Ingat-Yaman

0 25
Avatar for DreamBig
4 years ago

Mayaman ang ating mundo. Sagana sa lupain, karagatan, halaman, mga puno, bulaklak, hayop at iba pang mga bagay. Kay gandang pagmasdan ang mga luntiang bukirin. Pagkasikat ng araw nakahanda na ang mga magsasaka upang pumunta sa mga palayan. Kasama nila ang mga asawa nila na naghahanda ng masarap na meryenda. Mainit na bibingka na may nakakahahalinang halimuyak at lasa at ang malinamnam na tsokolate. Gayun din naman ang mga mangingisda, umagang umaga pa lang ay abala sa pagaasikaso ng kanilang lambat at inihahanda ang kanilang bangka sa pagpalaot. Iba't ibang klase ng isda ang mahuhuli: may bangus, may lapu-lapu, may tuna, tawilis at iba pa. Sagana sa yaman ang ating mga dagat. Nakalilibang na pagmasdan ang nakaaakit na ganda ng karagatan. Asul na asul. Sumasayaw ang mga alon sabay sa pag-ihip ng hanging Amihan. Nakagagaan ng pakiramdam ang preskong simoy ng hangin. Ang mga tao sa kabundukan ay may simple ngunit masayang pamumuhay din.

Nagsisibak ng kahoy para ipanggatong at magamit sa pagluluto ng kakainin sa hapunan. Ang mga magkakamag-anak ay nagkakatipon gabi-gabi upang pagsaluhan ang mga ngiti at halakhakan habang inuumpisahan tikman ang masasarap na pagkaing inihanda ng mga kababaihan.
Sila ay mga tagapag-alaga ng mga puno. Pinararami nila ang mga puno sa pamamagitan ng pagtatanim at pagaalaga ng husto upang kung bumabagyo sila ay makaiwas sa pagguho ng lupa. Saan mang dako sila manggaling bitbit nila sa kanilang sarili ang adhikain na pangalaggaan ang kalikasan. Disiplinado at may malasakit. Hindi nagkakalat ng basura sa daan. Hindi bumabaril ng mga ibon o humuhuli upang alagaan sa sariling bakuran. Hindi gumagamit ng dinamita upang mas makahuli nang maramihan. Hindi sinisira ang mga kabundukan, hindi ginto ang pinagdidiskitahan. May puso para sa inang kalikasan.

Noon iyon...

Ngayon??

Mabilis na nag-iba ang takbo ng buhay. Magkakaiba ng paniniwala at gawa. Hindi magkasundo sa kultura at disiplina. Nawalan na ng amor sa isa't isa. Tapon dito, tapon doon. Masiklab na pagpapasabog sa dagat. Nasisirang mga koral at perlas. Pinagdamutan ng tahanan ang mga lamang-dagat. Gabi't araw ay singkad sa pagsira sa mga kabundukan layon ay upang makalikom ng magagandang ginto't pilak. Pagiging makasarili. Ako muna bago ang mamamayan. Pagdebelop sa mga lupain upang gawin subdibisyon at establisimyento. Nawalan na ng pagaaruga sa kalikasan. Mga taong nagsusunog ng kanilang mga basura. Di anlintana ang usok na ibinubuga ng mga sinusunog at nagbabaga. Dumudumi ang hangin sa paligid. Dumadanas na ng mahagupit at mabagsik na mga bagyo. Lindol. Ipo- ipo. Maalinsangan na panahon.

Nasaan na ang ating disiplina sa pagaalaga sa ating kalikasan? Ito'y hindi sadyang atin. Ito lamang ay pahiram. Sinisingil na tayo ng kalikasan. Hindi ba natin ito alintana? Ating mga ugali ay lubhang sumusobra na. Hindi magandang pakikitungo sa isa't isa. Hangad ay pansariling kaginhawahan lamang. Nakakalungkot. Ito ang totoo. Kailangan na nating magbago. Napapanahon na. Upang ibalik ang dating sigla ng ating kalikasan. Kumilos na tayo mga tagapag ingat-yaman.

Sponsors of DreamBig
empty
empty
empty

6
$ 0.00
Avatar for DreamBig
4 years ago

Comments