Papalapit na ang undas at puro kababalaghan na naman ang mga mapapanood sa telebisyon. Marami na din akong nabasa na kwento dito sa read.cash tungkol sa mga katatakutan at napag desisyonan ko na gumawa ng aking sariling kwento.
Abandonadong kainan
Ako nga pala si John, nais ko lang ibahagi sa inyo ang aking naging karanasan noon sa birthday ng kaibigan ko.
Miyerkules ng tanghali at napaka-init ng panahon, ramdam ko ito kahit na nasa loob ako ng opisina na aking pinag-tatrabahuan. Habang abala ako sa pag-gawa ng aking trabaho napansin ko na papalapit sa'kin si Kenneth (officemate ko) nakangiti ito at sabay sabi ng "Pare imbitahin sana kita sa biyernes, birthday ko kasi sa araw na iyon at merong konting kasiyahan sinabihan ko na din si Luis yung kaibigan natin sa kabilang department, sabi nya ay pupunta daw sya at balak nyang sumabay sayo dahil may motor ka daw para makatipid sya sa pamasahe" Tinanggap ko ang imbitasyon ni Kenneth ng walang alinlangan dahil matagal tagal na din ang huling inom ko ng alak. Matibay ang samahan namin tatlo dahil siguro hindi nag kakalayo ang mga edad namin at nag kakasundo kami sa mga hilig namin.
Biyernes ng hapon at kaka-out lang namin sa trabaho maaga kami nag out dahil excited na uminom ng alak. diretso na agad kami sa bahay ni Kenneth at doon na lang daw kami mag hapunan sabi nya. Pumayag kami at agad na pinaandar ko ang aking motor at sinundan sya habang naka-sakay din sya sa kanyang motor. Mga 1 oras na ang aming pag mamaneho at napansin ko na iilan nalang ang mga nakakasabay namin na sasakyan sa daan. Mga ilang minuto pa ay liblib na ang daanan na aming tinatahak. "Pareng Kenneth, tama ba itong dinadaan natin? parang wala na masyadong dumadaan na sasakyan dito" Tanong ko habang nag mamaneho " Tama ito pare ito talaga ang daan papunta sa'min, liblib na talaga ang parteng ito pero wag ka mag-alala ligtas naman dito at hindi ko kayo pababayaan". Nag patuloy kami sa pag mamaneho at mga 30 minuto pa ang aming binuno hanggang sa makarating kami sa mismong bahay nila Kenneth.
Maayos naman ang bahay nila. Sa katunayan ay maganda ang loob nito, kaso nga lang masyadong malayo ang pagitan ng mga bahay at halos puro puno at matataas na damo ang nasa paligid. Medyo marami na ang nasa bahay nila pina-kilala nya kami sa pamilya, iilang mga kamag anak nya at kababata na naroon. Pag katapos kumain ay agad na naming sinimulan ang inuman. Masasabi kong tama ang naging desisyon namin ni Luis na tumuloy kahit na medyo nag-aalangan kami kanina dahil sa lib-lib ang daan, dahil baha sa pagkain at napakaraming alak. Mababait din ang mga kamag anak at kaibigan ni Kenneth kung kausapin nila kami ay parang matagal na nila kaming ka-kilala.
Sa sobrang saya ng inuman dahil puro tawanan at kalokohan hindi namin na malayan ni Luis na 11 na pala ng gabi. Kahit na gusto pa sana naming manatili sa bahay ng pamilya ni Kenneth ay hindi pwede dahil may pasok pa kami bukas sa trabaho at kailangan na namin umuwi. "Pareng Kenneth uuwi na kami ni Luis may pasok pa bukas kailangan ng makapag pahinga" Sumang-ayon naman ito at nagsabi pa nga na ihatid na nya kami hanggang main road dahil baka nakalimutan namin ang daan pabalik. Pero sinabe ko na wag na at tanda ko ang daan at ramdam ko na malakas na ang tama ng alak sa kanya at baka mapano pa sya kapag ihatid nya pa kami.
Malalaking puno at matataas na damo ang nasa gilid ng kalsada, malamig ang simoy ng hangin at ramdam ko ito sa aking mukha at kamay habang nag mamaneho. Madilim ang daanan at ilaw lamang ng aking motor ang liwanag na aming nakikita. Mga ilang minuto lang ay medyo nag-iba ang pakiramdam ko at napansin ko na parang pabalik balik kami sa parehas na lugar. Pero inisip ko nalang na sa dami ng puno malamang ay may mag kasing tulad ito. Pero tumayo ang balahibo ko ng biglang nagslita si Luis "Pare wala ka bang napapansin? Kanina pa natin paulit-ulit na nadadaan yang malaking puno na yan".
"Oo nga pare akala ko ay ako lang ang nakakapansin, na paglalaruan ata tayo ng engkanto" tugon ko sa kanya.
