Sana Ngayong Pasko

0 24
Avatar for DreamBig
4 years ago

Nakakalungkot pero ito ang totoo. Iba ang panahon ngayon. Malungkot ang mundo natin ngayon. Puno ng pagkabalisa ang mga tao. Hirap naman ang iba na humanap ng pagkakakitaan o kung maitatawid ba nila ang panghapunan. Ang iba takot magpakonsulta sa ospital kaya tinitiis na lamang ang iniindang sakit dahil sa takot na mahawa ng iba. Ang iba ay wala man lamang masilungan o mapagpahingahan. May ihihirap pa ba dito? Eto...

Habang ang iba...

Pagod at puyat. Nanlalata na ang mga mukha dahil sa overfatigue sa trabaho. Call of duty ika nga. Ang tunay nating mga bayani. Mga doktor at nurses. Kabilang na din ang mga sekyu, mga bank teller, mga empleyado ng grocery stores, mga tindero at tindera sa palengke, mga pulis at sundalo, mga volunteer workers, mga janitor at street sweepers at marami pa sa kanila. Hindi biro ang kanilang mga trabaho. Walang takot na sinusuong ang peligro, mapaglingkuran lang ang bayan. Paano pa kaya ang hirap ng mga doktor at nurses na walang sawa ang pagalaga at pag-alalay sa mga maysakit , mailigtas lamang ang mga pasyente sa bitag ng kamatayan. Bayani silang tunay. Hindi natin sila kayang suklian, kundi maipanalangin sila para magkaroon ng katatagan at kaligtasan. Paano kaya nila nakakayanan ang init ng facemask, faceshield at PPE gown?? Suot suot sa bawat araw at hindi pa pedeng hubarin dahil delikado na maexpose sa di nakikitang virus. Ramdam natin ang kanilang pagod at sakripisyo. Tanging sukli natin ay manatili sa ating sariling bahay at manalangin para sa kanilang kaligtasan.

Bayani din ang mga CoVid Fighters! Na kahit hirap na hirap na sila ay hindi sila sumusuko na labanan ang hirap ng kanilang karamdaman. Nanghihina man ang kanilang katawan at isipan pero nanatili silang kumakapit sa pag-asa na balang araw makaaalis din sila sa apat na sulok ng kwartong kanilang pangsamantalang tinutuluyan. Maaaring iba't iba ang ating istorya at hirap na pinagdadaanan. Ngunit isa lang ang ating adhikain na sana ngayong pasko makamit natin ang pinakaaasam na regalo. Sana ngayong pasko, muli nating masilayan ang ningning ng malaya nating mundo. Na ang lahat ay bumalik sa dati nitong anyo bitbit ang karunungang natamasa bunga ng mapait na yugto ng ating buhay. Sana ngayong pasko, manumbalik ang mga ngiti sa ating mga labi at muli tayong magalak at humalakhak ng sama-sama dahil sa tagumpay na ating natamasa. Sana ngayong pasko. Sana malapit na.

Sponsors of DreamBig
empty
empty
empty

3
$ 0.00
Avatar for DreamBig
4 years ago

Comments