Ulan
Umupo ako sa may lamesita malapit sa iyong bintana. Nandoon ka na naman kase at malayo ang tingin. Tila ba may inaantay kang dumating sa gitna nang ulanan. Pinagmasdan kita at ang iyong mga mapupungay na mata. Hindi ko mawari ang nais nilang sabihin ngunit alam kong nangungusap sila.
Maya maya pa ay may mga luha ng pumapatak sa mga ito. May kirot sa aking dibdib habang pinanonood kita. Gusto kong hilahin ka papunta sa akin at ikulong ka sa isang mahigpit na yakap. At sabihing magiging maayos din ang lahat.
Kung maaari lamang. Kung magagawa ko lamang.
Dati rati'y gustung-gusto mo ang ulan at walang takot kang naliligo habang kumukulog at kumikidlat ngunit ngayo'y hindi na maipinta ang iyong mukha. Marahil dapat kong sisihin ang sarili ko sa lahat.
Hinawi ko ang buhok na lumihis papunta sa iyong pisngi. "Tama na ang pag-iyak. Sige ka papangit ka," bulong ko. "Gusto mo kanatahan nalamang kita?" dagdag ko pa pero parang hangin lamang ang aking tinig sa iyo. Hindi ka man lang kumurap at patuloy lamang ang iyong pag-iyak. "Tama na, please? Please? Ayo'kong nakikita kang ganyan. Tahan na please," pagmamakaawa ko.
Pinunasan mo ang iyong mga mata at bahagyang suminghot-singhot. Tumingin ka sa iyong palad at sa isang litratong lukut-lukot. "Mahal na mahal kita," bigkas ng iyong mga labi.
"Mahal na mahal din kita," sagot ko naman. Lumuhod ako sa harapan mo at kinuha ang iyong mga kamay. "Mahal kita noon at hanggang ngayon. Wala nang magpapabago doon. Araw-araw kitang pipiliin."
Patuloy ang pag-ulan sa labas ng bintana at halos gabi na kung titignan dahil sa dilim. Paminsan-minsan ay kukulog kasunod ang kidlat tila ba isa itong salamin ng iyong nararamdaman. Hindi ko nais na saktan ka, kahit kailan hindi ko ginusto ang mga nangyari. Pero dahil sa akin nakikita kitang nadudurog.
Gagawin ko ang lahat mapatawad mo lamang ako. Gagawin ko ang lahat makita ko lamang ulit ang iyong mga ngiti. Gagawin ko ang lahat para sa iyo. Kung magagawa ko lamang ito.
May mga yapak na papalapit sa iyong kwarto na sinundan nang isang mahinang katok, "Anak?" tawag ng iyong ina sa kabila ng pintuan.
"Po, ma?" sumagot ka.
"Anak, okay ka na ba? Ready ka na ba? Maya maya lang aalis na tayo."
Tumayo ka at binuksan ang pintuan, "Okay lang kaya kung hindi ako pumunta?" nakayuko mong tanong.
"Pero anak, inaasahan ka nila do'n ngayon." Pinisil ng iyong ina ang balikat mo. "Inaantay ka nila Kumareng Nita. Huling lamay na ngayon ni Andrew anak."
Umagos ang mga luha sa iyong mga mata, "Hindi ko s'ya kayang makita do'n ma. Hindi ko kakayanin mommy. Hindi ko kaya."
Nagtiim ang aking mga bagang, kung hindi ako umalis nang araw na iyon sana magkasama pa tayo ngayon. Kung hindi ako nagpumilit na suungin ang ulan, maari'y nayayakap pa kita ngayon.
Patawarin mo ako mahal. Kung maibabalik ko lamang ang nakaraan hinding hindi kita iiwan. Patawad.
.......
August 31 pala ngayon, naalala ko nangako ako sasarili ko na bago matapos ang buwan ng wika magsusulat ako sa filipino. Hahaha... So ayun, binuhos ko naman ang lahat nang makakaya ko. Pero honestly this story made me teary. Hoho. I hope you liked it
Ang sakit naman po huhuhu. Tagos sa puso, sakto ngayong tag ulan, mapanakit hehe. Ang galing! ♥️