kung ilang beses syang tumanggi sa lakad ng tropa kasi nga marami siyang ginagawa?

Kung ilang beses nyang napabayaan ang pamilya nya kasi lesson plan ang hinarap nya?

Hindi mo ba naisip na baka may anak siya? Na imbes anak ang inaasikaso sa araw-araw ay ikaw ang kaharap niya?

Alam mo ba?

Alam mo ba na baka isa ka sa dahilan kung bakit hanggang ngayon single sya?

Papasok ng maaga, wala pang sikat ng araw, at uuwi na pagabi na kung kailan lumubog na ang araw?

Paano pa makikita ang makakasama sa habang-buhay?

Alam mo ba?

Alam mo ba kung ilang beses niyang tinago ang kalungkutan niya?

Na magkunwaring okay kahit minsa'y sa bahay may problema

Hindi niya ito pinakikita..

Hindi niya pinahahalata..

Alam mo ba?

Alam mo ba kung ilang beses niyang tinago ang kanyang pagluha?

Ang bawat emosyon na ikaw ang may dala?

Alam mo ba?

Alam mo ba kung ilang oras niyang tiniis ang ngalay ng paa?

Ang pamamanhid ng kamay sa pagsulat sa pisara. Sa bawat guhit ng yeso na minsa'y pumupunta na sa mukha niya.

Alam mo ba?

Kung ilang araw niya tiniis na magturo kahit paos siya. Kahit ang sakit na ng lalamunan niya. Nagtuturo siya.

Nagtuturo siya para matuto ka.

Kailan mo makikita?

Kailan mo makikita ang halaga nya?

Kailan darating yung araw na mamahalin mo sila?

Yung mga gurong walang ibang inisip kundi ang mapabuti ka.

Kailan mo makikita ang pagkukulang mo?

Pagkukulang na minsan ay binabaliktad mo.

Na nasa guro mo ang problema at wala sa'yo.

Bulag ka ba?

Bulag ka ba na makita ang kabutihan na mayroon sila?

Na minsan kang pangaralan, ngunit loob mo'y sasama pa.

Hindi ka bulag.

Hindi ka bulag para hindi makita na tao rin sila.

Hindi ka bulag para hindi makita ang bawat pawis na kayong mga mag-aaral ang dahilan.

Hindi ka bulag para hindi mo makita ang lungkot sa likod ng bawat ngiti nila.

Hindi ka bulag upang hindi makita ang bawat sakripisyo nila.

Pakinggan mo sila.

Subukin mong pakinggan ang bawat sigaw.

Ang bawat salita na hindi maisatitik.

Tingnan mo sila sa mata.

Mata na pinipilit na hindi mapikit..

Upang makita ka nila.

Upang makita kung gaano ka pwedeng magbago.

Na may pag-asa pa..

Na ang buhay mo ay hindi patapon.

Na hanggang mayroong 'sila,' ikaw ay mahalaga.

May nagmamahal sa'yo.

Ang bawat araw na pinapasok mo sa paaralan ay may patutunguhan

Na ang tagumpay ay hindi imposible.

Tulungan mo sila..

Tulungan mo silang iangat ka.

Tulungan mo silang marinig ang tinig nila.

Respeto at pagmamahal lang ang kailangan nila.

Tulungan mo sila..

Tulungan mo silang mas mahalin pa ang propesyong pinili nila.

Tulungan mo silang maisip na hindi nasayang ang halos apat na taon..

Apat na taong paghihirap upang sa kasalukuyan, ika'y makaharap..

Tulungan mong mahalin nila ang pagtuturo.

Upang mas maramdaman pa nila na walang maling landas na tinahak.

Na hindi sila nagkamali..

Hindi sila nagkamaling piliin ang mundong mapanghamok

Na isang mali lang, pagkatao'y kaagad mahuhusgahan.

Hindi sila nagkamali.

Hindi sila nagkamaling tanggapin ang hamon.

Hamon na baguhin ang mundo.

Kaya mo ba?

Kaya mo ba ngayon na tulungan sila?

Ang haba ng araw.

Minsan ba ay nagpasalamat ka na,

Nagpasalamat ka na ba sa bawat sakripisyo niya?

Pasalamatan mo sila sa bawat pagtitiis.

Sa bawat pagsusulit na kanilang ibinibigay

Masukat lamang ang iyong natamong kaalaman.

Pasalamatan mo sila..

Pasalamatan mo sila sa bawat pagpapatawad..

Pagpapatawad sa mga kasalanan mo.

Sa bawat kabastusan mo.

Sa mga takdang-araling kinalimutan mo.

Sa pangongopyang ginawa mo.

Humingi ka ng patawad..

Patawad sa mga sigaw na hindi marinig

Sa mga hinaing na hindi maramdaman

Sa hindi pagpansin sa mga pangaral

Sa bawat pagpikit sa klase habang siya ay nakatayo sa harap

Sa bawat lukot ng mukha na iyong ipinakita.

Sa bawat pagsagot nang pabalang.

Tandaan mo na ikaw ang dahilan..

Ikaw ang dahilan kung bakit sila bumabangon

Ikaw ang dahilan kung bakit sila patuloy na tumatayo kahit ilang beses pa silang madapa..

Tandaan mong isa ka sa dahilan ng lahat ng pagsusumikap.

Hindi pa huli ang lahat..

Hindi pa huli ang lahat para ikaw ay magbago

Hindi pa huli ang lahat para ikaw ay magpakatino

Maging estudyante ka na pinapangarap ng magulang mo at ng iyong guro..

Tuparin mo ang iyong pangarap..

Nang sa gayon ay hindi masayang ang bawat sakripisyo..

Ng mga gurong nagpanday ng iyong talino..

Ang pundasyon mo sa buhay na punong-puno ng pagsubok..

Tandaan mo..

Ang guro ang iyong pangalawang magulang..

Ang siyang gagabay sa iyong landas na tinatahak..

Ang kasama mo sa pagtahak sa buhay na maraming katanungan, walang kasiguraduhan..

Tandaan mo anak..

May mga bagay mang hindi sigurado ay isa lang ang siguradong totoo..

Ang mga guro mo ay hindi perpekto ngunit mahal ka nilang totoo.


Reference

I have always been thankful to my Teachers, of course without them we wouldn't be where we are right now. Without these dedicated people to help is hasten our ability and share their knowledge to us.

I decided to share this poem here though it is in Filipino language.

Lead Image: Unsplash

*~Express!onless~*

4
$ 2.53
$ 2.48 from @TheRandomRewarder
$ 0.05 from @Glez
Sponsors of Expressionless
empty
empty
empty
Avatar for Expressionless
1 year ago

Comments