Chelsea

0 42
Avatar for Dabbie
Written by
3 years ago

Walong taon na kaming kasal ng asawang kong si Brendo at mayroon na kaming isang anak na babae na pinangalanan naming Chelsea. Si Chelsea ay apat na taong gulang pa lamang.

Sa walong taon ay nakatira pa rin kami sa poder ng magulang ni Brendo. Wala namang problema kung tumira kami doon dahil masyado namang malaki ang bahay. Dalawa lamang magkapatid sila Brendo. Mababait ang magulang ni Brendo at mahal na mahal nila ang anak naming si Chelsea.

Maayos ang lahat sa amin sa bahay maliban nalang sa madalas magkakainitan ng ulo ang magkapatid na si Brendo at Ben. Isang beses ay naging matindi ang pagtatalo ng magkapatid na halos umabot sa pisikalan.

Dahil sa pangyayaring iyon ay napagpasyahan namin na mag-asawa ang bumukod nalang ng bahay nang sa gayon ay makaiwas nalang sa gulo. Tutol man ang pamilya ni Brendo ay wala naman silang magagawa dahil para naman sa ikakabubuti ng lahat.

Humanap kami ng mauupahang bahay ni Brendo na agad naming malilipatan.

Wala pang isang linggo ay nakahanap na kami ng malilipatang bahay. Maganda ang nakuha naming bahay at saktong-sakto lang para sa aming tatlo ni Brendo at ng anak naming si Chelsea. Hindi rin gaanong mahal ang renta kung kaya't hindi na namin pinatagal pa lumipat na kami agad.


Masaya kami na nakalipat na rin kami sa wakas. Maayos ang bahay di gaanong malaki at di rin gaanong maliit. Sakto lang ang laki nito para sa amin.

Maayos naman ang lahat sa bahay na nilipatan namin mas nakaramdam ako ng saya kasi sa naka-bukod na rin kami sa wakas. Matagal ko na rin kasing hinihiling ito kay Brendo. Mahirap din kasing makitira pa rin sa poder ng pamilya ng asawa mo lalo na't may sarili kayong pamilya.


Isang gabi ay kinailangan ni Brendo mag overtime sa trabaho kaya umaaga na siya makakauwi.

Andito kami ngayon sa sala habang nanonood si Chelsea ng coco melon habang nakahiga sa sofa. Hinayaan ko muna si Chelsea sa sofa at pumasok sa kwarto. Nakaramdam ako ng antok dala na rin siguro ng pagod sa buong araw kung kaya't naisipan ko muna umidlip ngunit sinilip ko muna si Chelsea sa sala, nakita ko naman na masaya pa rin siyang nanonood at okay lang siya.

Humiga na ako sa kama sa kwarto at umidlip sandali.

Nagising ako bigla at tiningnan ang oras ng cellphone ko at napahaba pala ang tulog ko. Babangon na sana ako para tingnan si Chelsea baka nakatulog na sa sala. Ngunit pag kita ko ay mahimbing ng natutulog si Chelsea sa tabi ko. Kiniss ko pa si Chelsea dahil ang cute cute niya matulog at halatang pagod na pagod.

Maya't-maya pa ay napansin ko ang ingay sa sala ng tv. Di siguro napatay ni Chelsea kung kaya't naisipan ko na lumabas para patayin ito. Paglabas ko ng kwarto ay laking gulat ko ng makita ko si Chelsea na natutulog sa sofa yakap yakap ang laruan niya at bukas pa rin ang tv.

Biglang nanlamig buong katawan ko at kinabahan. Akala ko namamalik mata lang ako kung kaya't sinilip ko ulit sa kwarto si Chelsea at nandun naman siya natutulog . Ngunit may Chelsea rin na nasa sofa. Kinabahan na ako ng sobra ng oras na iyon di ko alam anong gagawin ko. May gumagaya sa anak ko. Nilapitan ko yung Chelsea na nasa sofa. Di ko alam sino sa kanila ang totoo. Ngunit agad ko ring naisip na ibang chelsea ang nasa kwarto at ang totoo ay itong nasa sofa dahil madalas nakakatulog si Chelsea sa sofa kapag nanonood. Agad kong pinatay ang tv at tumabi kay Chelsea sa sofa at niyakap siya ng mahigpit.

