Katulad mo, dumadaan din ako sa mahihirap na tagpo ng buhay. Napupuno ng alalahanin, nababagot, nabibigo at nawawalan ng pag-asa. Parang di ko na kaya. Parang walang patutunguhan ang lahat ng aking mga pinagpagalan. Parang malabo na maabot ko ang inaasam kong tagumpay na matagal ko nang pinagtitiyagaan. Oo. Masakit. Mabigat. Nakakawala ng pride. Pero naiisip ko mas walang patutunguhan kung ako ay magbubulag bulagan. Mahaba ang buhay. Madami pa tayong maaaring magawang maganda sa ating buhay. Hindi nahihinto sa mga kabiguan ang mga nakahandang pagpapala na inihanda na para sa atin noong una pa lamang. May magandang panahon para sa lahat.
Sa lahat ng bigo. Kaway kaway naman diyan. Hindi ka nagiisa. Dalawa tayo. Marami tayo. Pero gaya ng mga bigo, mabibilang din tayo sa mga hanay nang mga taong paulit ulit na pinulot ang kanilang mga sarili mula sa kanilang mga kabiguan. Hindi basehan ng tagumpay ang oras. Maaaring nauna ang iba, ngunit magiging isa ka rin sa kanila sa tamang panahon na inilaan sa iyo ng Panginoon. Magtiyaga hanggang sa huli. Hanggang sa makita natin ang resulta ng ating pagsusumikap. Hindi ibig sabihin na hindi natin nakikita kaagad ang tagumpay ay nangangahulugan na isa kang talunan. Maaari ang ating mga tagumpay ay nagkukubli at hinahandang mahayag kung kailan ito oras. Kumilos tayo at huwag matakot sa anumang handa ng bukas. Isang araw ikaw naman, isang araw tayo naman ay magiging kaisa nila.
Ipanalangin natin na anumang pinagdadaanan natin ay makayanan natin ito nang buong lakas, buong isip at buong puso. Ang lahat ng kabigatan ay may hangganan. Lahat ng pagsusumikap ay may hatid na gantimpala. Malayo man ngunit maaabot din natin ang lahat na ayon sa Kanyang kagustuhan.