Paghikbi ng Ulan
Isang ngiti ang gumuhit sa aking mga labi nang makita kong muli ang puno ng sakura na malapit lang sa lawa. Ang mga naggagandahang bulaklak nito ay sumasayaw sa bawat pag-ihip ng hangin. Ang iba naman ay nahuhulog at nagbibigay ng pansamantalang kagandahan sa kanilang pagsayaw bago tuluyang bumagsak sa lupa.
Naupo ako sa lilim ng puno at tumingin sa tahimik na lawa.
"Hoy, anong ginagawa mo rito?" tanong mo sa akin noong unang beses tayong nagkita. Unang tingin ko palang sa iyo ay nasabi ko na sa sarili ko na 'Ah, isang mestiso' dahil sa mala-ginto mong buhok. Maputi ang iyong balat at agad akong naakit sa mga mata mong tila karagatan dahil sa asul na kulay nito. Nakatingin ka sa akin nang masama na para bang isa akong kriminal.
"Gusto ko lang makita ang mga bulaklak ng punong sakura, ikaw? Sino ka ba?" pabalik kong tanong. Ngunit biglang nagbago ang iyong ekspresyon at agad akong nginitian na siyang dahilan upang ngumiti rin ako. Sinenyasan mo ako upang maupo sa tabi mo kaya naman iyon ang ginawa ko.
"Tinanong mo kung sino ako, 'di ba?" ani nito, "Ako lang naman ang nagtanim sa punong ito."
Seryoso ang tono mo pero nang tumingin ka sa akin, napatawa ako kaya naman sumimangot ka.
"Alam mo bang halos 300 na ang taon ng punong ito?" saad ko nang kumalma ako. "Kung gagawa ka sana ng kwento, sana naman ay iyong kapani-paniwala."
Bigla naman akong napatingin sa langit nang biglang natakpan ang araw kahit kani-kanina lang ay walang ulap akong nakita.
"Alam mo, ayaw ko sa mga taong hindi naniniwala sa akin," sabi mo pero imbes na sumbatan ka, agad akong tumayo. Hinawakan ko ang iyong kamay na mas malaki sa akin saka kita hinila ngunit hinila mo ako pabalik na siyang dahilan upang mapaupo ulit ako.
"Alis na muna tayo rito," sambit ko, "mukhang uulan kasi."
Ngunit umiling ka at ngumisi.
"Hindi uulan, maniwala ka."
Nagtaka naman ako dahil parang totoo ang sinasabi mo.
"Paano mo naman nasabi iyon? Manghuhula ka ba?" tanong ko at isa muling iling ang iyong ginawa habang nakangiti.
Sa muling pagkawala ng mga ulap sa langit ay aking kinagulat dahil parang imposibleng mangyari iyon sa loob lang ng iilang segundo.
"Hindi uulan kapag hindi ako iiyak," sagot mo.
Muli akong natawa at sinabing, "Tapos sasabihin mo na ikaw ay isang nilalang na naiiba sa tao. Tapos tatawagin mo ang sarili mo na 'Regan'."
Nanlaki ang mga mata mo nang sabihin ko iyon at iyong tinanong, "Paano mo nalaman iyan?"
Tumingala ako sa langit bago ka sinagot.
"Nabasa ko kasi ang ilang sulat na nakatago sa aming bahay na tuwing namumulaklak ang punong ito ay may lalaking magpapakita at magpapakilalang Regan. Lagi akong pumupunta rito kapag panahon na ng pamumulaklak ng mga sakura upang tingnan kung totoo ba iyon."
Binaling ko ang tingin ko sa iyo at nagulat na lang ako nang makita ang namumuong luha sa iyong naggagandahang mga mata. At sa pagbagsak ng mga luha mo'y kasabay din ng pagbagsak ng ulan.
Pero imbes na sumilong mula sa ulan ay nakatitig pa rin ako sa iyo. Kita ko ang lungkot sa iyong mga mata na siyang dahilan upang yakapin kita.
"Masaya ako," sambit mo, "masaya akong muli kang makita. Sobrang saya ko, sobra-sobra."
Nalito ako dahil ngayon lang naman tayo nagkita ngunit iba ang iyong sinasabi. Hinigpitan mo ang iyong yakap sa akin na para bang kay tagal tayong magkakilala at hindi nagkita.
"Naiba man ang iyong itsura ngunit ikaw pa rin ang babaeng mahal ko," dagdag mo pa, "Patawarin mo ako kung hindi ko magawang manatili sa iyong tabi."
Ilang taon na ang lumipas matapos ang pangyayaring iyon at hanggang ngayon ay dala-dala ko ang mga alaalang iniwan mo sa akin. Napansin ko ang unti-unting pagpatak ng ulan at katulad noon ay nanatili ako sa lilim ng puno. Sa tuwing umuulan, lagi kong tinatanong kung umiiyak ka ba? At bakit ka umiiyak?
Tinatanong ko rin kung masama ba ang magmahal? Bakit pinagkait sa atin ng tadhana ang pagkakataong maging masaya sa piling ng isa't isa?
Pero isa kang anak ng diyos at diyosa at isa lamang akong hamak na tao. At dahil sa pagmamahalan natin sa nakaraang buhay natin, tayo ay pinarusahan ng iyong mga magulang na tutol sa ating pagsasama.
Sa loob ng 100 taon, isang beses lang tayo magkikita bilang kaparusahan. At sa buhay ko ngayon ay hindi na kita muling masisilayan. Makakalimutan man ulit kita ngunit ang mga sulat na naglalaman ng ating alaala ay siyang magiging susi upang malaman ko ulit na mayroong Regan sa mundong ito. Masakit man ngunit ito ang daang pinili nating tahakin.
Sa pagbagsak ng ulan ay tumingin ako sa langit na para bang naroroon ka.
"Regan, tahan na."
(Ang Regan ay Old High German ng salitang ulan.)