If you've been reading some of my posts on noise.cash, you probably have read these thoughts. I'm just publishing it here for the sake of getting my account active, and for the random rewarder 'cause he might miss me too. 🤣 If you're not interested, get outta here. Char. 🤣
Nag-umpisa ako sa mababaw.
"Kaya ko. Madali lang pala."
Yan ang sinabi ko sa sarili ko. Napunta ako sa gitna. Kaya ko pa. Naghangad ako ng mas malalim. Hanggang sa lumalim ng lumalim at hindi ko na namamalayan, nalulunod na pala ako.
"Saklolo!"
Walang dumating na tulong. At dun ko napagtanto na mag-isa lang akong lumalangoy at pilit nilalabanan ang agos ng buhay.
"Ayoko na. Pagod na ako. Tama na."
Yan ang lagi kong daing sa sarili ko. Nakakapagod lumangoy mag-isa. Pero dahil sa'yo, nakahanap ako ng pag-asa. Nagpatuloy ako at patuloy nang lumalaban. Kaya pa. Habang buhay may pag-asa, yan ang sabi nila.
Pero naubos ang lakas kong lumangoy sa dagat ng problema. Pinili kong maglakad nalang para kahit papaano ay nakakapagpahinga. Tumingin ako sa paligid pero wala ni isa ang sumasabay.
"Nasaan sila?"
Yan ang aking tanong.
"Bakit ako mag-isa?"
Pero naalala kita. Hindi man kita nakikita pero alam kong nandiyan ka. Buhat mo ako sa mga panahong hindi ko na kaya.
Huminga ako ng malalim. Nag-isip isip kung kakayanin. Wala akong inuumpisahan nang hindi tinatapos. Walang problemang walang solusyon. Kaya ko. Kaya ko 'to. Laban lang. Kahit gaano pa kalakas ang mga alon, patuloy akong aahon.
Ang buhay ay hindi kumpetisyon. Ituring mo ang sarili mo na isang alon na may sariling oras para makarating sa pampang. Huwag kang makipagkarera. Kagaya ng dagat na hindi nauubusan ng alon, ganun din ang buhay na hindi nauubusan ng oportunidad. Magpatuloy ka at makikita mong may magandang patutunguhan ang lahat ng ginagawa mo.
Sa bawat paglubog ng araw, alalahanin mong may bagong umagang naghihintay. At sa pagsikat ulit nito, ay kasabay ang muli mong pagbangon. Huwag kang panghinaan ng loob. May bukas pa.
Sa pagsikat ng araw ay kasabay nito ang bagong simula. Bagong pag-asa. Bagong umaga para magpatuloy sa pakikibaka sa lahat ng hamon ng buhay. Bumangon ka. Damhin mo ang sikat ng araw at alon ng dagat. Magpatuloy ka lang.
May mga tanong na hindi mahanapan ng sagot. May mga bakit na walang masabing dahilan. May mga araw na pakiramdam mo ay wala kang saysay. May mga taong darating at may mga bigla namang umaalis. May mga panahong masaya lang pero may mga araw ding halos pasan mo ang mundo sa sobrang lungkot. Huwag kang mangamba. Ganyan talaga ang takbo ng buhay. Ngumiti ka lang. Lilipas din yan.
At sa mga oras na walang may gustong samahan ako, sasamahan ko ang sarili ko. Walang ibang aasahan kun'di ako mismo. Mahirap mang abutin ang lahat ng pangarap ko, pero magtitiwala ako sa kakayahan ko. Kaya ko. Kakayanin ko.
At kung may mga panahong akala ko hindi ko na talaga kaya, ititigil ko muna. Magpapahinga. Kukuha ulit ng lakas hanggang sa kaya ko na.
Marami pang alon ang dapat languyin. Mas marami pang pagsubok ang tatahakin. Mas matataas na bundok pa ang aakyatin. Huwag ka munang sumuko.
Ang dagat ng buhay ay nakakapagod. Hindi lahat ng gusto mo ay masusunod. Pero kahit na ganun, piliin mong lumaban. Piliin mong abutin ang mga pangarap mo.
Lahat ng hirap at pagod ay masusuklian. Lahat ng dugo at pawis ay mababayaran. Lahat ng pagtitiis ay may hangganan. Lahat ng luha ay mapupunasan.
At sa huli, kapag nalagpasan mo ang bawat alon at hamon na ibinibigay sa'yo, makikita mo na lahat ng sakripisyo mo ay may katumbas na saya dahil nakamit mo na ang rurok ng tagumpay at saya na inaasam-asam mo.
virtual hugs for you and for everyone having the same sentiments.