Biglang nagising si Chelsea habang yakap ko siya "Mommy bakit po parang takot na takot ikaw? - tanong niya sa akin.

" Matulog na ikaw baby wala iyon! " at agad namang natulog si Chelsea.

Nakatulog na rin ako sa sobrang takot at hinayaan kung sino man ang nasa loob ng kwarto.

Umaga na ng nagising ako dahil sa katok ng asawa ko sa pinto. Alas-siyete na ng umaga siya nakauwi ngunit pagbangon ko ay wala na si Chelsea sa tabi laruan niya lang katabi ko. Hinayaan ko muna at binuksan ang pinto.

Pag bukas ng pinto sabay halik sakin ni Brendo sa noo. Sabay tanong "Tulog pa ba si Chelsea"? At agad naalala ko si Chelsea.

Sakto naman na kakalabas lang ni Chelsea ng kwarto sabay tanong sa akin na siyang nakapagpakilabot sa akin.

"Mommy bakit wala po ikaw kanina sa tabi ko? Bakit sa sala po ikaw tulog?"

Bigla akong kinabahan sa nangyari na agad napansin ng asawa ko.

"Ano ba nangyayari?" tanong ni Brendo sa akin.

"Mamaya na tayo mag-usap magbibis ka muna sa loob" sagot ko.

Agad naman pumasok sa kwarto si Brendo at agad ko rin tinanong si Chelsea.

"Baby pinatay mo ba yung tv kagabi?"

"Opo mommy tapos po pasok kwarto, gising po kita pero di ka gising eh kaya tabi nalang po ako inyo tulog"

"Di ka natulog sa sofa?"

"Di po. Pasok po ako sa loob tapos tabi po sa inyo. Pero kanina gising ako wala ikaw sa tabi ko, sala ikaw tulog mommy"

Bigla akong kinabahan sa sambit ni Chelsea. Buong gabi pa lang di ko katabi ang anak ko. Ngunit sino yung Chelsea na katabi ko sa sofa kagabi.


Nagalalaro ngayon si Chelsea at kinuwemto ko sa asawa ko ang nangyari ngunit di naniniwala sa akin si Brendo.

"Alam mo Hon dala lang ng pagod mo yan kung kaya't kung ano ano naiisip mo" sabay yakap sa akin.

"Hon totoo nga sinasabi ko may gumagaya kay Chelsea dito sa bahay!"

Ngunit tila di pa rin siya naniniwala sa akin kung kaya't hinayaan ko nalang din.


Lumipas ang dalawang araw at di naman na naulit yun.

Isang umaga nagising ako wala na si Chelsea sa tabi ko. Maaga ata nagising kaya agad akong lumabas ng kwarto at naabutan ko si Chelsea naglalaro sa Cr basang basa siya at enjoy na enjoy sa ginagawa.

"Mommy hihi laro ako!"

"Baby naman bakit ikaw laro ng water magkakasakit ka niyan mamaya"

Tinawanan niya lang ako.

"D'yan ka lang ha? Kuha lang si mommy towel sa loob para bihis na ikaw"

"Opo mommy!"

Agad akong pumasok ng kwarto at kumuha ng tuwalya. Paglabas ko ng kwarto ay laking gulat ko na kakapasok lang ng bahay ni Chelsea.

"Mommy galing ako labas, laro kami ni Chloe"

Chloe yung kalaro niya na kapitbahay namin.

Bigla na naman ako kinabahan. Agad kong sinilip ang Cr wala na dun si Chelsea ngunit basang basa pa rin ang Cr at nakakakalat mga laruan ni Chelsea.

Nagtataka si Chelsea sa nangyayari.

"Bakit po mommy?"

"Wala baby, tara kain na ikaw"

Takot na takot ako ng oras na iyon ngunit di ko dapat ipahalata kay Chelsea.


Halos araw-araw na may nanggagaya kay Chelsea madalas ginagaya niya boses ni Chelsea at tatawagin ako at tatawa ngunit hinahayaan ko nalang.