Nagdasal kami ng nagdasal at mukhang gumana ito dahil mga ilang minuto lang may natanaw na kaming liwanag mula sa isang kainan. May kalakihan ito at maraming sasakyan ang naka garahe sa labas. Napag kasunduan namin na huminto dito para humigop ng mainit na sabaw upang mapawi ang kaba sa dibdib namin. Pag bungad namin sa pinto ay agad na sumalubong sa amin ang isang lalaki. Binati kami nito at sinamahan patungo sa aming pwesto sabay tanong kung ano ang nais namin kainin. "Dalawang mangkok ng bulalo Sir at dalawang kanin na din" agad na sabi ni Luis. Hindi na ako komontra dahil ayun din naman ang balak kung orderin. Agad na lumapit ang lalaki sa lugar na lagayan ng mga kanilang panindang pagkain.
Habang nag aantay sa aming order at medyo na himasmasan na kami napansin ko na may kakaiba sa loob ng kainan kami lamang ang tanging nasa loob nito kahit maraming sasakyan sa labas. Napansin ko din na may kalumaan na ang mga sasakyan sa labas at ang iba ay parang abandonado na, tumaas ang balahibo ko at nanglaki ang aking dalawang mata ng makita ko ang kalendaryo na nakasabit malapit sa pintuan ng palikuran. Ang taon na nakalagay dito ay 1953, tinitigan ko ito maigi dahil baka namali lang ako ng tingin pero tama talaga ang aking nakita. Hindi na ako mapakali ng mga sandaling iyon dahil 2018 ang kasalukuyang taon. Sinabi ko ito ng pabulong kay Luis at parehas na pala kaming kinikilabutan ng oras na yun dahil nakita naman nya ang babaeng nasa pwesto ng mga pagkain na kakaiba ang itsura maputla ito at puro puti ang buhok kakaiba din ang suot nito kumpara sa mga damit ngayon mukha itong damit noon. Pabulong din nyang sinabi na pasimpleng tingnan ko daw ang lalaki na kumuha ng order namin nagulat ako ng mapansin ko na ang balat ng lalaki ay parang nabuhusan ng mainit na tubig mapula ito at may lumalabas na kulay dilaw na likido at parang may hinihiwa itong kakaiba na sa tingin namin ay hindi basta karne lamang ng baka bigla itong lumingon at tumitig sa aking mga mata ng pailalim habang nakangiti. Di namin alam kung ano ang gagawin namin sa mga sandaling iyon dahil grabe na ang kaba namin. Bigla kaming may narinig na malakas na busina ng motor "Lumabas kayo dyan! Bilisan nyo!" Sigaw ni Kenneth mula sa labas. Agad kaming tumayo ni Luis at tumakbo palabas ng kainan at agad na sumampa sa aking motor at paglingon namin sa kainan ay nagulantang kami dahil ito ay isang abandonadong kainan walang kahit na sino sa loob at walang ilaw dito. Agad kong pina-andar ng mabilis ang aking motor at ng makalayo kami sinabe ni Kenneth na sa kanila na muna kami mag palipas ng gabi. Ng makarating sa kanila ay agad nyang kinwento na naisapan nya na sundan kami dahil pumasok sa isip nya ang abandonadong kainan na iyon baka daw magawi kami doon at hindi na makalabas. Tama nga ang kanyang hinala at grabe ang pasasalamat namin ni Luis sa kanya dahil kung hindi nya kami sinundan, malamang ay hindi na kami himihinga ngayon. Sinabi din nya ang tungkol sa kainan na iyon kilala daw ang abandonadong kainan na iyon sa kanilang baryo dahil maraming dayo na ang nabiktima noon. Sa tuwing may papasok daw doon ay hindi na nakikitang nakalalabas at ang mga sasakyan sa labas ay mga sasakyan ng mga tao na nabiktima. Tinanong ko sya kung kelan nag simula ang ganon pangyayari sa kainan na yun ngunit ang sabi nya ay hindi din nya alam dahil simula ng tumira sila sa baryo na iyon ay nandoon na ang abandonadong kainan. Ng lumiwanag na at sumikat na ang araw ay agad na kaming umalis ni Luis at hinatid kami ni Kenneth palabas ng baryo.
Magmula ng mangyari ang kababalaghan na iyon ay hindi na ulit ako bumalik sa bahay nila Kenneth at hindi na din ako pumupunta sa kahit sinong katrabaho ko ang mag diriwang ng kanilang kaarwan.
Ito ay isang kathang-isip na kwento lamang. Ang lahat ng pangalan, lugar at taon na ginamit sa kwento ay walang pinag basihan na kahit ano o kahit sino. Kung meron mang nahahalintulad dito sa totoong buhay ay nagkataon lang siguro.
Sa aking mga sponsor at mga reader, maraming salamat sa inyo. Sana ay wag kayong magsawa sa pag suporta <3
Ang mga larawan ay in-edit sa picsart application.
Maramig salamat sa pagbasa (:
Pwede nyo akong bisitahin dito: https://noise.cash/u/DBron
Napakagaling mong bumuo ng kwento sa salitang Tagalog. Ako'y iyong napamangha. At ako'y kinilabutan din sa takbo ng kwento mo. Sa katunayan ay naranasan ko din yung pangyayari na pabalik balik lang yung takbo ng motor sa iisang lugar , nakakakilabot yun. Para bang binalik mo din ako sa nakakatindig balahibo kong karanasan. At dahil dyan, wala ng balikan sa susunod na taon di baling may lechon pa sila haha.