Nagsisimbang-Gabi ba kayo? Kung oo, mapapansin natin na makikilala natin ang mga karakter na may kaugnayan sa pagsilang ni Jesus. Nakilala na natin si Juan Bautista, ang mga ninuno ni Jesus na binasa sa kaniyang genealogy, si Jose, si Maria, mga pastol, at sina Zacarias at Elizabeth.
Sila ang dalawa sa mga paborito kong karakter sa Bibliya. Hayaan ninyong isulat ko ang mga dahilan.
******
Sa #5thDayOfSimbangGabi ay ipinapaalala sa atin na ang Diyos ay palaging tapat sa Kanyang pangako. At ito ay sa pamamagitan ng dalawang karakter sa kwento: sina Zacarias at Elisabet.
Si Zacarias ay isang matuwid na pari, si ELizabeth katulad niya ay matapat din sa Diyos. Ngunit hindi sila nagkaanak. Sa kanilang kultura ang anak ay biyaya ng Diyos. Pari si Zacarias ngunit di siya magkaanak? May ginagawa kaya siyang masama? Si Elizabeth ay tumanda na at hindi na rin magkakaanak, malas yata siya at katulad ni Zacarias, maaring pinarurusahan sila ng Diyos kaya hindi sila biniyayaan ng anak.
Ngunit sa kabila ng maaring matagal na paghihintay gayundin ng mga bulong-bulungan sa kanilang paligid, pangungutya at kung anu-ano pa, ang mag-asawa'y nanatiling tapat sa Diyos at sa paglilingkod. Kaya naman, gumawa ng Diyos ng milagro sa pamamagitan nila.
Ngayon pagnilayan natin ang kahalagahan ng mga pangalan gayundin ng pagbibigay ng pangalan:
"Zechariah: The Lord has remembered
John: God is gracious
Elizabeth: The oath of God"
Sa kanilang mga pangalan ay kilalanin natin kung sino ba talaga ang Diyos.
Una, kay Zacarias, isang pari na pinangakuan ng Diyos na magkakaroon siya ng anak sa kabila ng katandaan. Ang ibig sabihin ng Zacarias ay "Ang Diyos ay nakaalala". Tunay, hindi nakalilimot ang Diyos sa kanyang pangako.
Kung kaya si Elisabet, ang asawa ni Zacarias, sa kabila ng kanyang katandaan ay nagdalang-tao.
"Ang pangako ng Diyos" yan ang ibig sabihin ng pangalan ni Elisabet. Tinupad ng Diyos ang kanyang pangako. Tapat Siya sa kanyang sinumpaan. Kapag sinabi ng Diyos agad niya itong tinutupad.
At ang bunga ng pagtupad sa pangakong ito ng Diyos ay si Juan.
"...At Juan ang ipapangalan mo sa bata" (Lukas 1:13). Juan sapagkat ang "Diyos ay mapagbigay, mapagmahal, maawain".
Ipinakita ng Diyos ang kanyang habag at kagandahang-loob sa dalawang mag-asawang matanda na walang anak ngunit puno ng pananampalataya at patuloy pa rin sa paglilingkod sa Kanya.
Itinuturo sa atin ngayon ng mag-asawang si Elisabet at Zacarias na huwag magpadala sa kalungkutan, disappointments, anxieties, fears, depresyon at kung anu-ano pa. Sa kabila ng katandaan sila ay patuloy na umasang tutuparin ng DIyos ang mga ipingako sa kanila.
Ang mga ito ay huwag maging hadlang upang lubusang magtiwala sa Diyos na tapat sa kanyang pangako at kumikilos "in unexpected and mysterious ways."