Araw ng day off ni Brendo at tinanghali ako ng gising at wala na mag-ama sa tabi ko. Agad akong lumabas at nakita si Chelsea sa sala naglalaro at agad ko itong tinanong.

"Baby asan si daddy?"

"Lumabas po mommy!"

Tumabi ako kay Chelsea at niyakap siya at yumakap din siya sa akin. Nakaupo siya sa lap ko habang nilalaro ang buhok ko. Nang biglang tumawag si Brendo.

"Hon buti gising kana! Isasama ka sana namin kanina kaso ansarap ng tulog mo eh! Nasa SM kami ngayon ni Chelsea bigla kasing nagyaya tong anak natin di ko naman matanggihan"

"Ka-kasama mo s-siya?"

"Oo Hon pero uwi na rin kami mamaya dalhan ka namin pasalubong babye i love you"

Nanlalamig buong katawan ko sino tong nasa harap ko. Nakaupo pa rin ito sa lap ko at ngumiti pa sa akin.

"Bakit po mommy"? Sabay ngiti.

Naitulak ko siya ng malakas at tumakbo ako palabas ng bahay. Narinig ko na umiyak pa ito at tinatawag tawag akong Mommy.

Di muna ko pumasok ng bahay at inantay ko na dumating sila Brendo. Pagdating nila ay mangiyak ngiyak ako na nagkwento. Buti at naniwala na sa akin si Brendo.

"Ipapabless natin yang bahay at tatawag tayo ng paranormal experts para malaman natin kung ano iyon!"

Kinabukasan ay agad na dumating ang pari at eksperto sa bahay.

Pagpasok sa bahay ay agad nagsalita ang paranormal expert na kinuha namin

"Kayo pala ang lumipat dito? Sigurado di kinuwento sa inyo ng may-ari ang nangyari dito dati."

"Wala pong nasabi sa amin" sagot ko.

"Sige mamaya nalang ituloy muna natin ang dapat gawin."

Itinuloy na ng pari ang pagbabasbas ng bahay. Nag-alay din kami ng dasal at nagtirik ng kandila.

Pagkatapos ay pinagmeryenda na namin sila at saka nagkwento si Sir Arnold ang paranormal expert.

"Alam niyo matagal ko ng alam tong bahay na ito dahil dati akong pulis. Isa ako sa mga pulis na nag-imbistiga dito."

"Pagdating namin dito ay isang batang babae ang naabutan namin na walang awang pinagpapatay ng kanyang sariling ina. Nawala sa sarili ang ina nito noong iwan sila ng kanyang ama para sumama sa ibang babae base sa imbestigasyon. Apat na taong gulang ang bata at nagtamo ito ng labing dalawang saksak sa kung saan-saang parte ng katawan. Ginagambala niya kayo at ginagaya ang iyong anak dahil sa gustong niyang maramdaman na mahalin ng isang ina. Hindi niya pa rin matanggap na wala na siya. Dahil pagkatapos ng nangyaring insidente na iyon ay wala ng ibang tumira dito agad na nabakante ang bahay na ito."

Biglang tumulo ang luha ko dahil sa awa sa nangyari sa bata kaya pala madalas niya gayahin ang anak ko. Hindi naman siya nananakit ginagaya niya lang talaga si Chelsea.

Pagkatapos ng usapan namin ay nagpaalam na rin sila umalis.


Kinabukasan ay wala na kaming naramdaman na kahit ano. Ipinagdasal at ipinagtirik ko ulit ng kandila ang bata. Ipinagdasal ko na sana makarating na siya sa dapat niyang puntahan at matahimik na ang kaluluwa niya.

Pagkatapos ng isang linggo ay lumipat na rin kami ng bahay dahil may nakuha kaming pabahay mula sa trabaho nila Brendo. Habang paalis na kami ng bahay ay may nakita akong batang babae sa tapat ng pinto at ngumiti sa akin saka ito biglang nawala.

Naiwan na ulit bakante ang bahay at wala na akong balita tungkol dito.

-end.

16
$ 0.10
$ 0.10 from @Greyzzz
Avatar for Dabbie
Written by
3 years ago

Comments